Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Ang Singsing nang Dalagang Marmol
Author: Reyes y Florentino, Isabelo de los, 1864-1938
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.
Copyright Status: Not copyrighted in the United States. If you live elsewhere check the laws of your country before downloading this ebook. See comments about copyright issues at end of book.

*** Start of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Ang Singsing nang Dalagang Marmol" ***

This book is indexed by ISYS Web Indexing system to allow the reader find any word or number within the document.



University of Michigan.



[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g. Mistakes in the original published work have been
retained in this edition.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit. Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga
pagakakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]


=Kathâ ni ISABELO DE LOS REYES=

=ANG SINGSING=

NANG

DALAGANG MARMOL

[Larawan: Isang binibini]

Ó SI


LIWAYWAY NG BALIWAG
MGA NANGYARI SA PAGHIHIMAGSIK
Ipinagbibili ng 20 cts. sa daang P. Rada, 467, Tundo.


[Patalastas: La Concepcion; Sanglaan ni Fausto O. Raimundo]


ANG SINGSING

NANG

DALAGANG MARMOL

Man~ga nangyari sa Paghihimagsik


SINULAT MUNA SA WIKANG TAGALOG N~G KAGALANGGALANG
NA ISABELO DE LOS REYES SA PAHAYAGÁNG Ang Kapatid ng
Bayan, BAGO ISINALIN NIYÁ SA WIKANG KASTILA
SA PINAKA FOLLETIN NANG El Grito del Pueblo
NOONG TAÓNG 1905. SAPAGKÂ'T NAWALÂ
ANG UNANG ORIGINAL,
AY MULING SINALIN
SA WIKANG TAGALOG


NI

CARLOS B. RAIMUNDO

MANILA 1912

TIP SANTOS Y BERNAL
Ave. Rizal 414 Sta. Cruz

[Larawan: Hon. Isabelo De Los Reyes]


SA KAY LIWAYWAY N~G BALIWAG.

_Magandáng Binibini_:

Sa bilang n~g páhayagáng tagalog _Ang Kapatid n~g Bayan_ na nauukol sa
iká 14 n~g Septiembre n~g 1905, nábasa ko ang isáng lathalà na ganitó
ang sinasabi:

"Nagíng dahil n~g mapupusok na paghahakà ang mainam na kathà, (novela)
na sa pamamagitan n~g lagdâ n~g isáng kilaláng mánunulat ay aming
inihahayág, at ipinalalagáy n~g; iláng _tiktik_ na ang _Dalagang
Marmol_ ay nanánagisag sa _kapalaran n~g Filipinas_, na bagama't
ngayo'y tila tumatalikód sa kaawà-awà nating bayan, n~guni't sa wakás
ay gaganapin din ang kanyáng pakiki-isáng dibdib kay Pusò (táong may
malakíng kabuluhán sa kathâ) na alinsunod sa m~ga _tiktik_ ay
nanánagisag naman sa kahulugán n~g Diwà ó n~g Mithî n~g bayang
tagalog.

"May balità kaming sinalin na raw sa wikàng ingles."

"N~guni, sinasabi naman n~g m~ga tagá Bulakán na ang _Dalagang Mármol_
ay walâng ibá kundî si binibining _Liwayway_ na tagá Baliwag, pagkâ't
ang kanyáng m~ga kagandahang iginuhit ay siyá lamang tumútugón sa m~ga
pagkakakilanlán sa katauhan n~g násabing binibini.

"Talagáng túnay ngâng nakahahangà ang kagandahan n~g dalagang
_Liwayway_, n~guni't dî namin nababatid kung síyá n~gâ ang tinútukoy
n~g nasabing mánunulat, at ang amin lamang masasabi ay yumaon na itó
sa España. Sa kanyá sana tayo makapagtanóng."

At sa _El Grito del Pueblo_ n~g ika 20 n~g sinabing buwán ay
napalathalà naman, na dalawáng piling Gurô sa pagtugtog ay nagsikathâ
n~g isáng "Tanda de Vals" na kuha sa guní-guní n~g kaniláng pagkabasa
sa kathâng násabi at yaó'y sadyâng sa inyó nilá ipinatungkól.

Ang m~ga balitàng it'óy nakaguló n~g aking isipan kayà akó humanap
tulóy at nakakita namán sa m~ga natitipon n~g násabing Pahayagán n~g
isáng aklát, na túnay n~gà't matatawag na m~ga nangyari sa
Paghihimaksík natin n~g 1899 ang linálamán, n~guni't kun tátarukín ay
makikitang kahalò ang isáng maliming pagaaral sa mahalagá at tan~ging
ugali n~g ating m~ga kawiliwiling babai; kahit ang anyô ó ayos sa
malayò pa'y naghihimatóng gawâ n~g isáng dakilàng mánunulat na may
lubós kinabatirán sa ating m~ga kasaysayan.

Ilinalahad n~g kathâ, na bagamán parang _mármól ó hielo_ ang babaing
tagalog dalá n~g malaking kahirapan kun ligawan, dapwâ't kung umibig
ay may káya namáng magtiís sa lahát n~g hirap.

Akin n~gang tinagalog, at yamang ikáw pô ang itinuturó n~g inyóng m~ga
kababayan na parang _Dalagang Mármol_, sa gayó'y walâ n~g ibá pang
marapat paghandugán nitóng aking pinagpagalán kundî kayó, bagamán dì
nìnyó kilalá ang aking katauhan.

CARLOS B. RAIMUNDO.



Ang Singsing

Nang Dalagang Marmol

I.


