Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Ang mga Anak Dalita
Author: Mariano, Patricio
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.


*** Start of this LibraryBlog Digital Book "Ang mga Anak Dalita" ***


[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]



=ANG M~GA=

=ANÁK DÁLITA=

(NOBELANG TAGALOG)

SINULAT NI

Patricio Mariano

UNANG PAGKALIMBAG


=MAYNILA: 1911=

=Limbagan at Aklatan ni I.R. Morales
Liwasang Miranda, 11-13, Kiyapo.=



=Sa mañga binibining manggagawa.=

_Sa inyóng may mura at mahinang bisig
na maghapong araw, sa sipag, ay gamit,
sa inyó ko handóg yaríng aking awit,
bilang paghan~ga ko sa pagmamasákit
na inyóng itanggól, sa tulong n~g pawis,
ang sariling búhay at tagláy na linis._

Pat. MARIANO.



=Sa bábasa.=


  Kaibigan ka man ó di kapanalig,
kasuyo ó hindi, kaaway ó kabig,
di ko hiníhin~ging huwag mong isulit,
sa akin, ang pula na ibig ikapit.

  Di ko mawiwikang ipagpaumanhín
ang mali ó lisya na iyong mápansín,
sabihin mong lahát ang ibig bangitín;
may kalayaan ka, di ko sinisiíl.

  Di akó gagaya sa ibáng katulad
na hihin~ging awa ó ipahahayag
na kutád ang isip at bubót ang hagap;
kapós palá'y ¿bakit nan~gahás sumulat?

  Kaya n~ga't antáy ko ang iyong pasiya
yamang ikáw'y siyang susuri't lalasa;
n~guni't ang hilíng ko'y _pintás pantás_ sana
ang iyong gamitin sa m~ga mábasa.

  Di ikasásama nitóng kalooban,
pintasán man itó, n~guni't tama lamang;
ang dáramdamín ko'y ikáw ang wikaang:
_mangmáng palá'y ibig magdunóng-dunun~gan._

  Kaya n~ga't bago ka magsabi n~g hatol
ay magnilay muna, gamitin ang dunong
(kung matalino ka) at saká ipatong
ang wíwikain mong di na mahahabol.

  Dapwa't, kung sakali, namáng, ang mangyari'y
dúdulutan akó n~g iyóng papuri,......
¡Maraming salamat! (maraming marami)
n~guni't nilayin din na lubhang mabuti.

  Pagka't ang _tawa_ man, kapág nábulalás
ay hindi na _tawa_ kung hindi halakhák;
labis na puri'y, karaniwang banság,
kung minsan ay _tuya't_ kung minsan ay _libák._

_ANG KUMATHA._



=Ang mañga anák dálita.=


I.

SI TETA.


  Sa isáng tahanang lubhang marálita
na áalan~gán pa sa pan~galang dampa'y
may isáng babaing yayát at matandá
na wari'y may sakít, kaya't nakahiga.

  Sa kaniyang siping, na abót n~g kamáy,
ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán
at sa dakong paa'y mayroong uupán
na wari'y gawa pa n~g amáng si Adán.

  Ang tan~ging kasama n~g sangkáp na itó
ay isáng tampipi't isáng _baul mundo,_
isáng panahian, kaputol na kayo
at ilang balumbón n~g sutlang naguló.

  Ang lahát n~g iyo'y siyáng kayamanan
niyóng maralita't babaing may damdám
kung di mápupuná ang isáng larawan
n~g himalang gandá na nasa batalán.

Isáng binibining ang tindíg at anyo,
ay nakaáakay sa gawang sumuyo
at ang kanyáng titig na lubhang maamo
ay makabibihag sa alín mang puso.

  Yaóng m~ga pisn~gí, na nagnakaw mandín
n~g kulay sa _rosa't_ sa magandáng _jazmin,_
ay natítimban~gán n~g matáng maitím
na wari'y hahalay sa m~ga bituín.

  Ang isáng makapál at mahabang buhók
na nábabalumbón sa malakíng pusód
ay inalong dagat ang nákakaayos
dahilán sa inam n~g pagkakakulót.

  Itó ang himalang hindi nábibilang
sa m~ga nákita na hiyas sa bahay,
kahit masasabing sa kahalagahan
ay siya ang lalong palamuting mahál.

  Lalo't kung mabatíd na siya ang anák
n~g babaing iyong sa sakít ay lagmák,
at siya ang isáng tan~ging naghahanap
at nagmamasakit sa buhay na salát.

  Siya ang paroon, siya ang parito,
gawa niya yaón, gawá niya itó,
sa maghapong araw, ang mahinang butó,
ay di natitigil n~g kahit gaano.

  At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y
kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan,
kaya't kahit sinong magíng kapanayám,
ay nan~gawiwili na siya'y pakingán.

  Sa unang sandaling ating pagkákita
ay damít ang pigil at siya'y naglabá
at nang makatapos, tinignán ang iná
kung sa pagkáhiga ay nakaban~gon na.

  N~guni't nang inabot ang ináng may sakít
ay di kumikilos sa hihigáng baníg,
kaya't tinulun~gan, sa gawang pagtindíg,
upang ang pagkain ay huwag lumamíg.

  Kanyáng iniupo ang ináng may damdám,
at saká kinuha ang laang linugaw;
--Kumain ka iná--ang wikang tinuran--
n~g upáng lumakás ang iyong katawán.

 --Ay giliw kong bunso--ang sa ináng turing--
kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin
ang hirap na itóng wari'y sapínsapín
na nagpapasasang sa ati'y umiríng.

  Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná
na dapat tumulong ay nakadagdág pa
sa m~ga gáwaing iyong dinádalá,
sa paghahagiláp niyong kakanin ta?

  Ang tao n~ga palá, sa mundóng ibabaw,
ay dapat mag-impók n~g ukol sa buhay,
pagka't kung humina'y walang pagkukunan ...
"ang hindi nagbaló'y walang tatan~garan".

  At pag sumapit na sa panahóng salát
ay walang sulin~gang dapat maapuhap
at ang nálalabíng kaya niyong palad
ay ang maghinagpís, tuman~gis, umiyak.

  Gaya na n~ga nitóng sa ati'y sumapit,
salát na salát na, akó pa'y may sakít,
at ang kahinaan niyang iyong bisig
na murang mura pa'y siyang kinakatig.

  Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa
at di dumadaíng kahit ka na pata
¿sinong pusong iná ang di maáawa
sa isáng gaya mong labis mag-aruga?

 --Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap,
--ang maamong sabi n~g giliw na anák--
n~guni kahit tayo madalás magsalát
ay wala sa atin namáng isusumbát.

  Ang tan~gi ko lamang ikinalulumbáy
ay ang di paggalíng n~g sakít mo ináng;
kung sa ganáng akin salát ó mayaman
pag nasa piling mo'y ligaya n~g tunay.

  ¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa
kundi mákikita ang iná kong mutya?
¿aanhín ang laging walang ginagawa
kung ikáw iná ko'y dí kinákalin~ga?

  Mahan~ga'y ganitóng laging nasasalát
at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap;
ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak
kundi ang matamís na iyong pagliyag.

  Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán
at saka niyakap ang ináng magulang;
--Itó ang yaman ko--ang muling tinuran--
at itó ang tan~ging aking kasayahan.

  Matapos masunód ang nasang paghalík,
isinakandun~gan ang ináng may sakít.
¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig
at gayón na lamang ang likás na baít.



[Larawan: Dalawang babae]



II.

ANG MAG-INÁ.


  ¡Giliw n~g pag-giliw! Kung ang pagmamahál
ay ipagagawa n~g sadyang larawan,
ang anyo at umpók at ayos na lagáy
n~g ating mag-iná, ang dapat huwarán.

  Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y
may kumakalin~ga't dibdíb na hiligán,
sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y
hindi mábibilí n~g gano mang yaman.

  ¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman
ay wala mang sukat tumin~gí't dumamay!
sakaling mayroon, iyón ay upahán,
¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán!

  Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't
nang nasiyahan na ang sabík na puso,
iná'y pinakain, n~g irog na bunso,
sa tulong n~g iláng maliit na subo.

  Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y
kumilos ang iná't tasa'y tinamaán
at ang nálalabíng kaunting linugaw
ay tumapong lahát sa silong n~g bahay:

  Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá
ang dalagang hirang at salantang iná,
itó'y sa dahiláng nababatid niya
na sa kinásidlá'y walang nátitira.

  At walang kakanin ang anák na mahál
pagka't walang bigás ó kusíng man lamang
na sukat ibilí n~g ikabubuhay
na mailuluto hanggáng sa hapunan.

  Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís,
dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg,
gayóng wala siyang ibibilí, kahit,
n~g sapát man lamang sa ináng may sakít.

  Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata,
sa kanyáng kandun~gan, iná'y ibinaba,
dinampót ang mangkók, pinahid ang basa,
at waring lálabas, tun~go'y sa kusina.

 --Mag antáy ka muna at aking kukunin
ang nátirang lugaw--ang wikang mahinhín--
--¿At kukunin mo pa?--ang sa ináng turing--
¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin?

  Alám kong kagabí'y di ka naghapunan
at hangáng sa n~gayó'y di nag-aagahan,
kundí pa kakain n~g pananghalian
¿anó ang daratnín n~g iyong katawán?

  Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog,
ang sa sarili mo'y hindi inaayos,
kung ikáw'y mapata, ilayó n~g Dios,
¿sino ang sa akí'y titin~gín n~g lubós?

  Ang sagót n~g anák--Ay giliw kong iná,
kung sa ganang aki'y huwag mag-alala.
sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa
na makakain ko kung matapos ka na.

  --Anóng pagkagandáng kasinun~galin~gan!--
ang wika n~g iná sa anák na mahal--
oo't mayroon pa, sakaling balun~gan
ang palyók na tuyó na nasa sa kalán.

  Sa gayóng nádin~gíg, si Teta'y nán~giti
pagka't batíd niyang ang iná'y di mali,
n~guni't ang hinala ni Ata'y pinawi
sa magandáng sabing nakabibighani.

 --Maniwala iná't tunay na mayroón
at di kailan~gan ang siya'y bumalong,
kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom
kanya't kukunin ko ang nátira doón.

  Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág
iyang kakulan~gán sa kakaning sapát
at kung may malabí, iyon na ay sukat
na itatagál ko sa maghapong singkád.

  Masabi ang gayón, kalán ay tinun~go't
walang itinirá kahit isáng mumo,
n~guni't n~g makitang kaunting totoó
ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó.

  Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít,
ang gayóng karami'y kulang at di labis;
dito namighati ang masuyong dibdíb
at luha'y tumulo sa lakí n~g sákit.

  Papanong di siya lubhang magdáramdam
sa wala n~g sukat dapat na asahang
makapagbibigay ó mauutan~gan
n~g ipamimilí sa kinabukasan.

  Kaya't n~g pumasok na dalá ang tasa
ay hindi napigil ang luha sa matá,
datapwa'y sa nasang ilihim sa iná
ay nagpakunwaring siya'y tumatawa.

  Ang ina'y namangha sa nakitang anyo
n~g bugtóng na anák at giliw na bunso:
waring nakan~giti, luha'y tumutulo,
bibig nakatawa't matá'y namumugto.

 --¿Anó ka mayroon?--ang tanóng ni Ata--
¿anó't namumugto iyang m~ga mata?
¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá?
--ang kay Tetang tugo'y--Walang bagay iná.

  Naalala lamang na kungdi ihatid
yaríng aking tahing panyong maliliit
ay wala na tayong sukat ipangtawid
sa loob n~g araw n~g lingong sasapit.

  Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw,
ay maghinahon na't ikaw ay kumain,
n~g upáng matapos ang aking tahii't
aking maihatíd sa n~gayón n~gayón din.

 --Ikáw na anák ko ang siyang humigop
niyang nátitirang nakuha sa palyók
--ang wika n~g ináng halos nalulunod
sa lakí n~g dusang sa puso'y nagdoop.

  Dito na nangyari ang pagpipilitán,
n~g bugtóng na anák at sintáng magulang;
aayaw ang isá't ang isá ay ayaw,
na wari'y kapuwa busóg na n~gang tunay.

  Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb
ang sa anyong iyo'y minsang makásilip
ay mahahabág di't pápasukang pilit
niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig.

  Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran
ay buko n~g isáng boong pagmamahál,
ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay
at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang.

  ¿Sino n~ga bang iná ang makababatá
na hindi kumain ang anák na sintá?
n~guni't sinong anák ang makakakaya
na makitang gutóm ang giliw na iná?

  Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo
na ang bawa't isá'y tig-iisang subo
doon sa nálabí na pagkaing luto
na kaunting lugaw ina may luhang halo!



III.

¡GUMIGILIW!


  At n~g makatapos, iná'y pinagyama't
saka iniupo sa sadyang luklukan
na kahit sira na'y mayroong hiligán
na nakasasaló sa dakong likurán.

  At siya'y lumuklók sa dakong ibaba
upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa,
n~guni't anóng lakí n~g tinamóng mangha
nang ang panahia'y kanyáng mausisa.

  Sapagka't sa loob n~g kanyáng tahiin
ay may nakatagong kaputol na _papel_
na hindi mabatíd kung saan nangaling,
kaya't itinanóng sa inang kapiling.

 --¿Sino ang may dalá n~g sulat na itó?
¿naparito bagá kanina si Pedro?--
--Oo--aní Ata--siyang nakita ko
na tan~ging gumaláw n~g panahian mo.

  At saka umalís na tila may lumbáy
sapagka't malungkót niyong magpaalam
at ang idinugtóng sa huling tinura'y
ang bábalík siya sa katanghalian.

  Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp
sa sabi ni Ata na kanyáng nadin~gíg,
pagka't hindi niya lubós na maisip
ang pinanggalin~gan n~g gayóng ligalig.

  ¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan?
¿anó ang sa _papel_ ay nápapalamán?
yaó'y talinghaga, kaya n~ga't binuksán,
upang mapagtanto ang lamán n~g liham.

  Dátapwa ... ¡Oh lan~git! Di pa natatapos
sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos,
at sabáy sa isáng matinding himutók,
mukha'y nápatun~gó't kamáy pinagduóp.

  Si Ata'y nágulat sa gayong nákita
at biglang tinanóng ang anák na sintá.
--Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá
nitóng kapalarang aking dinadalá!

  Akó, inang irog, ay lubhang mapalad
sa gitna n~g ating madlang paghihirap
at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag
at walang ligalig akóng mátatawag.

  Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit
at di ko mapigil ang paghihinagpís
dahil sa paglayong sa sulat sinambít
n~g kapuwa bata't kalaro kong ibig.

  Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín
sa bayóng malakas nitóng paninimdim,
na sakasakali na tayo'y lisanin
ay baka hindi na muling mákapiling.

  Aywán ko kung bakit, n~guni't yaríng luha
ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha
at kung gunitaín ang bawa't salita
n~g sulat na itó, akó'y nanglálata.

  At diwang ang aking boong kaluluwa
ay nababalutan n~g matinding dusa ...
¿anó kaya itó?--Iyan ay pagsintá--
ang pan~giting sagót n~g giliw na iná.

 --¡Oh! pagsintá itó?--Ang tanóng ni Tetay
na tutóp ang dibdíb n~g dalawang kamáy,
--Oo, aking anák; iyang pagmamahál
na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay.

  Iyan ang larawan n~g isáng paggiliw
na anák n~g iyóng pagirog na lihim;
di mo natatanto pagka't nahihimbing,
sa kapayapaan, ang iyong panimdím.

  N~guni't n~g magdamdám n~g munting gambala,
gaya n~g paglayong hindi inakala'y
sumilakbóng agád ang pamamayapa,
at nagpakilala sa sabík na nasa.

  Iyan ang nangyari sa bata mong puso
na di nakabatíd n~g iba pang suyo
liban sa malambíng at tapát na samo
nitóng iyong ináng matanda na't hapo.

  Malaon nang lubhang aking naramdamán
ang inyóng matapát na pagsusuyuan,
n~guni't di pinigil, bagkús binayaan
ang binhi n~g inyóng sintáng tinatagláy.

  Sapagka't alám kong totoong malinis
ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ...
--Kung gayón, iná ko--ang kay Tetang sulit--
¿ang unang silakbó n~g sintá'y pasakit?

  Diyata't hindi na mangyaring mabatyág
ang lasáp n~g sintá kungdi sa pahirap?
--Hindi namán gayón--ang sa ináng saad--
kung minsa'y ganyán n~ga't kung minsa'y malunas:

  Kung minsan, sa piling n~g kapayapaa'y
núnukál ang binhi n~g pagmamahalan
at sa pagtatama n~g dalawáng simpán,
ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy.

  Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag
ay magpakilala sa irog at liyag
at ang puso namáng nagtimping maluwat
ay magpahalata n~g kanyáng paglin~gap.

  Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno
na ang binhi niya'y ang n~galang pagsuyo
at pinakadilig, nang upáng lumago,
ay ang katamisan n~g m~ga pagsamo.

  Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí
ay di mahalata nang may daláng kasi,
kungdi matatangki't mapagmunimuni
na may ibáng nasa ang pusong sakbibi.

  Nasáng náhahawig sa isáng gunita,
nasa na animo'y uhaw ang kamukha,
n~guni't kung suriin ay mahahalata
na ibá ang ayos, at iba n~gang sadya.

  Sapagka't ang dating iyong pagmamahál
sa ibáng kilalá't m~ga kaibigan
ay hindi rin iyon ang suyong bubukál
sa isáng pagsintá na bagong dinamdám.

  Yaón ay taganás na pagmamasakit,
pagpapaumanhí't pakikikapatíd,
n~guni't itóng isá'y damdaming matamís
na may panibugho't madlang pagtitiís.

  Ang bawa't salita nitóng nan~gun~gusap,
sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap,
pagka't unti unting kanyáng námamalas
na pawa n~gang tunay ang sa ináng saad.

  Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop,
sa haráp n~g iná'y biglang nápaluhód,
at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos,
náwikang:--¡Iná ko, akó'y umiirog!

  Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa
at pagkabagabag n~g damdaming dalá
ay tanda n~g aking paggiliw sa kanyá....
¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!...

 --Patawad! ¿at bakit?--ang kay Atang turing,
na lubhang masuyo, sa anák na giliw.
--Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim
n~g damdaming dalá n~g puso't panimdím.



IV.

SI PEDRO.


  Isáng manggagawa, ginoo n~g sipag,
mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas,
di mayamang suot ay nagpapahayag,
na siya'y matalik na kawal ni "Hirap".

  Ang magandáng tin~gi'y nagpapahalata
n~g ugaling mahál, kahit marálita,
at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala
n~g asal na ganid n~g m~ga kuhila.

  Itó ang binatang bigláng nakiluhód,
sa harap ni Atang nápagitlá halos,
na sabáy ang sabing:--Salamat, sa loob
na ipinatanaw sa aking pag-irog.

  Ang ating dalaga'y nagulumihanan,
pagka't nákilalang silá'y nápakingán
ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál
at iniirog pa nang higít sa buhay.

  Mukha'y itinun~go n~g ating dalaga
at ayaw isilay ang magandáng matá;
waring nahihiya nang _ang lihim niya
ay hindi na lihim_ sa tunay na sintá.

  Ang ináng may sakít, na siyang matanda
na nakatataho n~g damdaming bata,
ay siyang sumagót n~g tugóng payapa
sa pamamagitan n~g ganitóng wika:

 --Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig
ay malaon na n~gang may sadyang kapalít
at kahit nangyaring malabis kong batíd
ay hindi humadláng, bagkus nanahimik.

  Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw
sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím
at walang gabahid na ikadudusing
n~g tagláy na puring kanyáng inaangkín.

  Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo
ay lubhang malayo ang ugaling lilo,
kaya't pinayagang ikáw ang magtamó
sa pusong malinis n~g sintáng anák ko.

  Datapwa't ang tan~ging aking dináramdám
ay ang lagáy naming lipos kasalatán
at wala na mandíng mábangít na yaman
liban na sa dagsa nitóng kahirapan.

 --Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín
kung isáng biyaya ang magiging akin?
at saka sa kulay n~g aking paggiliw
ay di náhahalo ang sa yamang ningníng.

