Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Esperanza
Author: Rivera, Jose Maria, 1882-
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.


*** Start of this LibraryBlog Digital Book "Esperanza" ***


[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]



=AKLATAN N~G «TALIBA»=

=ESPERANZA=

=DULANG SOSYAL=

NA MAY

=ISANG TANGING YUGTO=

Nagkamit n~g Unang Gantingpalà sa Timpalak
n~g m~ga Dula, na binuksan n~g
samahang "Ilaw at Panitik".

katha ni

=JOSE M.a RIVERA=

MAYNILA, 1916

Limb. ng «La Vanguardia» at «Taliba»
Gunaw 126, Kiyapo.



=DULANG TAGALOG=

=ESPERANZA=

=_DULANG SOSYAL_=

na may

=ISANG YUGTO=

TUNDO, MAYNILA

1913.



=MGA TAO NG DULA=

ESPERANZA.
ARTEMIO.
RAMON.
RAFAEL.
SALUSTIANO.
DELFIN.
G. LUIS.
Ga. AMALIA.
G. MATEO.


Pinangyarihang Panahon: Kasalukuyan.



=ALAY.....=

sa m~ga mahal na katotong

_Cirio H. Panganiban at
Teodoro E. Gomez._

=_ANG KUMATHA_=



=TANGING YUGTO=


Bahay ni Artemio.--Pagbubukás n~g Tabing ay mamamalas ang kagayakan
n~g isang loob n~g bahay n~g mahirap. Makikitang si Artemio ay
nakahigâ sa isang papag na may talì n~g isang panyô ang kanyang ulo.
Ang ayos ni Artemio ay parang may dinaramdam na sakit. Sa kabilang
panig n~g bahay, na mangyayaring maging sa batalán, ay makikita si
Esperanza na naglalabá==Pag an~gát n~g Tabing at pagkaraan n~g isang
sandalî, ay titindig sa kanyang pagkakaupô si Esperanza.

Hapon, at ang ilang anag-ag n~g araw na matuling tinutun~go ang
kanyang kanlun~gan, ay pumapasok sa isang bintanà n~g kababayan.



=_I TAGPO_=

=Si Esperanza, pagkatapos, si Artemio=


Esp.     (Mula sa labas.) Kaawaawa ang aking si Artemio!... Tatlong araw na
    n~gayong hindi makakain!.. Lagi nang isa* mo'y may malalim na
    iniisip!... May sakit kaya?

Art.     (Mula sa kanyang hihigan. Uubo, at pagkatapos ay magtuturing.)
    Bathala!... Lahat na po n~g hirap ay ibagsak na sa akin, n~guni't
    ipagkaloob mo po lamang na magpatuloy sa pagbuti ang puso at
    kalooban n~g aking si Esperanza!... (Hihintong sumandali.) Di po
    kailan~gan na batahin ko ang lahat n~g pahirap matubos ko lamang
    siya....

    Ay ...!!!

Esp. (Papasok.) Bakit, aking Artemio, may sakit ka bang dinaramdam?

Art. Wala, aking mahal na asawa.

Esp. (Kulang nang paniwala.) Wala? Nagkakaila ka sa akin.

Art. (Pan~giti.) Maniwala ka aking Esperanza sa katatapos na isinagot.

Esp.     Huwag mong ipilit Artemio ang pagkakailá n~g iyong dinaramdam sa
    katawan. Talos ko, aking mahal na Artemio na tatlong araw na
    n~gayong hindi ko man halos makakain. ¿Alin ang sanhî n~g
    gayon?... (Pasumala) Marahil ay hindi ko nararapat na malaman, at
    dahil dito'y hindi naman akó nagpupumilit na manawa ang gayon.

Art.     Huwag, huwag kang magturing n~g ganyan. Esperanza pagka't ang
    sarili mo ang siya ring sinusugatan: Tunay n~gang may kaunti akong
    dinaramdam, n~guni't wala namang gaanong kabigatan.

Esp. Kung gayon, ay hayo, turan mo sana sa akin ang iyong damdamin.

Art.     Tunay n~gang may m~ga tatatlong araw na n~gayon na laging
    sumisikip ang aking dibdib.

Esp. Gayon pala, ay ¿bakit hindi mo nasabi sa akin?