Matapus ang kasindáksindák na labanáng nangyari sa m~ga tagalog at
americano sa Kin~gwá, lalawigan n~g Bulakán, n~g iká 23 n~g Abril n~g
1899, na siyáng ikinápatáy kay Coronel Stotsenburg, sa Capitán at ibá
pang m~ga kawal americano, kamíng m~ga tagalog naman ay nagsiurong sa
Sibul, at sa isáng bahay-gamutan n~g aming m~ga kawal ay nátagpuán ko
ang isáng matapang na pinunòng tagalog na bahagyâ náng makagaláw at
makapagsalitâ dahil sa marami niyáng súgat. Malakí ang awà sa kanyá
n~g lahát n~g táong nan~garoroón at siyá na lamang ang napagúusapan at
lubós nápupuri dahil sa kanyáng kabihasnán sa pakikilaban at sa
kapusukan sa m~ga pakikipagsagupà; at sa katotohanan kahit mamámatáy
na lamang ay pilit pa niyáng napaúrong ang malalakas naming m~ga
kaaway.

Nang aking matantô ang labis na paglilingkód n~g bayaning itó sa ating
Bayan, ay pinagsikapan kong siyá'y alagàan, bagamán walâ akóng
pananalig na siyá'y maáari pang mabúhay.

N~guni't aywan kun sa kabagsikan n~g bisà n~g tubig sa Sibul, ang
pinunong itó na Pusò ang pan~galan, isang araw ay idinilat ang m~ga
matá at nagsalitâ n~g ganitó:

--Sino ka man pô, maawàíng kapatid na nag-áalagà sa akin, kayó'y
pinasásalamatan ko, at ipinamamanhik sa inyó na huwág mo na pông
lubhâng pagsikapang akó'y agawin sa m~ga kukó n~g kamatayan, pagkâ't
batíd kong dî akó mabubúhay dahil sa aking m~ga súgat, at lalòng-lalò
pa dahil sa kainitan n~g lupàing itó. N~guni't nápakatamis sa akin ang
mamatáy sa paglilingkód sa kapús-palad nating Bayan.

Akó na kaylán ma'y di nakababatid kun paano ang pag-iyák ay kusang
tumulò ang luhà ko't niyakap ang bayaning halos ay naghihingalô at aní
ko:

--Huwág ka pông man~gambá matapang na pinunò pagka't nagsísimulâ na
kayó sa isáng panggaling.

--¿Man~gambá ang sinabi ninyó--ang sagót ni Pusò--Di ko nakikilala ang
pan~gambá ni ang tákot n~guni, kun inyóng mababatíd giliw na kaibigan
ang lihim n~g luntáy-luntáy kong pusò, marahil kayó rin ang tutúlong
dalá n~g inyóng pagkahabág, upang madalîín ang pagkamatáy ko.

At n~g masábi ang ganitó'y itinuro ang kanyáng singsing sa daliri at
bago nagpatuloy:

--Kaibiga't kapatid; ipinamámanhik ko sa inyóng mangyaring
pag-in~gatan ang singsing na itó pagkamatáy ko, n~g di maalís sa aking
bangkáy at málibing na kasama ko. ¡Ay katoto! Kun inyóng málalaman ang
pinanggalin~gan n~g singsíng na itó....

Hindi itinulóy n~g pinunò ang pagsasalitâ pagkâ't di napigilan ang
kanyáng luhà sa pagkáalala n~g m~ga kapaitang kanyáng linálasáp.
Inalagatâ kong siyá'y kusàng liban~gin at pasiglahin ang loób bago
nagkunwa akóng tumatawa:

--¡Ha, ha, ha! Tila ba dî kayó--aní ko--sanáy sa m~ga pakikitunggali,
palibhasà lubhâ na kayóng nalulunos dahil lamang sa isáng babai. Aking
ipinaáalala sa inyó, mahál na pinunô, na sa gitnà n~g malakíng sakunâ
n~g ating bayan ay di dapat isagunitâ ang bagay na kasalawahang loób
n~g m~ga babai kahit silá'y sakdál n~g gándá.

--Mapalad ka pò, katoto, na sa masíd ay di pa naka lalasáp n~g libong
kapaitan at m~ga lasong natatagò sa pusò n~g isáng babai.

--¡Oh, ginoó! Sa kanilá'y mayroóng masamá at may mabuti rin namán. At
ang tuntunin ko'y náuuwî sa: Madaling pag-ilag sa m~ga may tagláy na
kapintasan at manatili akó sa m~ga mairugin at dî salawahan.

--¿Anó ang sabi ninyó? Sa lagay, mayroón kayâng isáng babai man lamang
na dî balibát ang ulo at dî salawahan?

--Mayroón pô at dî ang lahát ay pawàng kirí ó manglilipad....

--¿Túnay kayà? Kun sa ganáng akin, lagì na akóng nagíng kapús-palad sa
dî pagkakatagpô n~g isáng babaing may ganáp na pagkukurò at íibig n~g
tapát sa akin.

¿Alam mo pô ba kun bakit ang singsíng na itó'y lubhâ kong mimámahál?

--Huwág na ninyóng ipabatíd pagkâ't iyá'y isusukal lamang n~g iyó pông
kalooban.

--Mabuti n~gâ, katoto, na umagos ang aking luhà at sa gayó'y maawasán
n~g bigá't yaríng dibdib. Makiníg ka pô at isisiwalat ko sa inyó ang
lihim n~g aking pusò.