  Akó'y inianák sa pagdadalita
at kámpón ni _Hirap_ sapol pagkabata.
musmós pa man halos bísig ko'y pinata
at nagíng kawal na n~g haring _Paggawa._

  Ang tan~gi ko lamang pinakahahanap
ay ang isáng pusong mayaman sa lin~gap
at ang pusong itó'y aking natatatap
na si Tetay lamang ang siyáng may in~gat.

  Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd,
na, sa sarili ko, siya'y iniibig
ay hindi ginawang aking ipagsulit,
sa tunay na irog, ang lamán n~g dibdíb.

  At talagá sanang aking itatago
nang lubhang malalim sa loob n~g puso,
at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo
ay naidulot na sa ibáng sumamo.

  At kungdi nangyaring akíng nápakingán
ang m~ga salita n~g irog kong Tetay,
salitang nagbukás niyong kalan~gitán
sa palad kong aba, di sana nagsaysáy.

 --Irog!... Sinun~galing!--ang wikang banayad
n~g ating dalaga--kung akó ay liyag,
¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat,
gaya nang tinuran sa iyong sinulat?

 --Iná naming irog; ikáw ang humilíng
sa anák mong sintáng akó'y patawarin.
--Pinatatawad ka, n~guni't sásabihin
kung bakit náisip ang kamí'y lisanin.

  Kayó'y man~gagtindíg--ang wika ni Ata
sa ating binata't sa ating dalaga--
kayo'y magsiupo at saka ibadyá
ni Pedro ang sanhi n~g pag-alís niya.



V.

PAGHABÁG N~G PUHUNAN.


  Matapos na silá'y makapag-upuan
sa papag na siráng ang paá ay kulang,
binuksán ni Pedro't agad sinimulán
ang sanhing nag-udyók n~g kanyáng pagpanaw:

 --Akó'y isáng bugtóng ni amá't ni iná
at batíd na ninyóng malaong ulila,
kaya n~ga't nangyaring kahit hindi kaya
nitóng katawán ko, akó'y nagpaupá.

  Gayón na n~ga lamang ang isáng mahirap,
na walang mag-ampó't sukat na lumin~gap,
dapat ugaliin, ang butó, sa batak
kung ibig mabuhay at huwag masalát.

  Bukód pa sa roon, ang taong may dan~gal
ay dapat batakin ang butó't magpagal,
at huwag mabuhay n~g hambáhambalang
ó kaya'y umasa sa m~ga sugalan.

  Kahit may salapi't nakaririwasa
kung ang pamumuhay ay pagalagala
at di ginagamit ang butó sa gawa,
ay tinatawag din namáng: _hampáslupa._

  Akó ay naglingkód, na bilang nag-aráw,
sa isáng gawaan n~g di kababayan,
n~guni't sa pagpasok ay may kasunduang
kung maraming gawa'y may upang katimbang.

  Inihalál akóng magíng katiwala
sa isáng pulutóng niyóng manggagawa.
na kagaya ko ring pawang maralita
n~guni't lalong salát sa kaya at haka.

  ¡M~ga abang tao! ¿anong sasapitin?
súsunód na lamang sa bawa't sabihin,
kung busabusaang animo alipin
ay wala n~g kibó't mababa ang tin~gín.

  Paano'y, ang mangmáng, kahi't may matuwid,
ay umíd ang dila at pipi ang bibig;
laging nananan~gan sa tuntuning lihís
na _kabaitan_, daw, _ang hindi pag-imík._

  Sa gayón n~g gayó'y nákaugalian
n~g nan~gan~gasiwa ang paglapastan~gan ...
waláng bigong kilos na hindi may tampál,
suntók, sikad, batok, sa munting magkulang.

  ¡O, gayón na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang m~ga maralita!
ibayo't ibayo ang dagdág sa gawa
at sa upa namán ay baba n~g baba.

  Datapwa't ang tao'y hindi makadaíng
pagka't natatakot na silá'y alisín,
dahil sa maraming kahit na gayonín
ay nakikiagáw, dahil sa kakanin.

  Sa bawa't umalís na isáng pinasláng
ay sampu ang palít na nag-uunahán,
kahit na mababa ang upang ibigáy
ay tatangapín ding walang agam-agam.

  Nakikita itó n~g lilong mayama't
ikinatutuwa ang pagayóng asal
n~g nagpapaupá, kaya't kadalasa'y
malaon mang lingkód ay di tinitingnán.

  Sa munting magkulang ang kahi't na sino,
magíng matanda man ó kaya ay bago,
daglíng áalisin at tamád dikono
kahit na ang sanhi'y may sakít ang tao.

  Ang ibig mangyari n~g namumuhunan
ay ibaibayo ang tubong mákamtán,
dapwa't ang katulong na _puhunang pagál_
ay huwag magtamó n~g milmá man lamang.

  ¿Paanong di gayón, ay hindi kabalát?
¡ang puhunang dayo ay walang paglin~gap..!
¿anó kung mamatáy tayo ritong lahát
yumaman lang silá't magbalón n~g pilak?

  ¿Sa kanilá'y anó kung tayo'y masawi,
masasawi bagá ang kanilang lahi?
silá ay dayuha't dayo ang salapi,
kahit makaapí'y walang n~gimin~gimi.



VI.

HIRÁP ANG MAHIRAP.


  Ang bagay na itó'y mapaglalabanan
kung ang mangagawa'y man~gagtútulun~gán,
n~guni't hindi gayó't bagkús ang irin~ga'y
siyang naghahari sa m~ga upahán.

  Madalás, na, silá ang nan~gaguudyók
n~g upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop;
silá, sa kasama, ang nan~gaglúlubóg
sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod.

  Ang pusong masakím (n~g sahól sa kaya)
ay walang dalahin kungdi ang mamansá
n~g madlang pagdusta sa galáw n~g ibá
yamang di mangyaring mapantayán niya.

  Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát
ay siyang sambahing laging náuunlák,
samantala namáng sa luha'y násadlák
si Damay, si Tulong, si Ampó't si Lin~gap.

  Walang bigong kilos na hindi kaaway
niyong mangagawa ang kapwa upahán,
na mapagmapurí't dila ang tangulang
ipinangtutulong sa namumuhunan.

  Sa madaling sabi: di lamang ang lupít
n~g lilong salapi ang nakaiinís,
kung hindi sampu pa n~g ugaling ganid
n~g kaisang uring taksíl sa kapatíd.

  Kaya't matatawag na silá ang uway
na laging panggapos sa m~ga kawayan;
silá ang kapatíd, silá ang kakulay
at siláng silá rin ang nakamamatáy.

  Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng:
"hiráp ang mahirap sa anomang gawín;
hiráp sa harapán n~g umaalipin
at hiráp sa asal n~g kasamang taksíl".

  Ang bagay na itó'y siyang nangyayari
sa pinapasuka't gawaan kong dati,
kaya't náisip kong makapagsarilí
ó masok sa ibáng hindi mapang-apí.

  Sapagka't sa aking m~ga kasamahán
ay wala ang budhing marunong dumamay,
silá silá na rin ang nag-iinisan
gayóng ang marapat ay ang magtulun~gán.

  Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót
n~g payong maraha't salitang malambót,
na anyá'y:--Anák ko, huwag panibulos
sa bigláng sigabó n~g bata mong loob.

  Kahit anóng gandá sa bigla mong tin~gí'y
huwag na mabulag ang iyong damdamin,
hindi pawang ginto ang nan~gagniningníng,
maná pa'y marami ang magíng kalaín.

  «Maging anóng buti n~g hindi kilala'y
mahirap timban~gán kay sa kilala na»
iyong pag-usiging huwag kang mapara
sa isáng nangyari. Ikaw'y manain~ga:



VII.

ISANG ALAMAT NI ATA.


  «Sa isáng lupaíng lubhang maligaya
na tapát n~g lan~git na laging masayá'y
may Mutyang sumibol na tan~gi sa gandá
at nakawiwili sa tumin~gíng matá.

  Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit
ay nabibighaning sumuyo't umibig
at walang matigás, ni bakal na dibdib,
na hindi naakay n~g tagláy na dikít.

  Siya'y mapayapa at walang ligamgám,
puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy,
walang ninanasa kungdi ang mabuhay
na lubhang malaya, sa katahimikan.

  Maná isáng araw, na di iniisip,
siya'y linapitan n~g Dulóng na ganid,
na tagláy ang nasa at tangkang magahís
ang yaman at gandá n~g Mutyang marikít.

  Datapwa't ang budhing hindi nan~gan~galay
mag-iwi sa isáng boong kalayaan
ay hindi umayon, at sa kalakasan
n~g Dulóng ay lakás ang ipinatanáw.

  Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi,
sa n~gipin ay n~gipin ang itinungalí,
hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi
n~g manggagahasa'y nagbago n~g uri.

  Agad ikinanlóng ang n~giping matalas
at n~giting magiliw ang ipinamalas,
dinaan sa himok ang hindi pumayag
sa gahasang iwa't pakikipaglamas.

  Giliw, suyo, luhog at madlang paraya
ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya
at itó namán ay agad namayapa,
nanalig na lubós, nagboong tiwala.

  Tinangáp ang haing m~ga panunuyo
at hindi nápuna ang handang panghibo,
agád nápalulong ang mahinhíng puso
at di inakalang yaó'y isáng silo.

  Ipinaubaya sa madayang giliw
ang lamáng malinis n~g boong panimdím;
sinunód na lahát ang bawa't máhilíng
niyong may tagláy na kataksilang lihim.

  Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón
na lubhang panatag at walang lingatong,
hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng
ay nagdating asál; nanila na tulóy.

  Dito na nangyari ang kasakitsakit,
na ang dating laya ay siyang tuman~gis
at iyong nan~gako n~g boong pag-ibig
ay siyang halimaw na nagpakaganid.

  Daya, lupig, dahás ang namaibabaw
na siyang nápalít sa panuyong asal,
walang bigong-kilos na hindi paghalay,
kutya at pahirap na karumaldumal.

  Hanggáng sa nagban~gon ang magandáng Mutya
at nagpan~garap na n~g ikalalaya,
iniwan ang laging pagwawalangdiwa
at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta.