Art. Mangyari, ay walang kabigatan.

Esp.     Marahil n~ga'y tunay ang iyong sapantaha, n~guni't kailan~gan din
    yata na ikaw ay makita n~g m~ga gamot.

Art. Huwag na.

Esp.     Hindi. N~gayon din ay tatawag ako n~g isang manggagamot at n~g
    makilala ang sanhi n~g iyong dinaramdam. (Anyong aalis.
    Sasansalain ni Artemio.)

Art. Bayaan mo na, at ito'y walang anoman. Kabigatan.

Esp.     Hindi, hindi ko matitiis na makikita kang may karamdaman at hindi
    ikita n~g lunas ang gayon.

Art.     Kung mapili ka sa iyong nasa, ay bayaan mo n~g ako ang siyang
    tumun~go roon. Arimuhanan din ang mabawas sa dalawang piso na
    ating ibabayad sa Mangagamot, kung siya pa ang paririto.

Esp. Huwag na, at baka ka pa abutan sa iyong pagtun~go doon.

Art.     Hindi, huwag kang mag-ala-ala. Sa awa ni Bathala, ang dati kong
    lakas ay hindi pa din nagbabawa, ni hindi humihiwalay sa akin.

    (Aalisin ang nakataling panyô sa kaniyang ulo. Huhusain ang
    kaniyang buhok, at pagkatapos ay kukunin ang kaniyang sombrero at
    bago umalis ay magtuturing n~g:)

    ¡Hangang mamaya!

Esp.     Hanggang mamaya aking Artemio, at kaiin~gat ka sana sa iyong
    katawan.

    (Aalis si Artemio.)



_=II TAGPO=_

=Si Esperanza ay nagiisa=


Esp.     (Luluhod sa harap n~g isang Kristo. Malumbay) ¡Bathala!...
    ¡Bathala!... Ipagkaloob mo po sanang ang sakit na dinaramdam n~g
    aking Artemio ay huwag maging mabigat. Ipagkaloob mo po Diyos ko,
    na ang manggagamot na titin~gin sa kaniyang damdamin, ay matuklas
    ang gamot n~g kanyang karamdaman!... ¡Para mo na pong habag sa
    akin!... At, kung ang ikagagaling po niya'y ang aking buhay, naito
    po, at maluwag kong inihahandog sa inyo ang aking puso ...

    Mula sa labas. ¡Tao po!

Esp.     (Sa sarili). ¡May tao!... (Tatayo sa kanyang pagkakaluhod
    tutun~guhin ang tarangkahan at bubuksan). ¡Tuloy po!

Lalabas si Ramon.



_=III TAGPO=_

=Siya din at si Ramón=


Ram.    ¡Esperanza!... ¡Anong sayá at nakita kitang ulî ... (Anyong
    yayakapin).

Esp.     (Pasansala kay Ramón at waring galit). Ginoo! dahandahan! Huwag
    ka po magasal n~g papaganiyan.

Ram.     (Mamasdan n~g pakutya at pagkatapos ay hahalukipkip.) Esperanza,
    nagpakikilalang tila mabuti ang natagpuan mong ka agulo, pagka't
    tila ... nalimutan mo na tuloy akó.

Esp.     (Galit) Ginoo, huwag mo pong lapastan~ganin ang isang katulad kong
    na sasa loob n~g kaniyang sariling pamamahay.

Ram.     (Palabag) ¿Pinupuno mo pa ako n~gayon? ¿Di yata? ¡Ja! ¡Ja!
    ¡Ja!..... Kilalanin mo akong mabuti. Ako ang isa sa m~ga giniliw mo sa
    Salon, sa Bahay sayawan!... ¿Hindi ka na ba sumasayaw n~gayon?

Esp.     Alang-alang sa Diyos, huwag ninyong bigyan n~g kauntulan ang isang
    babae na nanunumbalik sa kaniyang kabutihan ...

Ram.     (Pakutya) ¿Nagiisip ka n~g bumuti? Loka ka n~ga yata. Ang lalong
    kabutihan mong magagawa, ay ang sumama ka sa akin.