Sa kaunti kong kabatirán tungkól sa pagkasalawahan n~g m~ga babai,
lalò ang magagandáng maraming nan~gin~gibig, ay dî ko pinaháhalagaháng
gasino mulâ pa sa aking pagkabatà ang ganyáng ásal; at ang palakad
kong itó'y nagíng makabuluhán sa akin, palibhasà, kun lumalayô ang
isáng lalaki ay silá an~g nagsisilapit, at kun ang lalaki'y
nagpapakita n~g katamlayang loób at napagiin~gatang katabayin ang
pag-iisip sa m~ga dahilanin n~g pagibig, ay madalîng makatagpô;
n~gunì, kung ang lalaki'y maging mairugín ay agád kang hihiluhin n~g
m~ga babai at pahihirapang lábis n~g walà muntî mang awà.

--Gayón, palá't batíd mo pô ang lahát n~g iyán, ¿bakit kayó napasilò?

--Akin nan~gâng sinabi, katoto, na kaylán ma'y di akó umibig sa
kanilá; n~guní dalá yatà n~g aking malungkót na kapalaran, isáng araw
ay nápaparito akó sa lalawigang itó n~g KABULAKLAKÁN ó Bulakán--sa
m~ga kastilàng dî mátumpák bumigkás n~g máayos--at sa isáng maligayang
halamanan ay nakita ko si Liwayway na sa kagandahan ay higít n~g
malakí sa balitàng Helena, na dahil sa pagkatakas sa kanyá sa Paris ay
siyáng pinanggalin~gan n~g kasíndák-sindák na patayan n~g m~ga panahón
n~g kabayanihan.

Ang binibining itó'y túnay na tila isáng _Dalagang Mármol_, dî lamang
sa pagkakahawig sa larawan ni _Venus_ na aking nákita sa Museo n~g
Louvre sa París, kundî pagkâ't tila dî nakaráramdam kun minsan.

--Sinabi ko ná sa inyó, na ang kagandahan nilá ay siyáng
nakapagbibigáy n~g kayaban~gan at kakirihán. Masisirà, sa wakás, ang
inyóng isip pag-isasaloób ang libolibo niláng pang-aaglahi.

--N~guni, ¿dî ba dayà ikararagdág pa sa halagá n~g kaniláng m~ga
kagandahang lantád, kun silá'y umibig n~g matibay at huwág parang
isáng babaing nápalungî, na sa kanyáng malabis na karálitâán ay
napipilit itakal ang m~ga pinaghunusan n~g kanyáng kahihiyán sa bala
nang mákaibig?

--Sana n~gâ pô; n~guni't ang babai'y talagáng siyáng _demonio_ na
ating kaaway, at úpang huwág nating mákilala ang kaniláng kasukabán ay
ipinamámasid sa atin ang dati niláng mukhâ noóng silá'y isáng _angél_
pa, at sakà nagsosoót n~g barò't sáya.

Si Pusò'y nán~gitî n~g márinig ang masayá kong birò at bago nagsalitâ:

--Hindî, katoto; si Liwayway ko'y dî mangyayaring magíng isáng
_demoniong_ may baró't sáya, kundî isáng diwatàng nagliliwanag sa
kanyang dikit at kahinhinan, Gayón man, ¡oh, pusò! gaánon~g hapdî n~g
súgat na sa iyó'y ipinagkaloób n~g malupít na diwatàng iyan!...

Hindî náituloy ang pagsasalitâ, umiyák at halos nagsimulâ sa
paghihin~galô.



II.


Sumigaw akóng nagpagibík at aming pinagtulúngtulun~gang hinimasmasán
sa pagpapaamóy n~g _eter_ ang kaawà-awàng si Pusó, at n~g makalipas
ang may kalahatîng oras ay nagsaulì sa malay-táo, n~guni't dî ko na
siyá pinayagang bumanggit man lamang sa pan~galan n~g kanyáng
tinatawag _Dalagang Mármol_.

Makalipas ang dalawáng araw at n~g tila siyá bumubuti n~g bahagyâ ay
tinawag akó't anyá:

--Ang aking kunwâng paggalíng na inyóng námamasdán ay hindî tátagál at
di sásalang akó'y mamámatáy rin agád.

--¿Sa kátaón pa naman--aní ko--na n~gayó'y madalî náng sumusúlong ang
inyóng paggaling?

--Iyá'y akalà lamang ninyóng mag-isa, at yamang may natitirá pa akóng
kaunting búhay, n~gayo'y ipatutuloy kong ipahayag sa inyó ang m~ga
kapaitang linalasáp niaríng kalulwá, upang akó'y pautan~gin ninyó n~g
loób na ganapín ang iláng ipagbibilin ko, sakaling mátagpûán ninyó ang
_Dalagang Mármol_.

--¡Mármol na namán! Útang na loób, kapatíd ko, huwág na sana munang
banggitín n~gayón ang pan~galang iyán pagkâ't lúlubhâ ang iyó pông
karamdaman.

--Námamalî ka pô, katoto; lalò akóng bibigát at dî makakátulog sa
pag-áalalang akó'y mamámatay n~g di nalalaman nì Liwayway, na ang
katapusáng pagmumuni ko't buntóng hinin~gá'y sa kanyáng lahát
nátutungkól.

--Ang m~ga babaing parang _mármol_ na may pusòng matigás at malamíg
na parang _hielo_, ay dî karapatdapat makabalino sa ating pag-iisip,
lalònglalò pa sa kalagayang paris n~g înyó.

--Walâ kayóng pagtin~gín sa akin, katoto, kundî pakikinggán ang
ipagbibilin ko--aní Pusò na parang walâ nang pananalig.

At n~g masabi itó'y naták ang luhà. Upang huwág n~g lalòng
magdalamhati pa'y náyag na akóng siyá'y dinggín, bakit talagá rin
namáng malabis ang han~gád kong maunawà ang m~ga lihim n~g dakilàng
pusòng iyón n~g bayani.