  N~gunit nagkátaóng noó'y nagkagalít
ang masibang Dulóng at yaóng Limatik
at ang ating Mutya'y sa hulí humilig
dahil sa pag-asang hindi manglulupig.

  Nakitulong siya, sa Limatik, noon,
dahil sa pan~gako nitóng pag-aampón,
dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng
ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong.

  Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap
ang siyang nápalit: nagipít, nasalát,
ang impók na yama'y nasipsíp na lahát
niyong magdarayáng may taksíl na han~gád.

  Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót
n~g Mutyang magandáng di naghunos loob;
humanap n~g ibá at ang nákadulóg
ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»



VIII.

¡¡PAN~GARAP!!


  Masabi ang gayón n~g nagsasalaysay,
naghintong sandali,
at saka nagwikang lubhang malumanay:
--Huwag ding mangyaring iyong máparahan
ang buhay n~g Mutya na aking tinuran.

 --Hindi po marahil;--sagót n~g binatá--
pagka't hahanapin
ang ikatatagpo n~g m~ga kapuwa
na hindi marunong mag-asal kuhila
at sa kasamahá'y magpapan~ganyaya.

  Aking aakiting alisín ang asal
niláng mapagbukód,
at upang sa gayón ay aming makamtáng
m~ga mangagawa iyong katubusang
sa dating ugali'y hindi mahihintáy.

  At hahanapin din ang mámumuhunán
na sa taong dukha
ay hindi marunong umapí't humalay;
aking hahanapin na mabigyáng dan~gál
ang _puhunang pawis n~g puhunang yaman._

  Dahil sa di dapat na pamalagiin
ang ugaling itó
na walang halagá sa _salaping_ sakím
ang pagod na gugol n~g matitiising
pusong manggagawa na inaalipin.

  Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa
tamuhíng tubo ...
--¿At ikáw, anák ko,--ang tanóng ni Atang--
ang magpupumilit sa dakilang bagay
ang hindi nagawa n~g lalong maalam?....

 --Aking pipiliti't kung hindi mákamit--
anang bagongtao--
ay di magsisisi, sa gugol na pawis;
ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit
na: "akó'y tumupád sa n~galang maghasík".

  N~guní't kung mabatíd n~g kahanapbuhay
ang sadyang halagá
n~g m~ga katulong n~g isang puhuna'y
di na mangyayari itóng kalagayan
naming m~ga dukhang wari'y kasangkapan;

  Na kukunin lamang kapag gagamitin
at kung masira na'y
itatapontapo't titisúdtisurin,
kaya'y babayaan na iwan at datnín
n~g madlang sakuna't akbáy na hilahil.

  At ang m~ga pagod, isip, pawis, puyat
na pawang ginugol
sa ikalalago n~g puhunang pilak
ay di magkaroon n~g timbáng na bayad
liban sa pag-apí at m~ga pahirap.

  Aking hahanapin ang ikahahan~go
n~g bayang masipag,
niyang manggagawang lagi nang siphayo
n~g m~ga may yaman, upáng mapalago
ang ugaling banál n~g di mapaglugso.

 --Magandáng adhika!--ang putol ni Teta--
--Datapwa't pan~garap!--
ang saglít ni Atang walang paniwala--
iyá'y mangyayari kung dito'y mawala
ang pag-aagawán, inggita't pagpula.

  Matapos ang gayóng m~ga salitaan
ang ating matanda'y
lumapit sa dating baníg na hihigan,
dalá palibhasa niyong kahinaan,
sa gawang maupo'y hindi makatagál.



IX.

DALAWANG PUSO.


  Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kináuupán;
kapuwa tahimik, kapuwa alan~gán
at kapuwa mandín nagkakahiyaan,
gayóng magkalapit sa isáng luklukan.

  Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago
na ibig sabihin, n~guni't di mátagpo
kung saan simulán ang usapang wasto
na ikatutun~go at ikabubunggo.
sa ibig ihayag n~g kaniláng puso.

  Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy
sa pagpapáuná niyong kaagapay;
ang isá at isá'y ibig na magsaysay,
datapwa'y pagsapit n~g nasang máturan
sa kaniláng labi'y n~gin~giti na lamang.

  Hangáng sa nangyaring ang n~giting palihím
n~g ating binata'y kay Tetang nápansín ...
--N~gumin~giti ka pa--ang wikang mahinhín
na may magkahalong hinampó at giliw
at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin.

--¿Bawal ba ang n~giti?
    --Oo, aking bawal
sa masamang tao.
    --Kay dali ba namán
n~g aking pagsama!! Kakahapon lamang
ay mabuti akó ... at n~gayóng málaman
na minámahál mo'y ... saka pa humalay?

 --¿Bakit ka naglihim?
    --Pagka't di ko batíd
kung may maáantay ang aking pag-ibig,
at hindi ko nasang abutin ang sákit
na pagkamitín mo n~g tugóng mapaít
na mayroon ka nang katipán sa dibdíb.

 --Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto
kung anó ang lamán nitóng aking puso ...
--¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho
na walang pag-asa ang aking pagsuyo ...
¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo?

  Hindi mo lang alám ang lakí n~g sintá't
ang iniaalay sa isáng kalulwá ...
--¿Hindi ko alám? Bah!...
   --N~guni't di kagaya
n~g dináramdám ko, niyong di ko taya
na títimban~gán mo ang giliw kong dalá.

  Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat
na laging maalo't lubhang mabagabag,
nan~gan~gamba akóng sa iyo'y naagtapát
at ang tinátamó'y libolibong hirap
kung hindi mangyari ang pagpapahayag.

  Sa tuwituwi nang akó'y paparito
ay handang handa nang magtapát sa iyo,
datapwa'y pagsapit, at mákausap mo,
ay walang wala na ang madlang simpán ko't
walang nalalabí kung di pagkalitó.

  Kung nasa haráp mo ay piping mistula
ang nákakabagay n~g labi ko't diwa,
n~guní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y
ang iyong larawan ang kasalamuha,
kasanggusangguni at laging gunita.

  Kung gabíng malalim at di mákatulog,
magbaban~gon akó't maglílibotlibót ...
ang akala mo ba kitá'y nalilimot?...
sa bawa't sulin~gang lan~git, daán, sulok,
ang iyong larawan ang nápapanood.

  Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp,
agád agád kitáng mápapanaginip
sa wari'y kausap: kung minsán ay galít
at kung minsán namá'y iyong iniibig ...
at ang boong suyo'y aking kinákamit.

  Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi,
kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati!
n~guni't kung ang hulí'y lalong dalamhati
pagka't mákikitang sa isáng sandali....
ang aking ligaya ay biglang napawi.

  Kaya't kung nangyaring di ko námalayan
ang tamís n~g iyong bukong pagmamahál,
dinalá sana hanggáng sa libin~gan
ang lihim na sintáng aking tinatagláy....
--Kay sama mong tao!

 --Inulit na namán!...
--Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá
han~gang sa libin~gan ang lihim mong sintá,
¿di pinagtagláy mo n~g dálita't dusa
itóng sumusuyó't abang kaluluwa
na, kahit di tanto'y, umiirog palá?...

  Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd
ang maraming anyo n~g isáng pag-ibig,
n~guni't ang gaya kong pusong matahimik
¿anó ang malay kong ang lamán n~g dibdíb
ay isáng paggiliw na abót sa lang~it?

  ¿Anó ang malay kong iyong agam-agam
sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw
ay kakulay palá niyong pagmamahál,
at ang pagnanasang mákita ko ikáw
ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?...

  Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng
ang matá ko'y litó at pasulingsuling;
itinátanóng ko sa sariling akin
kung nasa saan ka, datapwa'y malalim
na buntónghinin~ga ang madalás kamtín.

  Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit
dahil sa mukha mong may larawang hapis,
diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís
ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb,
dan~ga't di mahilíng na iyong isulit.

  Akó'y kasama mo sa iyong pan~garap
ó kung nágigisíng akó ang kaharáp,
akó namáng itó, sa lahát n~g oras,
ay walang adhika kung di ang matatap
kung may sayá ka ó kaya'y may hirap.

  Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng
pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay;
kung may ginágawa, ay gayón din namán,
sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw
ang siyang lalapit sa aking likurán.

  Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim
ay aking matanto, tuguná't damdamín;
n~guni't kung sumagi sa aking panimdím
na baka sakaling ikáw ay may giliw ...
akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím.

  Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál
at sa Poong Dios ay nanánawagan,
aking nápupunáng hindi dumadatál
ang dalan~ging handóg sa ating Maykapál
pagka't ikáw'y siyang dinádalan~ginan.

  Ang lahát n~g iyon ay hindi ko batíd
na larawan palá n~g isáng pag-ibig,
kung di ka sumulat at ipinagsulit
sa akin, ni iná, ang lamán n~g dibdíb....
¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd?

  ¿Di sa pagtan~gis ko sa iyong paglayo
ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo?
¿di nangyari sanang ang aba kong puso
ay pinagdusa mo't ipinasiphayo
gayóng walang sala namáng natatanto?

 --Patawad Tetay ko! Akin n~ga ang sala
kaya't inaantáy ang iyong parusa....
--Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá!
¿di pinasakitan ang akin ding sintá,
sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá--

  Ang lan~git ma'y hindi magandáng pan~garap
at yaó'y sadlakan n~g lahát n~g lunas
ay hindi titimbáng sa tinamóng galák
n~g puso ni Pedro, dahil sa pahayag
n~g kaniyang sintáng pinakaliliyag.



X.

ANG LIHIM NI ATA.


  Malaonlaón pa bago nahanganán
ang gayóng kasaráp na pag-uusapan,
hangáng sa natapos ang tahi ni Tetay
     at siya'y nagbihis
nang upang madalá sa paghahatirán
     at kanyáng masin~gíl
ang ipamimili n~g ikabubuhay.

  Kanyáng pinagyaman ang gawang tahii't
kay Pedro'y hinin~gi ang siya'y hintaín
upang may magbantáy sa ináng náhimbíng
     sa pagkakatulog;
at nang may lumin~gap at sukat tumin~gín
     (samantalang wala)
sa kanyáng may sakít, sakaling mágisáng.