Esp.     Ah, hindi, hindi na. Talastasin ninyo na ang Esperanzang ibinulid
    ninyo sa kasamaan, ay hindi na siya ang kausap sa m~ga sandaling
    ito.

Ram.     (Patuya). Loka ka n~ga palang tao. Dapat mong talastasin na ang
    isang babayeng na gumon na sa lusak, at ang kapurihan ay nawalan
    na n~g tunay na halaga, ay hindi na mangyayari pang bumuti. Kaya
    n~ga't.... (Anyong yayakaping muli.)

Esp.    (Galit) Huwag ka pong man~gahas n~g ganyan, Ginoo, kung di mo ibig
    na kayo'y samain.

Ram.     Sasangayon ako sa iyong hinihiling kailan man at sasama ka sa
    akin.

Esp.     (Boong puso.) ¡Ah!... sukat na ang pagulit n~g ganyang pananalita.
    Tahas kong sinabi sa inyó na hindi ako makapapayag sa inyong
    hiling.

Ram.     (Pakutya, pagkatapos na tignang mabuti ang ayos n~g bahay.) ¡Ha!
    ¡Ha! ¡Ha!... Malasin mo Esperanza ang bahay na itó, na halos ay
    magibâ na lamang. (Pahikayat) Sumama ka sa akin, at kita ay
    pagkakalooban n~g isang marikit na bahay ... di katulad nitó. Hayo
    na. Sumama ka sa akin. (Patabanan niya sa kamay si Esperanza at
    pipiliting sumama sa kanya.)

Esp. (Galit na galit). Ako'y inyong bitawan ...

Ram. (Pabatok) ¡Sumama ka sa akin!...

Esp.     (Matatabanan ang isang luklukan, at siyang ihahampas kay Ramon.
    Ito'y tatakbo sa loob.) ¡Inibig mo ang ganyan, ikaw ang bahala ...
    (Huhusain ang kanyang damit at buhok na magusot.)

Buhat sa loob: ¡Magandang hapon po!

Esp. ¡Magandang hapon po naman!

Lalabas si Rafael.



_=IV NA TAGPO=_

=Si Esperanza at Rafael=


Raf. (Pagkakita kay Esperanza). ¿Ano, Esperanza, kumusta ka?

Esp. (Magalak) Ikaw pala, Rafael. Mabuti sa awa ni Bathala.

Raf. ¿Si Artemio, saan naroon? ¿Wala ba siya rito?

Esp.     Wala, tumun~go siya sa bahay n~g isang mangagamot at ikinuhang
    sangguni ang kaniyang karamdamang tinataglay.

Raf. ¿May sakit? ¿Mabigat bagá?

Esp.     Hindi, ayon sa sabi niya sa akin, n~guni't sa palagay ko ay hindi
    nararapat na palampasin. Akó na sana ang tatawag sa Mangagamot,
    n~guni't hindi siya pumayag, dahil sa malaki pa raw ang aming
    ibabayad.

Raf. Matagal kaya siya?

Esp. Hindi naman marahil. Matagal ka rin hindi nakaka-ala-ala sa amin.

Raf.     Tunay n~ga, pagka't tumun~go akó sa lalawigang Pangasinan at
    pinakialaman ko roon ang isang Lupain. N~gayon, ay kararating ko
    pa lamang. Ipinalalagay ko Esperanza, n~gayon sa ayos n~g inyong
    tahanan, na dumadanas kayó n~g di kakaunting hirap at paghihikahos,
    at dahil sa gayon, ay tangapin mo ito. (Ibibigay ang isang bilot
    na papel moneda.)

Esp.     (Tututulan ang ibinibigay sa kaniya) Payagan mo sana Rafael, na
    huwag kong tangapin ang inyong ibinibigay sa amin. Gayon man, ay
    asahan mong pinasasalamatan namin n~g marami.

Raf.     (Pasamo) Kunin mo sana, Esperanza, at iya'i huwag mong ipalagay sa
    bilang limos ko baga sa iyo, kundi, parang isang abuloy ko sa inyó
    ni Artemio.

Esp.    Kahit na, hindi ko sana ibig tan~gapin ang gayon alang-alang
    lamang sa iyong m~ga pan~gan~gatuwiran ay paiirugan kita, n~guni't
    ¿hindi ba ang lalong mabuti ay kay Artemio mo na ibigay kung siya
    ay dumating?