--Si Liwayway--aní Pusò--ay naninirahan sa Baliwag sa bayan n~g m~ga
nakawiwiling dalaga. Sa lalawigang itó'y walâ náng ibá pa na tan~gi sa
pagkamagandá n~g kanyáng m~ga binibini kundî ang bayang iyón.

--Alám ko ná.

--At kun nakabibighanì ang halos lahát n~g babai sa násabing bayan, si
Liwayway ko ang parang hari nilá dahil sa walâng kaparis na
kagandahan. Ang kanyáng mukhà'y nagníningníng na parang araw, at upang
paputîín at pamurukin ang kanyáng m~ga pisn~gí ay pinili n~g Lumikha
ang mababangóng kampupot at alejandría, pinaghalò at doón kinuha ang
kanyáng kúlay, kaya maputîng parang azucena na nasasapyawán n~g
pamumúrok ang balát na parang búlak sa lambót. Ang buhók ay kúlay
gintô at tila sadyâng kinulót n~g maselan na kamay n~g m~ga diwatà.
Mainam at kahilìihilì ang húbog ng ilóng at pati m~ga tain~ga, sampu
n~g dalawáng matáng nan~gun~gusap sa kapun~gayan; m~ga n~giping parang
pinili, malinis at maputîng parang gáring; babang nakalulugód ang
pagkahatì, at ang kanyáng makipot at mainam na bibig ay tulad sa isáng
bulaklák na bagong bumubuká ó sa isáng bátis n~g matamis na biyayà
pagkâ't makitid at namúmulá ang kanyáng kabighábighaning labi't n~guso
at ¡ay! kung mangyayari sanang aking máhagkáng minsán, marahil ay
máraragdagán pa ang búhay ko!

At sinabi itó n~g may kasamang malalim na buntóng hinin~gá.

--¿Totoó kayâ--ang tanóng ko sa kanyáng tumatawa akó upang
pasiglahín--na kayó'y gágalíng sa isáng matamís na halík ni Liwayway?

--Walâng pagsala, maniwalà kayó sa akin; ngunì, ¡kaawà-awàng pusò ko!
¡walâ ná ang iyóng Liwayway at dî ko alám kun saán naroón n~gayón!

--Ihimatón man lamang ninyó sa akin at pagsisikapan ko ang siyá'y
hanapin.

--Huwág na kayong mapágod, pagkâ't dî sásalang siyá'y lubhâng malayò
ná, at isá pa, tiyák na magíging láson sa akin kun malaman ko pa ang
kanyáng kinásapitan.

--¿At bakit?

--Iyán n~gâ ang lihim na kanino ma'y dî ko masasabi at dadalhin ko na
sa húkay. Si Liwayway ay parang isáng makisig at masayáng kulasisi na
nakawiwiling pakinggán pagmasayáng nagsasalitâ at dî nagbubulàan.
Siyá'y balita sa lugód at inam makipag-usap; n~guni't mulà n~g akó'y
kanyáng mákilala'y naparam na biglâ ang kanyáng pagkamasayá; parang
ibong nalaglág sa isáng sumpít at naging larawang _mármol_ n~g pumaták
sa lupà.

--¿At ano ang naging sanhi?

--Ang lan~git lamang ang nakatatalós. Isáng araw ay dumatíng kami sa
nábangít náng bayan ni Liwayway. Doó'y tinipon ko sa liwasán ang
pulutóng n~g aking kawal bago kami pasalabanán sa Marilaw, at aking
pinan~gusapan upang silá'y pasiglahín at ipabatid tulóy ang lahát n~g
dapat gawin. Maraming táo ang nanoód at nakinig n~g aking talumpatí na
walâ sa áyos at sahól sa linálamán; n~guni, marahil sa awà n~g m~ga
táo sa akin dahil sa akalàng akó'y mamámatay na walâng sala sa
dadayuhing labanán, ay kinalugdán din akó't ipinagdíwang kahit dî
karapatdapat.

Nang akó'y manaog sa pinagtalumpatian ay námasdán ko si Liwayway sa
isáng súlok.

Sinasabi sa m~ga Banal na Kasulatan, na ang _angel_ na nákita ni
Magdalena at m~ga kasama sa libin~gan ni Jesus, ay nagníningníng na
parang araw. Gayón din si Liwayway, kumikináng sa kanyáng kagandahan,
katimpîan at kahinhinán na parang bukáng liwaywáy n~g isáng araw na
maligaya.

Sa m~ga sandalîng yaón ay gumiít sa aking puso ang isáng tan~ging
damdamin na dî ko málamang sabihin at kaylán man hanggá noón ay dî ko
pa napagkákabatirán. Ang kanyáng pananamit ay karaniwan, n~guni't
malinis gaya n~g laging isinosoót n~g m~ga babaing bayan; at nabatíd
kong siyá'y isáng ulila na kinúkupkóp lamang n~g isáng matandâng
dalaga. Akó'y nagkaroón n~g magiliw na pagtin~gín sa kanyá at aking
linapita't siya'y binati.

Magiliw namán siyáng sumagót, at dî nalalamang sa aking dibdib ay
nagninin~gas ná ang isáng damdaming marahil ay yaón ang tinatawag
ninyóng pag-ibig.

Matapus ang sandalî sa m~ga salitâan naming walâng kabuluhán ay sinabi
ko sa kanyá:

--Liwayway, ¡oh, himalâng Liwayway sa kagandahan! Akó'y paroroón ná
sa labanán at malapit ang dî ná ninyó akó mákita. Akó'y paris din
ninyó, ulila sa lahát. Kun ang aking hinin~gá'y malagót sa párang n~g
pakikihamok, ay parang isáng muntîng ilaw lamang na pinatáy n~g
han~gin. Sa bagay na itó, ¿maipagkákaloób kayâ ninyó, diwatà n~g
habág, ang mahalagá mo pông pañô upang akó'y may máidampî ó máitalì sa
aking magiging súgat?