  Si Pedro'y naiwa't (Si Tetay sumaglít,
na, sa isáng kamáy, ang baluta'y kipkíp)
n~guni't di naglao't si Ata'y nagtindíg
     sa kinahihigán,
pagka't hindi tulóg, gaya n~g sinambít
     n~g anák na giliw,
at inantáy lamang na itó'y umalís.


[Larawan: Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kinauupan;
kapuwa tahimik, kapuwa alan~gán
at kapuwa mandin nagkakahiyaan,
gayóng magkalapít sa isáng luklukan.--(Pág. 35)]


Kaniyang tinikís na silá'y lisanin
upáng mákausap ang binata natin,
dahil sa mula pa nang kanyáng malining
     ang pagsisintahan
n~g dalawáng pusong pinakagigiliw
     ay ibig na niyang
ihayág ang isáng mahalagáng lihim.

  Nagbalík sa dating kaniyang luklukan
at ang bagongtao'y pinakiusapang
dumin~gíg sandali sa madlang tuturan
     na ukol sa lihim
niyong maralita't dukhang kabuhayan
     niláng mag-iiná;
bagay na di taho n~g taong sino man.

 --«Ang bálong si Ata, ang ulilang Teta,
ang babaing hapo, ang magandáng bata,
dalawáng mag-ináng mananahi kapwa;
     itó lang ang laging
tan~ging kasagutang kakamtín sa bala
     mong mapagtanun~gáng
kapit-bahay namin.--ang kay Atang wika.--

  Datapwa't sino ma'y di nakababatíd
kung saan nangaling nang dito'y sumapit,
at kung anóng bagay ang siyang pumilít
     na dito'y tumahán,
at kung anóng buhay na kasakitsakit
     ang aming dinaán
kung kaya nangyaring sa dusa'y nagtiís.

  Ikáw na kapwa ri't ulilang hinabág
n~g palalong yamang _sukál sa mahirap,_
ikáw na malapit mákaisáng palad
     ni Teta kong sintá'y
dapat makabatíd kung saan nagbuhat
     ang ginigiliw mo;
kung siya ay anó't kung kanino anák:

  Akó'y isáng bukong kinandóng n~g san~gá
sa gitna n~g madlang ulayaw at sintá;
walang agam-agam, ang puso'y masayá,
     walang munting kilos
na hindi kaulóng ang madlang ligaya,
     ang madlang paglin~gap
n~g amáng masuyo't m~ga kakilala.

  Datapwa'y sumapit sa giliw kong bayan
ang isáng binatang anák n~g mayaman
at doo'y tumirá upang magparaan
     n~g iláng panahón
sa gawang man~gaso't m~ga paglilibáng,
     dalá palibhasa
na di kailan~gan ang maghanap buhay.

  Siya ay bihasá't ugaling Maynila,
makiyas ang tindíg, mabikas magwika,
walang isáng bangít n~g pananalita
     na malulusután
nang isáng tukuyi't handugán n~g nasa
     sa n~galang pagsintáng
animo'y larawan n~g boong adhika.

  ¿Anó ang dadatnín n~g bata kong puso
sa gayóng katamís na m~ga pagsamo?...
akó'y nápalulong sa gawang sumuyo
     at sa bisig niya'y
linagók ang tamís n~g madlang pan~gako
     na di maglililo....
at di babayaang akó'y masiphayo.

  Hangáng sa sumapit ang isáng panahóng
ang punlang pagsintá namí'y nagkausbóng
at akó'y iniwang sakbibi at kalong
     n~g m~ga pan~gambá:
lipós agam agam, kipkíp n~g lingatong,
     balót kahihiyán
sa madlang kilalá't sa amáng may ampón.

  Nápalaot akó sa maraming hirap,
sa bawa't sandali puso'y alapaap,
wari sa sarili'y batíd na n~g lahát
     ang kalagayan ko,
at ang aking lihim ay bantóg at kalát
     sa boong bayanáng
handa sa pagkutya't diladilang libák.

  Ang pakikisama't pakikipanayám
sa kasuyosuyong m~ga kaibigan
ay napawing lahát, aking iniwasan
     sampung makiulóng
sa m~ga kaanak at madlang pininsan,
     dahil sa takot ko,
na baka matanto yaóng kalagayan.

  Sa gayón n~g gayón, araw ay dumatíng
na di na magawang itago ang lihim,
at sa pagkatakot sa amá kong giliw,
     akó ay nagtanan;
dinalá ang munting hiyas at dámitin
     upang mahanap ko
ang pinagsanglaán n~g puri't panimdím.

  Aking pinagsadya nang upáng isamo
na kanyáng lin~gapin ang sariling dugo,
ang bun~gang malusog n~g aming pagsuyo,
     n~guni't ... ¡ay n~g palad!
nang mátagpuán ko ang giliw n~g puso
     ay walang tinamó
kung di ang pagdusta't madlang pagsiphayo:

  Akó'y itinabóy sa kanyáng tahanan
at pinagkamít pa n~g wikang mahalay.
na, umanó'y, iyong bun~gang tinátagláy,
     ay hindi kaniya,
at akó'y babaing walang karan~galan,
     pagka't sa bala na
ay nakilaguyo't nakipagsintahan.

  Kahit isáng mundó ang biglang bumagsák
ay di nakatulíg, sa akin, ang lagpák
nang kagaya niyong salitang masakláp
     sa karan~galan ko;
akó'y bumulagta't ang diwa'y tumakas;
     n~guni't nang magbalík
yaong pagkatao'y wala na ang sukáb.

  Tinulun~gan akó sa gawang magtindíg
n~g isáng utusáng may tagláy na tubig,
at saka nang akó ... ¡sa laki n~g hapis!
     ay namimighati,
sinabi sa aking dapat nang umalís
     at doon ay walang
magpapahalagá sa pinag-uusig.

  At sabáy sa gayóng wikang walang tuós,
pitong lilimahing pawang gintóng pulós
ang ibiníbigay at iniáabót
     sa akin ... Bathala!...
yaón ang halagáng sa akin ay limós
     niyong walang budhing
nag-abóy sa palad na kalunoslunos.

  Matá ko'y nagdilím; hindi napaghaka
na ang kaharáp ko ay isáng alila,
aking sinungabán ang salaping handa't
     saka inihagis
sa harapan niyóng taong alibugha,
     na sabáy ang sabing:
akó'y di babaing walang puri't hiya.

  Magmula na noon, akó ay naghanap.
upang ipaglaban ang buhay na salát;
akó ay nanahi hangáng sa nan~ganák
     at ang sintáng bunso,
na n~gayó'y tangulan sa madla kong hirap,
     ay nagíng tao na
at siya'y nagtanáw n~g unang liwanag.

  Kaya't iyang bukong iyong linalan~git
ay anák n~g isáng mayamang malupít
at itóng kaharáp ay isáng nagkamít
     n~g n~galang buhaghág,
pagka't di nagawang ang puri'y iligpít
     at naipaglaban
sa gahasang udyók n~g isáng pag-ibig.

  N~gayóng talós mo na ang lihim n~g buhay
nitóng pinara mong tunay na magulang
at n~gayóng talós din ang pinanggalin~gan
     ni Teta mong sintá,
ikáw ang magsabi, kung ang pagmamahál
     na tinátagláy mo'y
marapat ó hindi magbago n~g kulay.»

  Sa gayóng tinuran, si Pedro'y nagwika,
na tutóp ang dibdíb--Dan~ga't magagawa
na pagibayuhin ang sintáng alaga,
     dapat pong alamíng,
dinagdagán sana, pagka't naunawa
     ang inyóng tiniís
sa laláng n~g isáng lalaking kuhila.

  ¿Sino ang may sala: ang pusong naghandóg
n~g isáng matapát at boong pag-irog
ó ang nagkuhila, dumaya't umayop
     sa nagkatiwala?
Kung sa ganáng akin, ang dapat mahulog
     sa lusak n~g kutya'y
ang sa kanyáng dugo'y natutong lumimot.

 --Salamat, anák ko,--ang putol ni Atang--
at di ka kagaya n~g ibang isipan;
magíng awa, kahit, ang iyong tinuran
     ay nagpapahayag
na sa iyong piling ay di sisilayan
     ang giliw kong bunso
n~g isáng pagdusta sa pinanggalin~gan.



XI.

ANG YAMAN AT ANG PURI.


  Isang bagong Creso kung sa kayamanan
at isang Atila sa kaugalian,
isang Carlo-Magno sa nauutusan
at Cingong alipin sa pinápasukan.

  Walang karan~galang di nasa kaniya,
ang lahát ay daíg, sa m~ga pamansá,
walang linilin~gap na katwirang ibá
liban sa katwiran n~g kanyáng bituka.

  Wikang kababayan, ay isang salita
na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula;
¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta
may salapi lamang na sukat mápala?

  Sa loob n~g bahay na pinápasukang
gawaang tabako'y walang pakundan~gan
sa m~ga mahirap na nan~gag-aaráw
na kung pagmurahín ay gayón na lamang.

  N~guni't kung sa haráp n~g namumuhunan
ay piping mistula at mababang asal,
sumagót pa'y waring binibining banál
na hindi marunong magtaás n~g tanáw.

  Itó ang ginoong sa dukha ay hari
datapwa'y alipin niyóng may salapi,
at siya rin namán ang taong mayari
n~g m~ga gawaing kay Teta'y patahi.

  Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga
n~guni't hindi dahil kailan~gan niya,
kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá
niyong binibini'y kanyáng pinipita.

  Yao'y isáng silo, laláng at pakana
upang maihayag ang tagláy na nasa,
ang nasang mahalay na palaging gawa
sa m~ga dalagang kanyáng manggagawa.

  Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating
na dalá sa kamáy ang m~ga tahiin
ay agad iniwan ang m~ga kapiling
na m~ga upaháng sa kanyá'y nádaíng.

  At biglang tinapos ang kaniláng usap
sa wikang gahasa na lubhang matigás:
--Kung hindi sang-ayon--aniya--sa awás
sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas.

  At ang kakulan~gán ninyóng inuusig
ay di mangyayaring bayaran pa, kahit
magsakdál. Sulong na, at baka mag init
pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít.

  Masabi ang gayón, ay agád iniwan
ang m~ga kapulong na kanyáng upahán,
at saka tinun~go ang kinalalagyán
n~g ating dalagang di lubhang nag-antáy.

  Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd
ang pagkakayari n~g pagawang damít,
agád inialók ang kanyáng pag-ibig
na wari ay batang matakaw at sabík.

  Sa wikang malambót ay inisáisá
ang maraming yamang ihahandóg niya
--Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y
di na kailan~gan ang maghanap ka pa,

 --Mahál na ginoo--anáng binibini--
nagkámali ka po sa hain mong kasi,
akó'y maralita't walang yamang iwi,
n~guni't di marunong magbilí n~g puri.

  Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán
kung kaya nárito sa iyong harapán,
akó'y náparito n~g upang mákamtán,
ang sapát na upa sa gawa kong tagláy.

  Ipagpatawad po kung di ko matanggáp
ang inihahain na iyong pagliyag,
may kapantáy ka po, ikáw ay humanap,
at huwag habagín ang gaya kong hamak.

 --Oo't mangyayari ang iyong tinuran
na akó'y humanap n~g aking kapantáy
kung hindi n~ga sana, ang nálalarawan,
dini sa puso ko'y larawan mo Tetay.

  Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá,
sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa;
n~guni't kung tanggapín ang aking pagsintá
ay masusunód mo ang lahát n~g pita.

  Ikáw magíng akin, at bukas na bukas,
may bahay kang bató't sarisaring hiyas,
may sasakyán ka pa't hindi maglalakád,
at salaping labis sa gugol mong lahát.

  Mádin~gíg ang gayón n~g ating dalaga'y
nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá,
at biglang naparam sa noong magandá
iyong kaamuang laging dinádalá.

  --Di ko akalain--ang wikang matigás--
na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas;
akala mo yata'y sapagka't mahirap
ay nárarapa na sa ningníng n~g pilak?

  Akó'y marálita, at kung di gamitin
ang munti kong lakás ay hindi kakain,
datapwa'y libo mang hirap ang danasin,
ang handóg mong sintá'y hindi maaamin.

  Di ko kailan~gan ang magandáng hiyas,
ni ang titiraháng bahay na mataás ...
ang buntón n~g yama'y pisanin mang lahát ...
walang kabuluhán sa aking paglin~gap.

  ¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay
ay tataas kaya sa pulang kakamtán?
¿at ang m~ga ningníng n~g hiyas at yama'y
makatakíp kaya sa puring hahapay?

  Kung ang karan~gala'y hindi mo kilalá't
ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá;
unawain mo pong sa aking pangtaya'y
sa salapi't hiyas ang puri ay una.

  Sapagka't ang tao, kahit na mayaman,
kapag walang puri'y walang kabuluhán,
¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay
kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan?

  Mahan~ga'y ganitóng dukha't nasasalát,
may kapuwa tao, kahit m~ga hamak,
at hindi pasasang baluti n~g hiyas
at wala n~g linis ang dan~gál na hawak.

 --Mataas mag-wika--
    --Talagáng mataas
kapag dinudusta ang isang mahirap
na may pagmamahál sa puring inin~gat;
nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad.

 --¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig
hindi lamang tumbás ang ipakakamít,
datapwa kung hindi, ay ipagkakaít
ang sampu n~g upa sa m~ga náhatíd.

  Mádin~gíg ang gayón n~g ating dalaga
ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa,
sapagka't sumagi sa kanyáng alala
na hindi kakain ang salantang iná.

  Kaya't namalisbís sa matá ang luha,
at sumabudhi na ang magmakaawa,
n~guni,t ang kausap na ma'y maling nasa
ay hindi dumin~gig sa anó mang wika.

  Subali't nag-ulól sa pakikiusap
na siya'y lin~gapin sa haing pagliyag,
at sinamahan pa ang balang marahás
n~g kapan~gahasang gahasai't sukat.

  Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán,
ang ating dalagang nag-íisá lamang,
itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman
ay pinapagkamít n~g mariíng tampál.

 --Iyan ang marapat sa isáng kuhila
na di gumagalang sa bawa't mahina
upang matuto kang huwag gumahasa
sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa.

  Nang masabi iyon ay biglang iniwan
ang nahilóhilóng taksíl na mayaman,
saka nang sumapit sa pinto n~g daan
ay muling linin~gón ang pinangalin~gan.

 --Walang budhi--anyá--Taong walang damdám!
Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! maran~gal!
n~guni't walang kayang gipití't tamban~gán
kung hindi ang dukhang walang kakayahán.

  Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi
na ang nagíng bao'y isáng dalamhati,
at ang unawain ay ang m~ga sawi
na _anák paggawa_ na namimighati.



XII.

ANG M~GA MANGGAGAWA.


  Isáng lingóng singkád na pigta sa pawis
at kinakabaka ang madlang pan~ganib,
kahit nanglalata ang n~galáy na bisig
ay di makahinto, at nagsusumakit
na ang pitóng araw'y kanyáng maisulit.

  Pagka't alaala ang giliw na anák,
ang sintáng asawa, ang ináng naghirap
ó kaya'y ang madlang kandiling kaanak
na walang timbulan kung di iyóng hanap
na sa pagkain lang ay di pa sasapát.

  Di namán mangyari, sa dukhang may dan~gál,
ang gawang mang-umít sa pinápasukan,
kay n~ga't ang tan~ging pinanánan~gana'y
yaong pinan~ganláng _bayad kapagalan_
na di halos upa kundi limos lamang.

  Sapagka't ang bagay na pan~ganláng _bayad,_
ay yaóng katimbáng n~g puhunang _hirap,_
datapwa'y ang labí n~g sakím na _pilak_
na hindi marunong humati n~g sapát,
ay di nababagay sa _upang_ pag tawag.

  Iyán ang matimping kampón ni Minerva,
iyán ang may tagláy n~g igiginhawa
nitong Sangsinukob; silá, silang silá
ang nagpapayaman, n~guni't alimura
nang m~ga puhunang may gútom buwaya.

  Silá ang kaulóng n~g Nan~gan~gasiwa
n~g itó'y abutin n~g ating si Teta,
silá ang katun~gong nagmamakaawa
na huwag nang gawín iyong pagbababa
sa dating upahá't kabayaráng takda.

  Datapwa, ang ganid, sa wikang matigás,
(labis pa sa bagsík n~g sadyang may pilak)
ay inalimura iyong mahihirap,
at saka matapos pan~galán n~g tamád
ay di ibinigáy ang ukol na bayad.

 --Kayó'y m~ga hungháng, m~ga waláng isip,
ibig pang lumampás sa puhunang kabig;
kung ayaw tumangáp n~g upa kong nais,
kayó ang bahala; n~gayón di'y umalís
at baka abutin ang akó'y magalit.

  At biglang iniwan ang m~ga kausap,
matapos masambít ang ilán pang sumbát,
(na ating natalós sa dakong itaas);
doon na nangyaring si Teta'y hinaráp
na ang katapusá'y tampál na malakás.

  Siya ay iniwan na hilóhiló pa
niyong namumuhing mahinhíng dalaga,
dapwa'y nang magbalík ang diwang nágitlá'y
nag-alab ang poot at ang pinagmurá'y
ang m~ga upaháng kapulong na una.

  At saka nagbihis n~g lubhang madali,
sinunda't hinabol iyong mananahi,
hindi na ininó ang pamimighati
n~g m~ga upaháng nan~gaglulungatíng
ibigáy ang upang ukol sa nayari.

  ¿Iláng m~ga lunó't matandang magulang,
iláng m~ga anák at asawang hirang
ang hindi kakain sa gayóng inasal
niyong walang lin~gap!? Kaya 't pinasukan
din n~g pagn~gin~gitn~git ang m~ga upahán.

  Sumadilidili, na bago makitang
dayukdók ang madlang anák at asawa
ay dapat utan~gin ang buhay na dalá
niyong walang awa't walang kaluluwang
pinalalamon na ay nanínila pa.

  Yayamang wala ring m~ga kahatulán
sukat tuntunín sa pagayóng bagay,
lubós nang tinangkang silá ang humirang
n~g bagay at kapit na kaparusahán
doon sa tao n~ga'y may~asal halimaw.

  Ang mahinbíng batis na binabalun~gan
n~g lináw na tubig na pang-patíd uhaw'y
nag-aanyong baha kapag hinalan~gan ...
¿ang puso pa kayang marunong magdamdám
ang hindi sumubó kapag hinahalay?

  Kaya't sabaysabáy na wari'y iisá
nang sinundán iyong budhing palamara;
nagsabáy na lahát, na poot ang dalá ...
iiay ... n~g sa alab ay man~gahás sumugbá!!
iiay ... n~g madaanan n~g along masiglá!!



XIII.

SA HARÁP AT SA LIKÓD.


  Silá'y iwan nati't muling pagbalikán
ang tahanang dampa n~g mag-ináng hirang,
doo'y nag-iisá ang maysakít lamang
pagka't ang binata'y sandaling lumisan.

  Samantala namáng siya'y nag-iisá
at nag-aantabáy sa anák na sintá,
libong panalan~gin ang sumaalala
upang magkapalad ang bunsong dalaga.

  Aniya'y mangyaring ang hatíd na tahi
ay magíng mainam, doon sa may ari,
upang bayaran na, nang siya'y mádali
at huwag gabihín sa kanyáng pag-uwi.

  Kaya't n~g mátanáw ang giliw na bunso'y
sumaligaya na ang sumikdóng puso,
n~guni't anóng lakí n~g dusang bumugso
nang makita niyang luha'y tumutulo.

  Halos nápahiyaw at halos nátindíg
sa kinahihigáng sirasirang baníg,
na, sabay ang wikang--¿Anó, Teta? ¿Bakit?
¿anó ang nangyari't ikaw'y tumatan~gis?

  --Iná ko! Iná ko! Tayo'y walang palad!--
ang sagót ni Teta't sabáy napayakap
sa giliw na iná--
    --¿Anó't umiiyak
ka?--
--Akó'y sinuba niyong taong sukáb;

  Pagka't di inamin ang haing pagsintá,
niyong walang budhí't taong palamara,
na kung kaya lamang nagpagawa palá
ay upang masunód ang masamang pita.

  N~guni't nang tumangí akó't di umamin
ay pinagtangkaáng akó'y gahasain,
salamat na lamang at aking napigil
sa bilís n~g isang tampál na maríin.