Raf. Oo, tunay ang iyong sinabi.

Lalabas sina Salustiano at Delfin.



_=V TAGPO=_

=Sila rin at sina Salustiano at Delfin=


Sal. (Papasok) ¡Magandang hapon po!

Esp.    Magandang hapon po naman. Magtuloy po sila. (Ang dalawa ay
    papasok. Si Rafael, pagkakita kay Delfin ay magalak na yayakapin
    ito.)

Del. (Kay Rafael) ¡Kaibigang Rafael!...

Raf.     (Pataka) ¿Anong hiwaga ito? (Ap) Ano't pati n~g m~ga umalipusta
    kay Artemio sa kanyang pagaasawa kay Esperanza, ay nagsitun~go
    n~gayon dito?

Esp.     (Kay Rafael) Tunay ang iyong katatapos na sinabi, Rafael.(Sa
    dalawang bagong pasok). ¿Kan~gino pong santó utang namin ang
    inyong pagkakaparito?

Sal.     Sa kan~gino man po sa m~ga santo, ay wala, n~guni't o, sa isang
    balitang tinanggap kagabi sa bahay n~g amá ni Artemio na umano'y
    may sakit daw. ¿Tunay n~ga po ba? (Kay Esperanza.)

Esp.     Tunay n~ga po, n~guni't wala namang anomang kabigatan, na di gaya
    mandin n~g gumalang balita.

Del.     ¿N~guni't saan po naroroon si Artemio? ¿Nasaan po ang aming giliw
    na kaibigan?

Raf.     (Galit, n~guni't nagpipigil. Aparte.) ¿Kaibigan nilá? (Sa dalawa.)
    At, hindi n~ga ba't kayó ang m~ga nagsipagpuno n~g pagkutya kay
    Artemio, na n~gayon ay tinatawag na mahal na kaibigan, n~g gabing
    humihin~gi siya n~g tawad sa kaniyang amá? ¿Sa palagay kaya ninyó,
    ay mabuti ang gayon kagagawan?

Ang Dal.     (Kay Raf. pakumbaba) Namamali ka, kaibigan; hindi kami ang
    nagsimula n~g gayon?

Raf. At sino?

Ang Dal. Hindi namin alam.

Esp. (Ap. kay Raf.) Bayaan mo na silá. Sila'y pinatatawad namin.

Del. N~guni't, saan n~ga po ba naroroon si Artemio?

Raf. ¿Bakit anong pilit n~g inyong pagtatanong sa kaniya?

Del. Pagka't, mayroon kaming ibabalitang isang bagay.

Sal. Tunay n~ga po, ibabalita namin sa kaniya na siya ay....
pinata....

(Lalabas si Artemio, na may tali'y na dalawang sisiglan n~g gamot.)



_=VI TAGPO=_

=Sila din at si Artemio=


Esp.     (Sasalubun~gin). ¡Salamat, dumating ka! Kan~gina ka pa hinihintay
    n~g m~ga kaibigan mo ...

Raf. (Yayakapin) ¡Mahal na kaibigan!...

Art. (Yayakapin din). ¡Kaibigang Rafael!...

Sal. Kaibigang Artemio ... (Anyong yayakapin).

Art. (Pataka). ¡Aba, naririto pala kayo!... (Ap). ¿Ano kaya ang sanhi?

Del.    Ipagtataka mo n~ga marahil, n~guni't kapag natanto mo ang sanhi
    n~g gayon, ay hindi malayong iyong ikatutuwa.

Sal.     Tunay, ang sinabi ni Delfin. Naparito kami upang ibalita sa iyo,
    na kumalat ang balitang ikaw ay may sakit na malubha.

Art. (Pan~giti). Malubha ang aking sakit? ¿Nabalita ang gayon? Saan?

Del. Sa lahat n~g m~ga pahayagan dito.

Art.     Sa m~ga pahayagan? (Kulang n~g paniwala.) Huwag sana ninyo akong
    biruin n~g ganyan....

Sal. Hindi biro, kaibigan....

Art. Sa makatwid pala ay tu ...

Del. Oo, tunay, maniwala ka sa aming ibinalita sa iyo.