--Opò, ginoó--ang magiliw na sagót ni Liwayway at ibinigáy sa akin
yaóng naipakamahalagáng pañô na nakapulupot sa kanyáng leeg na parang
linalik.

Hinagkán ko ang maban~góng pañô at agád kong itinagò sa bulsá sa aking
dibdib.

Napipi ang aking lugód at nasàng paggantíng loób sa kagandahang pusò
ni Liwayway; n~gunì't kulang pa rin ang katuwàa't ikasisiyá kong
loób, pagkâ't bagamán ibinigay ná sa akin ang kanyáng pañô, ay
ipinalalagáy kong parang limós lamang sa kaninomang tagatanggól n~g
tinubùan; datapwà't sa kabilâng dako, nahihiyâ namán akóng magparamdám
agád sa kanyá sa lubós na kadalîán n~g umúunlád kong pag-ibig, at
súkat ang sinabí ko sa kanyáng:

--Maraming salamat, mahabaging Liwayway; at gantihin nawa n~g Lumikhâ
ang pusò mo pông gintô. Lahát n~g aking m~ga kawal ay may tagláy na
kalmen ó antíng-antíng upang máligtás silá sa punlô, n~guni, ulóg
lamáng ang iyó pông lingkód na walà anománg agimat, at dahil dito, kun
parang limós na ibigay ninyó sa akin ang isáng buhók mo pô na labis
kong pinaháhalagahán, ay ikalulugód ko at siyáng makapagbibigay sa
akin n~g tápang at kahihiyán sa dî pagdúrong, pagkamí'y binabakang
mahigpít n~g mayayaman at malalakás nating kaaway.

Nang máriníg itó ni Liwayway, minasdán akó, namulá n~g bahagya at dî
akó sinagót agád; n~gunì n~g makalipas ang sandalî ay lumagót n~g isá
sa kanyáng mainam na buhók at ibinigáy sa akin n~g malwág sa kalooban.

--Aytó pô--anyá--Láhat n~g maitutulong ko sa ating m~ga bayani, agád
maáasahan sa akin.

Hinagkán ko ang buhók na aking kaaliwan at sakâ ko binalot sa pañông
itinatagò sa bulsáng na sa tapát n~g dibdib.

Ibig ko pa ring magsalità at buksán ná sanang minsán ang aking pusò sa
linalan~git kong dalaga; n~guni, akó, na kaylán ma'y dî nakakilala n~g
tákot ay nagíng umíd, dalá n~g pan~gingilag na bakâ sabihin niyáng
akó'y isáng mapan~gahás.

Sumakáy ná akó sa aking kabayo at ipinag-utos kong lumakad ná agád
ang aking m~ga kawal at n~g lilisanin ka ná si Liwayway ay inyabót ko
ang aking kamáy at isinalubóng anamán niyá sa akin ang kanyáng
maririkít na dalirì. Di na kó nakapigil at pagdaka'y pinan~gahasan
kong hinagkán ang magandá niyáng kamáy at sakâ ko sinabi n~g ako'y
humihikbî:

--Paalám ná, ¡búhay ko! Kinaí-inggitán kong túnay ang mapalad na
lalaking magkákamit sa nápakamahalagá at dakilà ninyóng pusó.

¿Akalá ba ninyó'y umiyák namán ang _Dalagang Mármol_ n~g akó'y
mákitang híhikbî-hikbî'y lumalakad na tún~go sa pakikilaban at sa
kamatayan? ... ¡Hindî pô! Súkat ang akó'y minasdáng parang siyá'y
námanghâ.

At ang gayó'y nagíng parang isáng tinik na mahayap sa aking pusòng
nahahapis, pagkâ't inasahan kong siyá'y umiibig ná sa ibá. Gayón pa
man, ang pagyao nami'y lubhâng kalagím-lagím at halos lahát n~g m~ga
babai'y nagsi-iyák, tan~gi lamang yaóng diwatàng _Dalagang Mármol._



III.


Talagáng túnay n~gâng kapuripuri si _General Antonio Luna_ sa m~ga
labanáng lantaran, palibhasà'y tagláy ang katapan~gang dî
pangkaraniwan, at dahil dito'y madalás niyáng maampát ang kabilisán sa
pagsalakay n~g m~ga kawal americano, na may magagalíng na kañón,
baríl, maramíng kabayong malalakí at ibá pang kasangkapang pawàng
kalwagan sa pakikilaban; m~ga bagay na siyáng totoóng kulang sa amin,
sa lubós na kasamâáng palad.

N~guni't sa isáng dako nama'y masasabing si Emilio Aguinaldo'y
talagáng dalubhasà sa m~ga kaisipán at paraán n~g pagtambáng at
panunúbok sa kaaway na dî nakahandâ; at dahil sa m~ga kagagawáng itó,
malakí ang kanyáng nápulô noóng labanán sa kastilà, hanggán sa
naratíng niyá ang magíng Pang-ulo n~g m~ga general na naghíhimagsík.

Ang katotohana'y dî n~gâ dapat makilaban n~g mukhâán sa isáng kaaway
na may sapát na lakás at nakahíhigít sa lahát n~g bagay, at walâ
n~gâng dapat gawín kundî daanin sa paraáng ikabibiglâ at sa m~ga
pagtambáng.

Ang m~ga americano'y nan~gakaratíng ná sa Malolos, at kinalatan nilá
n~g m~ga pulutóng na tánod ang lahát n~g himpilan n~g tren sa Bulakán
at pinagsisikapang máitaboy si General Luna sa kabilâng dáko n~g ilog
Kalumpít.