  Dito inihayag niyong binibini
ang lahát n~g bagay na m~ga nangyari,
dapwa'y sa gitna pa niyong pagsasabi
ay siyang pagdatíng n~g lilong lalaki.

  Na tagláy sa loob ang paghigantihán
iyong binibining sa kanyá'y tumampál
ó kung dili kaya'y sa tulong n~g yaman
ay nasang bulagin ang m~ga magulang.

  Pagka't di bihira ang amá ó iná
na pagkakatanáw sa munting halagá
ay silá pang agád ang nag-áabóy na
sa puri n~g isáng anák na dalaga.

  Dapwa'y hindi pa man halos nakapasok
sa munting pintuan ang buhóng na loob
ay biglang náhinto, nan~giníg ang tuhod,
at munti na sanang siya'y nápaluhód.

  Sapagka't nákitang sa kanyá ang titig
niyong nápatayong babaing maysakít ...
yaón ang babai na kanyáng inamís!...
yaón ang babaing sa kanyá'y nanalig!...

  Ang pan~galan niya na may _dong_ kaugnáy
kung bukhín sa labi n~g m~ga upahán,
doon ay nádin~gíg sa bibíg ni Atang
na may halong n~gitn~git at dustang paghalay.

 --Ang lalaking iyan--ang sabi ni Teta--
ang sa akin iná'y ibig gumahasa,
--Taong walang budhi!--aní n~g matanda--
¿at nan~gahás ka pa na dito'y magsadya?...

  Di ka na nan~giming dito'y makaratíng
na akay n~g iyong pagnanasang halíng?
¿di ka na pinasok niyong salagimsím
kung sino ang iyóng tinangkang gahisín?

  Nang dahil sa iyo: ang bukó'y bumuká't
nang magíng bulaklák ay agád nalantá,
at saka sa n~gayó'y pagnanasaan pa
na iyong halayin ang nipót na bun~ga?

  Ang lalong masiba't may taksíl na loob
ay hihigtán mo pa kung sa pagkabuktót;
marahil námali, sa iyo, ang Diyos, ...
ginawa kang tao'y bagay magíng hayop!...

  Marami pa sanang bubukhín sa bibíg
yaong bumabakás n~g matindíng sulít;
n~guni't nápahinto sapagka't nádin~gíg
ang guló sa daan; sigawa't paglait.

  Sangdaang katao, humigít kumulang,
ang nagsisidatíng at naghihiyawan;
at ang bawa't isá'y may hawak na urang
na ipangbubugbóg sa kinagalitan.

  ¿Nasaan--anilá--iyang walang lin~gap,
taong mapang-apí sa m~ga mahirap?
Nádin~gíg ang gayón n~g mayamang oslák;
pinasók ang budhi n~g malakíng sindák.

  Lumin~gaslin~gas na at sumulingsuling,
waring humahanap n~g dapat tun~guhin,
litó na ang isip, puso'y nalalagím,
pagka't nákilalang siya'y pápatayín.

  Hindi na mangyaring siya'y makatanan
pagka't nalilibíd n~g tao ang bahay
at bawa't sandaling ipag-alinlan~gan
ay isáng lundág pa n~g kasakunaan.

  Kaya't nang matantong wala nang pag-asa't
saan man tumun~go'y kamatayan niya,
nanikluhód agád sa haráp ni Ata't
humin~ging saklolo na iligtás siya.

  ¡Iyon ang mayamang sa tulong n~g pilak
ay laging umapí sa m~ga mahirap!
¡Iyon ang mayaman!... N~gayó'y nasisindák
sa haráp n~g m~ga palaging hinabág!...

  Mákita ang gayón n~g babaing galít
na lunónglunó na ang dating maban~gis,
panasukang awa't ang dating inibig
ay pinapagkanlóng sa sulok n~g silíd.

  Kisápmatá lamang, at, kung di'y nag-abot
ang kinagalita't ang m~ga may poot;
sandali na lamang at disi'y natapos
ang buhay n~g tao na mapangbusabos.



XIV.

ANG PUSO N~G DUKHA.


  Lubhang mapagbatá, pipi't mapagtipíd
sa lalong mabigát na m~ga pasakit,
sadyáng masúnuri't hindi mapaglaít,
walang hinahalay, hindi mapag-usig:
sa lalong mababa'y nakikipaniig
at tungkól dálita ay kanyáng kapatíd.

  Iyan ang mahirap: pusong mahabagin,
may mayamang dibdíb sa m~ga damdamin;
hindi humahamon, n~guni't pag-iniríng....
sa kanyáng hayakís ay walang patalím,
walang kalakasang sukat makasupil
ni lalong matibay na di hahamakin.

  Silá'y nagsipanhík sa dukhang tahanan,
sa nasang máhuli ang lilong mayaman;
tangka nilá mandíng doon na mápatay
yaong walang pusong hindi na nagtagláy
n~g munti mang lin~gap sa m~ga dain~gan
at pakikisamo n~g m~ga upahán.

  Datapwa'y napigil ang sulák ng n~gitn~git
at ang kapoota'y nagwaring lumamíg
nang mápaharáp na't kaniláng mámasid
ang mukhang maamo n~g ating may sakít,
na sa gitna niyóng malakíng pan~ganib
ay nag-anyóng kuta na hindi mayaníg.

 --¿Anó ang layunín at dito ay hanap--
ang tanóng ni Ata sa m~ga kaharáp.
--Aming inuusig iyang taong sukáb
nang upang patayín ...
    --M~ga walang palad!
¿Anó't tutungkulín ang gawang umutás
niyang m~ga kamáy na ukol sa sipag?

  ¿Kay lakí ba kaya n~g pagkakasala
at buhay kaagád ang inyóng pinita?
Kayó'y man~gagmuni at huwag padalá
pa pusók n~g loob
    --Magmuni'y sukat na,
at higít sa labis ang aming binatá
diyan sa kuhila't walang kaluluwa.

  Nang dahil sa amin, siya'y tumatangáp
n~g malakíng tubo at úpang mataás,
kamí ang sa kanyá'y nagbigáy n~g pilak
datapwa't ang gantíng sa amin ay gawad
ay ang kulan~gan pa ang datihang usap
at sa kahulihan ay ayaw magbayad.

  Ang pinagpagaláng isáng lingóng araw
ay ipinatigás na ayaw bayaran
dahil sa náhin~ging huwag nang bawasan
ang dating palakad na pag-uupahán,
at kung mangyayari'y kaniyang dagdagán
yamang námamalas itóng kahirapan.

  Samantalang gayón iyong pag-uusap
sa ibaba namán ay lubhang masulák;
walang hintóng lait ang nanánambulat:
hin~ging ipanaog yaong máninibad
upáng papagkamtín n~g parusang tapát
sa kanyáng inasal sa m~ga mahirap.

 --Ipanaog dito nang agadagaran!--
ang sigáw n~g taong nan~gasa lansan~gan;
may nan~gaghahanda na ibaóng buhay,
may nagpanukalang ibitin na lamang
at may humihin~ging bugbugín ang hungháng
bago kaladkarín hanggáng sa mamatáy.

  Sa gayóng paghin~gi na lubhang marahás
ay muling nag-init ang nasa itaas,
kaya at sa tulong n~g salitang tahás,
nilimot na sampung pitagang inin~gat
at dadaluhong nang dudumugi't sukat
iyong nagtatagong hindi makalabás.

  Datapwa'y humadláng sa kaniláng nasa
ang dating may sakít at lunóng matanda:
--Man~gagmuni kayó--ang maamong wika--
huwag na palulong sa biglang akala
pagka't kung masunód ang inyóng adhika
ay kayo ring tunay ang kaawaawa.

  ¿Hindi bagá kayó'y may m~ga magulang,
anák at asawang pinakahihirang,
na liban sa inyó'y walang aasahang
sukat na katigin at ikabubuhay,
sa balát n~g lupà? ¿Anó't ititimbáng
ang gayóng karami sa isáng halimaw?

  Kung inyóng masunód ang pakay at nasa
at kayó'y usigin dahil sa ginawa
¿ilán ang sa inyó'y man~gagsisiluha?
¿ilán ang dudumog sa pagdadálitá?
¿iláng anák ninyó ang mápapan~gangyaya
at man~gun~gulila n~g lubhang mahaba?

  Kayó'y pinipigil, hindi pagka't ibig
na aking itangól ang taong bulisik;
mahigít sa inyó ang aking tinipíd
nang dahil sa kanyá; kayá'y di nagtiis
n~g sumpa't tun~gayaw, n~g pula at lait
at pag-alipustang di dapat mákamít.

  Ang aba kong puso ay kanyáng dinaya,
ang aking pag-asa'y nilantá nang kusa,
ang madla kong luhog ay inalipusta,
ang linis ko't puri ay pinakadusta
at sa kabulagán n~g budhing kuhila'y,
sa anák ding tunay, siyang gagahasa.

  ¿Higít pa ba riyan ang inyóng tinangáp
na m~ga pasakit? Ang upang katumbás
n~g sanglinggóng araw ¿magin kayang sukat
sa pagkakalun~gi n~g puring inin~gat
at pagkáhiwalay sa madlang kaanak
at pamamalagi sa dálita't hirap?...

  Akó ang babaing kanyáng pinugayan
n~g puring malinis na minahálmahál,
at n~gayó'y' akó rin ang nagsasangaláng ...
bakít akó gayón? sapagka't alan~gán
sa sapát kong gantí, ang íisang buhay;
ang nasa ko'y iyóng walang katapusán.

  Isáng guniguníng hindi lumilipas
kahit na magbalot sa buntón n~g pilak,
isáng pagkakutya sa sariling hagap,
magíng akbáy niya sa lahát n~g oras,
isáng wari'y hukóm na magpapahirap
saan man tumun~go at siya'y lumagak.

  Ang nasa kong kamtán ay isáng higantí
na higít na lubha sa lalong malakí,
gantíng tataglayín niyong dilidili
at sa isá niya ay man~ganín~ganí,
at hindi na ibá ang siyang mangdiri
kung di siya na rin sa kanyáng sarili.