Art.     ¿Hindi kaya iyan, ay katulad n~g inyong ginawa sa akin na
    pagkatapos na udyukan upang tumun~go sa bahay n~g aking m~ga
    magulang n~g doo'y ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan, na
    pagkatapos ay kayó pa ang siyang umalipusta sa akin? ¿Hindi kaya
    itó ay isa na namang _kabuluhang_ ibig ninyong idulot sa akin?

Del. (Papakumbaba). Maniwala ka sa aming hindi.

Sal.     At ang balitang ibibigay namin sa iyo, ay kagabí lamang namin
    tinangap. ¿At, nalalaman mo ba kung saang bahay namin tinanggap?

Art. (Boong pagnanasa). Kan~gino?

Esp. at Raf. Siya n~ga, kan~gino?

Del. Sa bahay n~g iyong papá.

Art.    Sa bahay n~g pa ...? (Alinlan~gan) ¡Ah!... Hindi ko
    mapaniniwalaan!

Del.    Ayaw kang maniwala? Siya, m~ga ilang saglit na lamang, at makikita
    mo din kung ang balita namin ay biro lamang ...

Sal.    At, lalong hindi ninyo mapaniniwalaan marahil kung aking sabihin
    na, tanggapin n~g mag-asawa ni D. Luis ang balitang tinuran na, ay
    kapuwa nan~gapaiyak, at si D. Luis ay nagturing na «Amalia,
    tun~guhin natin siya» ...

Art.     (Kulang paniniwala. Waring galit). Salustiano, Delfin, hangga
    n~gayon ay ipinalalagay ko pa kayong kaibigan, n~guni't utang na
    loob kong kikilanlin sa inyo na huwag na akong biruin. Huwag na
    ninyong ulitin kapuwa ang pagbabalita n~g hindi tunay. Ang aking
    ama ay hindi makapagpapatawad sa akin, talos ko ang kanyang ugali.
    At talos ko din naman na kanya nang ipahihiwatig sa m~ga lalong
    kapalagayang loob na ako'y kaniyang isinusumpa ... At wala akong
    mahihintay na mana sa kaniya ...

Del. Maniwala ka at siya ay paparito.

Sal. Tunay, gayon ang kanilang sinabi sa akin.

Art. ¿Paparito? (Galit) ¡Sukat na n~g inyong pagkutya! ¡Sukat na!...

Sal.     Huwag kang magalit. Sa katunayan, ang mama mo ay itinanong pa
    tuloy sa inyong Papa kung ikaw ay pinatatawad na niya sa iyong
    pagkakamali.

Art. (Kulang n~g paniniwala). At ano ang isinagot?

Sal.     Na ikaw ay pinatatawad niya, at muling kinikilalang anak, alalaong
    baga'y parang walang nangyari sa inyo.

(Makaririn~gig n~g m~ga yabag n~g kabayong wari ay katitigil lamang sa
tapat n~g bahay ni Artemio. Dudun~gaw si Rafael at pagkatapos ay
sasabihing sakdal tuwa.)

Raf.     Artemio, naririto ang iyong m~ga magulang! (Lalabas na nagdudumali
    sina D. Luis at D.a Amalia.)



_=VII TAGPO=_

=Sila din at si D. Luis at D.a Amalia=


D. Luis. (Yayakapin) ¡Artemio!.... ¡Anak kong mahal!

D.a Am. (Yayakapin) ¡Anak ko!

Artemio. ¡Papá, Mamá!... Patawarin ninyo kamil!... (luluhod siya.)

D. Luis.     Pinatatawid kana namin!... (Makikita si Esperanza pa
    pakatin~gin lamang sa kanila na waring takot at tatawagin.)

    ¡Esperanza halika!...

Esp. (Lalapit n~g patakot) ¡Patawarin mo na po kami!..... (Luhod).

D. Luis.     (Ititindig at yayakapin si Esperanza.) Pagtindig, Esperanza,
    at ikaw ay pinatatawad namin!..... Ako, oo, akó ang siyang lalo mo
    pang dapat patawarin dahil sa pagapi kong ginawa sa iyo.

Lalabas si D. Mateo.