Sa gayó'y náisip naman ni Aguinaldong _dukutin_ ang m~ga pulutóng na
nagtatanod sa m~ga himpilan n~g tren sa Bigaá, Bukawe at Mariláw; at
isáng gabí ay pinalakad ang m~ga kawal na lúlusob at pati siyà'y
dumaló búhat sa San Rafael, upang pamahalàan ang pagsalakay.

Ang paraán ni Aguinaldo'y pinalad. Sa lubós na pagkabiglà n~g m~ga
americano dahil sa dî nilá ináasahang kapan~gahasan n~g m~ga tagalog,
agád siláng nagsitakbó't nagtipon sa Guiguintô at ang iba'y sa dákong
Maynilà, datapwâ't sa pag-urong ay marami ang nápatáy n~g m~ga
tagalog; at sana'y mádadakíp na lahát kun nátanggáp lamang ni General
Luna ang pautos ni Aguinaldo at nakadaló siyá n~g kasalsalan n~g
labanán. Gayón man nakúha rin namin ang lahát-lahát na lamán n~g
tatlóng Himpilang násabi.

Alám na ninyóng m~ga tagarito na akó ang lalòng ipinagdíwang sa gayóng
pagtatagumpáy namin, pagkâ't kundî lamang dahil sa akó ang siyáng
namayaning agád dumaluhong at nakalupig sa m~ga kaaway, kundî pagkâ't
dahil din naman sa aking mabisàng pagdaló ay nagtagumpáy rin ang m~ga
pulutóng na pinalúsob sa ibá't ibáng poók. N~guni't sa labanáng itó'y
mulî akóng nasugatan n~g malubhâ, kayâ ginawâ akóng _Coronel_ ni
Aguinaldo at ipinadalá akó sa bayang Baliwag upang ipagamót,
palibhasà'y para akóng patáy n~g damputín sa párang n~g labanán.

Nang magsimulâ akó sa paggalíng at idilat ang aking m~ga matá, akalà
ko ba'y nahíhibáng akó, nan~gan~garap ó nápaakyát sa lan~git, pagkâ't
námasdáng hindî ibá ang nag-áalagà sa akin kundî ang kawiliwiling
dalaga na nagpaalab sa payapà kong pusò n~g isáng parang Volcáng
pag-ibig.

Kusà akóng nápasigáw agád at buntóng hinin~gá kong sinabi ang:

--¡Liwayway! ¡Liwayway! ¿Ikáw n~gâ pô ba ang matamís kong Liwayway?

--Opò--sagót n~g _Dalagang Marmol_--n~guni't huwág kayóng magsalitâ,
pagkâ't ibinabawal n~g manggagamot.

--Bayàan ná ninyó, at kahìt mamatáy man akó n~gayó'y mámatamisín ko
rín, pagkâ't sa pilin~g mo pô pápanaw ang búhay kong walâng kabuluhán.

--Huwág pô--aní Liwayway--Ikáw pô'y lubhâng batà pa at gayón ma'y
_Coronel_ ná at marami n~g kapuriháng tinamó sa pagtatagumpáy.
Aalagàan naming mabuti ang mahalagá ninyóng búhay na lubháng
kailan~gan pa n~g ating kaawà-awàng Bayan.

--Nakawáwalâ n~g pag-asa ko, Liwaywáy, ang máriníg sa inyó na akó'y
iyó pô lamang ináalagàan at ginagamót upang maipagtanggól ko ang ating
tinubùan. Nais ko ang maglingkód sa kagalang-gálang nating Ináng
bayan, n~guni, han~gád kong mabúhay namán upang ikaw pô, aking
kayamanan ay siyáng magpalasáp sa akin n~g m~ga katamisan n~g
pag-ibig.

--Maghunos dilì ka pô, ginoóng _Coronel_--ang sagót niyá sa aking may
kalamigán n~g isáng _mármol_--tila yatà pan~git na ikáw pông hindî
napasukò n~g malalakás na americano, n~gayó'y magiging bihag lamang
n~g isáng dukhàng babai, n~gayón pa namán sa m~ga dakilàng sandalî na
lubhâng kinakailan~gan n~g ating Bayan ang iyó pòng talino at lakás.

--Dî ko kailan~gan turúan mo pô akó n~g tungkól sa pag-ibig sa lupàng
tinubùan; n~guni't ikáw pô at ang inyóng kataká-takáng kagandahan ay
bahagi rin namán n~g Bayang iyán. Ang kátamis-tamisang pag-ibig
ninyóng m~ga dalagang kababayan, ay siyáng tan~ging nápakamahalagáng
gantíng palà na ináantáy naming kamtán sa likód n~g lubhàng pagsisikap
sa pagtatanggól n~g ating bayan, kahit puhunanin ang aming búhay.

Hindi tumugón ang _Dalagang Mármol_; kumuha n~g isáng mangkók na sabáw
at ipinainóm sa akin na para bagang dî niyá nápansín ang m~ga sinabi
ko.

Sa gayó'y aking binalikán ang paglúhog at ani ko:

--Aking nakikita Liwayway, na walâng pakiramdám, na kúlang akóng lubós
sa m~ga karapatán upang ihandóg sa inyó ang marálitâ kong pusò. Gayón
man, marapatin ninyóng sagutín lamang ang aking itinátanóng upang
maawasán ang aking dibdíb sa isáng pag-áalinlan~gang totoóng
nápakabigát.

--¿At anó pô iyón--aní Liwayway.

--Ipagtapát mo pô lamang sa akin kun mayroón nang lalaking lalòng
mapalad na siyáng nag-íin~gat sa susi n~g dakila ninyóng pusò.