  Ibig kong mabuhay iyang alibugha,
datapwa't sa kanyá'y ipauunawa
na itóng dalaga na kanyáng ninasa
ay anák din niya at anák kong mutya,
n~guni't kailan ma'y hindi mápapala
na tawaging amá ang isang kuhila.

  Sa sinabing itó'y nágitlá ang lahát
at ang kalooban ay pawang naglubág,
at lalo pa mandíng silá'y nan~gagulat
nang sa kinanglun~gán ay biglang lumabás
iyong inuusig at pinaghahanap,
na luhaluhaa't paluhód ang lakad.



XV.

PATAWAD.


  Yaóng nahirati sa pagpapatanghál
n~g kaniyang poot sa m~ga upahán,
n~gayó'y lunóng lunó, at walang masaysáy
yaong m~ga labing laging nakasigáw,
liban sa pasamo't salitang marahang:
--¡Patawad anák ko! ¡Patawad na Atang!

 --Ang aking patawád--tugón n~g may sakít--
magpakailan ma'y hindi makakamít,
sa aki'y hindi ka nagtaksíl n~g labis
kundi sa dugo mong itinakwil, kahit
walang kasalanan kundi magíng bihis
sa dusa n~g aking nádayang pag-ibig.

  Mákita ang gayón, n~g magkakasama,
na ang hinahanap ay kaharáp nilá'y
dinaluhong agád; disi'y nasawi na,
kung hindi humadláng ang ating dalaga
at nagpumagitna sa amáng may sala
at m~ga kawaníng may masamang pita.

 --Man~gag-antáy kayó, huwag pagtulun~gán
ang isá kataong hindi lumalaban:
ang inyóng gágawí'y hindi nábabagay
sa tungkól lalaking may kaunting dan~gál
at lalo pa mandíng tiwali't alan~gán
sa kagaya ninyóng anák kasipagan.

  Oo't may katwirang kayó'y maghigantí
sapagka't ginipít ó kaya'y inapí;
n~guni't kayo'y pawang may pusong lalaki,
sa bawa't ulila'y marunong kumasi,
hindi humahabág sa tungkól babai
kundi bagkús pa n~gang mapagbigay puri.

  Sapól pagkabata ay aking dinalá
yaong sapantaha na akó'y ulila,
wala akóng tuwa liban na kay iná
at n~gayóng nabatíd na akó'y may amá
¿di yata't bigla ring aagawin siya
sa sabík kong puso sa kanyáng pagsintá?

  Kayó'y gaya ko rin na _anák-dálita,_
at kauri ninyó akóng namagitna;
magíng balato man, sa aki'y maawa:
patawarin ninyó ang amá kong mutya,
¡alang alang kahit doon sa Lumikha!
¡kahit alang alang sa aking pagluha!

  Siya'y magtitika't hindi na aasal
n~g ugaling lihís na karumaldumal;
ang bahala'y akóng sa kanyá'y aakay
sa tuwid na landás na dapat daanan
n~g m~ga may puso't paglin~gap na tunay
sa kagaya ninyóng m~ga mang-aaráw.

  Sa salitang iyon ay muling nagbalík
sa datihang anyo ang maamong tubig,
naglubág ang poot, napawi ang ban~gís
niyong maawaing m~ga _anák pawis_ ...
paano'y kay gandá n~g humin~ging bibíg
at napakaamo ang kaniyang hibík!?

  Kaya't yaóng dating nagtumuling baha
na ibig tumabon sa daanang lupa'y
muling nagíng batis, nukál ang payapa;
at saka nan~gako ang Nan~gan~gasiwa
na daragdagán pa sa upaháng takda
at pagbabayaran ang m~ga nagawa.



XVI.

¡¡¡PAALAM!!!


  Matapos ang gayóng m~ga sálitaa't
matapos pumayag ang m~ga upahán,
ang wikang nápalit sa dating sigawa'y
¡Mabuhay ang sipag! ¡Si Teta'y mabuhay!

  Katuwaang lahát, sa lahát n~g bibíg
pawang kagalakán ang nan~gasasambít,
dapwa'y nápatan~ging may pataw sa dibdíb
ang ating si Pedro na di makaimík.

  Malaon nang lubhang siya'y nároroon
at minamatyagán kung saan hahantóng
iyong salitaan, n~guni't n~g manuynóy
ang lahát n~g bagay ...nagtagláy lingatong.

  Kaya't n~g mapuná, ang gayón, ni Tetay
ang hirang na sintá'y agád linapitan,
pinakáusisa, hanggáng sa tinuran,
n~g ating binata, yaong dináramdam.

  Siya'y maralitá't ang kaniyang hirang
ay hindi na dukha, anák n~g mayaman,
¿di kaya masabing iyong pagmamahál
ay may halong lin~gap sa pilak na kináng?


[Larawan: Yakap na magiliw at masuyong halík,
sa salitang iyon, ang siyang nápalit.....

¡Kay saráp n~g buhay kapag umiibig!...

............................--(Pág. 72)]


  Anyá'y samantalang hindi magkapalad
na kanyáng pantayán ang maraming pilak
n~g ama ni Tetay ay di man~gan~gahás
na mulíng bangitín ang kanyáng pagliyag.

  At siya'y tutun~go sa malayong bayan,
kung saan kikita n~g maraming yaman,
puhunanin kahit ang sariling buhay
ay di lilin~gunín, sa laki n~g pakay.

  Ang bawa't kaputók na pananalita,
sa dibdib ni Teta, ay nagiging iwa,
kaya't nang matapos ay di naapula
sa kaniyáng matá ang agos n~g luha.

 --Nang akó'y hikahós--anyá--ay mapalad,
walang kalungkuta't ang puso'y panatag,
akó'y maligaya, kahit naghihirap,
at walang damdaming ikinaiiyák.

  Datapwa't sa n~gayóng íisáng sandali
pa halos na akó'y wari may salapi,
¿agád agád na bang isáng dalamhati
ang tataglayín ko sa ubod n~g budhi?

  Kung gayón din lamang at dahil sa aking
bagong kalagayan ikáw'y maninimdím,
ang lahát n~g iyo'y aking lilisanin
kung magigíng tumbás n~g iyong paggiliw.

 --Huwag na Tetay ko, huwag ipagdamdám
kung sakasakaling akó'y lumayo man,
¿anó kung maghirap n~g mahabang araw
kung sa dakong hulí'y ikáw ang katimbáng?

 --Kung sa dakong hulí!... at sa hulí akó!
n~guni't una muna ang kataasan mo!
Huwag lang maturang humigít sa iyo'y
lalasunin mo na ang boong buhay ko!

 --Huwag mong damdamín; sa ngayó'y mapait
na akó'y málayo sa iyong pag-ibig,
n~guni't sa kabila'y libolibong tamís
ang siyáng katumbás nitóng pagtitiís.

  Akó ay may puso, na kagaya mo rin,
na minámapaít ang kitá'y lisanin ...
datapwa'y hindi mo dapat na limutin
na ang marálita'y lubhang maramdamin.

  Marahil, sa bawa't gamunting salita'y
ipagdurusa ko't lubós ikaaba,
¡paano'y katulong sa bawa't paghula
ang pagkakilalang ako'y marálita!?

  Kaya't bayaan na ang aking pagpánaw,
paglayong marahil di maluluwatán ...
--¡¡Hindi n~ga maluwát, n~guni't kaigihan
na yaríng puso ko'y magkawaraywaray!!



XVII.

KATAPUSÁN.


  Ang usapan palá namá'y nábabatyág
n~g lunóng babaing nahan~go sa hirap;
sila'y linapita't saka siniyasat
kung anó't malungkót iyong pag-uusap.

  Hindi ikinaít n~g ating binata
ang sanhi n~g kanyáng paglayong akala;
inayunan namán n~g ating matanda
sapagka't nataya ang tuwíd na nasa.

  Sa gayóng nangyari, si Teta'y nagsulit;
--Pumapayag akó na ikáw'y umalís,
datapwa'y yayamang kitá'y iniibig
akó ay sasama, saan man sumapit,

 --Iiwan mo akó!?--ang pabiglang turing
n~g ináng nágitlá.
    --¿Kami'y lilisanin?--
ang tanóng n~g amá.
    --Kung di ibabaling
ni Pedro ang nasa. Siya ang himukin.

  Alám kong ang sanhi n~g kaniyang pakay
ay dahil sa akin; kaya't akó namá'y
nasang makihati sa anó mang bagay
na kanyáng sapitin: mamatáy, mabuhay.

 --Sukat na, sukát na, aking m~ga anák--
ang sabi n~g amá sa magkasinliyag--
magmula sa n~gayón si Pedro'y gáganap
sa aking tungkulin.
    --Amá ko, salamat.

 --Sa gayóng paraa'y hindi kailan~gan
ang siya'y dumayo sa ibá pang bayan;
at kaming dalawá'y ...
    --Hahati na lamang
sa ligaya ninyó--ang putol ni Atang.

...................................
...................................

  Yakap na magiliw at masuyong halík,
sa salitang iyon, ang siyang nápalit....
¡Kay saráp n~g buhay kapag umiibig!...
¡Pag yáon n~g sigwá'y kay ganda n~g lan~git!...


WAKAS.

Maynila, Enero, 1907.

Ginawang aklat n~g Disiembre n~g 1911



=ÍNDICE=
                              =Pág.=
I.    Si Teta................... 7
II.   Ang mag-iná............... 11
III.  ¡Gumigiliw!............... 16
IV.   Si Pedro.................. 21
V.    Paghabág n~g puhunan...... 24
VI.   Walang katubusan.......... 27
VII.  Isáng alamát ni Ata....... 29
VIII. ¡Pangarap!................ 32
IX.   Dalawáng puso............. 35
X.    Ang lihim ni Ata.......... 40
XI.   Ang yaman at ang puri..... 47
XII.  Ang m~ga manggagawa....... 53
XIII. Sa haráp at sa likód...... 56
XIV.  Ang puso n~g dukha........ 60
XI.   Patawad................... 65
XVI.  ¡Paalam!.................. 68
XVII. Katapusan................. 71





*** End of this LibraryBlog Digital Book "Ang mga Anak Dalita" ***

Copyright 2023 LibraryBlog. All rights reserved.



Home