_=VIII TAGPO=_

=Sila rin at si Mateo=


D. Mat. (Mula sa pintuan) ¿Se puede?

D. Luis. ¡Patuloy po kayó!... Ginoong Notario.

Art. (Ap) ¿Ano ang ibig sabihin nito?

D. Mat.     Naparito po akó upang ipagbigay alam sa inyó ang huling
    habilin at pasya n~g isang amain n~g inyong asawa. (Kay Artemio)

Art.     (Pataka) N~g aking pong asawa? (Ang lahat n~g m~ga panauhin ay
    mapataka. Lalo na si Esperanza.)

D. Mat.     Oo, po. Isang amain nila (Ituturo si Esperanza) na siyang
    lalong mayaman sa Misamis na nagn~gan~galang Pedro Abelario, na
    kamamatay pa lamang sa Bayang ito ay inihalal niyang tunay na
    magmamana sa lahat n~g kaniyang pag-aari.

Art. (Kulang pa din n~g paniwala) ¿Tunay n~ga po ba?

D. Mat.     Tunay po. At sa katotohanan, ay, naririto po ang testamento, at
    sampu n~g lahat n~g kayamanan.

(Bubuksan ang kanyang tan~gang Kartera, at ibibigay ang testamento,
m~ga dokumento at m~ga salapi.)

Art. (Boong galak) ¡Esperanza, Mama, Papa.. M~ga kaibigan ko.

Lahat. (Pataka) ¿Ano ang nangyayari?

Art.     (Matuwa). Si Esperanza ay _heredera_ n~g lahat n~g m~ga kayamanan
    n~g isang amain niya na kamamatay lamang.

Lahat. ¿Tunay?

Art. Tunay. At talos ninyo kung magkano? Limang pung libo....

Lahat. ¿Tunay n~ga ba?

Art. Oo, at naito, inyong malasin!.... (Ipakikita ang testamento.)

Lahat. Mayaman pala si Esperanza!....

Esp.     Ganiyan n~ga ang patunay, m~ga ginoo n~g Notario, n~guni't huwag
    ninyong ipalagay na ang gayon ay magpapabago sa aking paguugali.
    Ang yaman sa biglaang sabi, ay hindi ko kailan~gan, kundi, ang
    kapatawaran lamang n~g m~ga nagagalit sa akin. Nasa ko po ang
    mahirap!

Lahat. ¡Mabuting puso!...

Esp.     (Kay Artemio) Artemio, ang kayamanan kong nagbuhat sa aking mamang
    kamamatay pa lamang, ay ipinagpapaubaya ko as iyo ... Nais ko
    lamang sanang ang dalawang hati, ay ipagpagawa n~g isang paaralan
    para sa m~ga anak n~g mahíhirap; at, isang bahay ampunan para sa
    m~ga laging sinasahol n~g palad; para sa m~ga anak n~g
    kahirapan..... ¿Tinutulutan mo ba ang gayon?

Art.     (Magalak) ¡Nang boong puso!... (Sa lahat n~g kanyang panauhin)
    ¡M~ga kaibigan!... ¡Papá, Mamá!... Tumubo rin ang aking inihasik
    na m~ga pan~garal!... (Tatabanan sa isang bisig si Esperanza).
    ¡Naito!... ¡Naito ang ninasa kong tubusin: (Boong puso). ¡Kahapon,
    siya'y makasalanan, at n~gayon ay tunay n~g malinis. ¿Siya ang
    aking Esperanza; ang pag-asa kong naging katunayan!... ¡Dapat
    matanto n~g lahat na hindi ang bawa't nalublob sa burak n~g
    kasamaan, ay hindi na bubuti! ¡Naito si Esperanza na siyang tunay
    na saksi!... Larawang tunay n~g m~ga nagbabagong buhay!...

(Lahat n~g m~ga panauhin, ay mapapamaang: Ang manggagawa ni D. Luis,
ay yayakapin ang dalawa ni Artemio at Esperanza samantalang, ang m~ga
kaibigan naman nito ay magagalak na tatabanan si Artemio sa kamay. Ang
TABING sa gayon ay unti-unting malalaglag.)

(KATAPUSAN).





*** End of this LibraryBlog Digital Book "Esperanza" ***

Copyright 2023 LibraryBlog. All rights reserved.



Home