--Walâ pô. Kaylán ma'y dî ko pa ginágawâ ang umibig dahil sa aking
lubhâng kabatàan. At ináakalà ko na kaylán ma'y dî ko ná marárating
ang umibig, palibhasà'y walàng tumataláb sa aking damdamin sa m~ga
pagsintáng isinusuyò n~g m~ga binatà.

Ganyán dî pô ang akalà ko bago kayó nakilala; masanghayang bulaklák
n~g luwalhating Bulakán, n~guni't n~gayóng násumpun~gán ko ang lábis
na hináhanap ó kayâ'y ang isáng pusòng malinis na walâ pang iníibig,
¡ay Liwayway! tugunín mo pô akó, alang-álang sa Lumikhâ, at kun hindî
ay huwág na ninyó akóng alagaan pa ni gamutín, palibhasà nais ko pa
ang mamatáy kay sa mabúhay n~g walâng ináasahan.

Hindî rin sumagót ang _Dalagang Mármol_ ni nabago ang kanyáng mukhâ:
túlad na mistula sa _mármol ó hielo_; n~guni't marubdób ang pag-áalagà
niyá sa akin, at umaga't hápon ay hináhandugán akó n~g magaganda't
sariwàng bulaklák na pitás sa kanyáng marilág na halamanan.

Ganyáng talagá ang lahát n~g dalagang tagalog na nátatan~gi sa
kaniláng likás na kahinhinan at samantalang mahihirap mapasogót ay
lalò namáng nagliliyáb ang ating pag-ibig sa kanilá.

N~guni, ¡ay! Ang _hielo'y_ untî-untîng natutunaw ná at ang larawang
_mármol_, parang hiwagà'y nagkákaroón n~g búhay at kasiglahán at
nagiging mairugíng kasintahan n~g dî niyá námamatyagán man lamang.

Kaylán ma'y hindî ipinagtapát sa akin na iníibig niyá akó; n~guni't
isáng araw na akó'y dinalaw n~g m~ga pinunò n~g aming hukbó,
silásilá'y nagpápainamán n~g pag-garà kay Liwayway, at siyá, malayòng
lisanin ang gayón ay masayáng nakikipag-usap sa kanilá.

Ang ganitó'y sumúgat sa lalóng kalaliman n~g aking pusò, palibhasà
kaylán ma'y dî siyá nagpamalas sa akin n~g gayóng pagkatuwà. N~guni,
dî akó nagpahalatâ at gayón pa man, sa masíd ay parang ikinalilibáng
ko rin ang katuwàan nila.

Nang makaalis ang m~ga panauhin, lumapit sa akin si Liwaywáy upang
akó'y gamutín, n~guni sinabi ko sa kanyá n~g mabuti ang aking mukhâ at
sa lubós na paggalang, na magágamót ko náng magisá ang aking m~ga
súgat, pagkâ't akó'y malakás ná.

Siyá'y nagpumilit; n~guni't dî ko pinayagan.

--¿Sumukal ba ang inyóng loób sa akin?--ang tanóng niyá na aking
sinagot namán n~g:

Walâ akóng kapangyarihang magalit sa inyó, Liwayway; n~guni't
nakasúgat n~g malubhâ sa akin ang kasayahang isinalubong ninyó sa m~ga
binatàng pinunò, pagkâ't sa akin, kaylán ma'y dî mo pô náipakita ang
mahál ninyóng pagtawa.

--¡Nakú! ¿at dahil lámang diyán?

--¿Lámang ang sábi ninyó? Dapat mo póng mabatíd, Liwayway, na túnay
akóng nasaktan; at saksí ko ang Diós: ibig ko pang mamatáy n~gayón
din--ang náisigáw ko n~g dî na naaring ipagkunwarî pang itagò ang
aking dinaramdám.

--¿At kun akó na lamang ba ang inyóng patayín, yamang akó ang tan~ging
nagkasala?--ang mairog niyang tugón sa akin.

--¿At sino akong papatáy kun ganitóng walâng-walâ akóng kapangyarihan
sa inyó?

--¡Ah totoó n~gâ palá! Upang magkaroón n~g kapanyarihang iyán ay
tanggapin ninyó n~gayón ang marálitâng singsíng na itó: Siyá ang
inyóng kagatin at sa kanyá ibuntó ang inyóng malabis na gálit--ang
sinabi niyá at saká nagtawá.

Agád akóng nákaramdam n~g isáng katuwaáng hindî masáyod. Natulad akó
sa isáng bin~gíng nagkaroón n~g pakiníg ó sa bulág na biglâng
pinagsaulan n~g pani~gin. Hinabol ko upang hagkán ang _Dalagang
Mármol_ na karaka'y nagíng palabirô at kawiliwiling diwatà. N~guni't
dî ko ná siyá inábot at walâng naiwan sa akin kundî ang kanyáng
sinsíng.

Nang makalipas ang may isáng oras ay dinalhan akó ni Liwayway n~g
pagkain. N~guni, walâ na sa kanyáng maalindóg na mukhâ, ni bakás man
lamang n~g pagtawa kanina, at sinabi sa akin na parang galít:

--Kaylán man, huwág ninyó akóng pan~gán~gahasáng hagkán, at kun hindî,
tayó'y totohanang magkákagalit. Akíng ipinan~gan~gakò sa inyó at
kayó'y pináhihintulutang akó'y patayin kun márapatang umibig sa ibá.
At mulà n~gayó'y manahimik ka pô.

¡Ang katuwàan ko'y dî maipagsaysáy! Madaling sumulong ang aking
paggalíng, palibhasà, laging naaalalang akó'y _Coronel_ ná at
maidaragdág pang akó'y mag-aasawa sa lalóng magandáng diwatà na
nanggaling sa makapangyarihang kamáy n~g kábanalbanalang Lumikhà n~g
Sangkatauhan.

Datapuwa't matigás n~g kaunti ang úlo ni Liwayway. Aywan ko kun
sapagká't hindî pa nararatihan sa m~ga láyaw n~g pagibig, kayâ ang
nangyayari'y madalás kaming magkaroón n~g m~ga alitan; n~guni't
paglalòng mahigpit ang aming pagkakáalít ay lalò rin namáng humihigpít
ang m~ga buhól na nakatatali sa aming pagsisintahan; at bukód sa rito,
totoóng nápakatamis at dî masayod na kaluguran ang umáapaw sa aming
m~ga kalulwáng nagkakasintahan, pagkami'y kusàng nagkakahin~gian n~g
tawad.

Mangyari'y sa París akó lumakí at doón ko kinámihasnáng mákita ang
malayáng pagsisintahan na dî ikinúkubli at lalò pa ang ikahiya, at
siyáng totoó, na ang m~ga pagsisintahan ay isáng bagay na katutubo sa
babai't lalaki, kayâ dî ko mákita ang matwíd kun bakit ang gayó'y
ating ikahihiyâ.

Doó'y dî n~ga ikinahihiyâ ó itinatagò ang pagmamahalan n~g dalawáng
pusòng nagsisíntahan, at ang kadalasán, sa m~ga lansan~ga'y makikita
ninyóng naghahalikan ang isáng laláki't isáng babai, n~g sino ma'y
hindî nagtataká; pagkâ't doón, ang halik ay halos parang isáng
pagkakamáy lamang n~g dalawáng magkatotong nagmamahalan. N~guni, dito
sa boóng Kapilipinasan ay lubhâng nakamúmuhî ang iláng palakad sa m~ga
bagay na itó, pagkâ't ibinabawal n~g m~ga magulang sa m~ga anak nilang
dalaga ang pakikipag-usap n~g tungkól sa pag-ibig sa isáng laláking
may nasàng lumigaw.

At mayroón pang lubhâng pan~git na ináasal ang matatandâng babai,
paris n~g kun pinapagbabantáy sa gitnâ n~g isáng dalaga't bagong táong
nag-uusap ang isáng batà, upang huwag siláng makapagsalitâan n~g
tungkól sa pagsintá; gayóng isáng sulyáp lamang ay madalás pang
nagiging makabuluhán kaysá mahabàng pagsasaysáy n~g pag-ibig. ¿At anó
ang malimit mápalâ sa ganitô? Na, tinatamó n~g matatandâng babai sa
kaniláng kahigpítan ang huwág n~gâng makipag-usap n~g sa pag-ibig ang
anák na dalaga kun na sa haráp nilá; n~gunì, palibhasà ang m~ga bagay
na itó'y hindî maáarìng sansalàin kahit anóng gawín, kayâ pumapayag
tulóy ang dalaga na makipag-usap na mag-isá sa kanyáng mangliligaw n~g
sa m~ga hating gabí, at sa dilím, bagay na siyang madalás ikápahamak
n~g kapús-palad na babai, at sino ma'y walâng may kasalanan sa gayóng
katiwalîan kundî ang m~ga malî nating ugalì sa bagay na itó.

Isáng araw na akó'y nakikipag-usap sa isáng dalaga n~g m~ga bagay na
waláng kabuluhán, anó ba't napagitnâ sa amin ang isáng batàng laláki
upang mápakinggán ang aming salitâan; sa gayó'y agád akóng umalîs at
sinabi ko sa matandâng babaing may bahay na akó'y bábalik kun kaylán
mawalâ ang m~ga ugalìng nábabagay lamang sa m~ga igurót at hindî sa
m~ga táong mulát sa kabihasnán.

Ang _Dalagang Mármol_, kailan ma'y hindî nánalís sa m~ga halamanan n~g
kanyáng kawiliwiling bayan, kayâ namán parang ibong gúbat na mailáp.

--Dapwâ't alalahanin ninyó, bayani--ang giit ko--na ang m~ga ibong
gúbat ang siyáng lalòng masaráp kanin marin~gal masdán at siyáng
kahanapán n~g m~ga táo dahil sa kailapán nilá; paris din namán n~g
m~ga bun~gang kahoy na pag-masaráp ay mahirap kitàin, at sino man ay
ayaw kumain n~g pagkaing lamás.

--Siyáng totoó--ang sagót ni Pusò--n~gunì, ang ugalì ni Liwayway at
ugalì ko ay magkaibá: kami'y nagkásumáng at kun minsa'y
nagkákabanggâng kusà. Gayón man, untî-untî kong nahinayod sa kalakìhan
n~g aking pag-ibig. Siyá'y hindî na n~gayón yaóng _Dalagang Mármol_ ó
isáng halamang bundók na may lasang masakláp, kundî isáng bulaklák na
mainam at masamyó, ó isáng kalapating púnay na maamò na ulóg sa tamís
umibig.

N~guni, ¡oh sa abâ n~g aking sawîng kapalaran! Ang matandâng babaing
nag-áalagà sa kanyá ay nag-isip sa akin n~g masamâ; pará bagáng
mangyáyari na ang isáng lalaking nínibig n~g maálab at sa boóng
pagtatapát ay makagágáwâ n~g isâng gawîng hindî marapat ó isáng
kaliluhán sa kadakilàan n~g kanyá pa namáng sinásambá n~g taós sa
kalooban. Inakalà marahil n~g tampalasang matandà na akó'y kabílang
n~g m~ga ibáng táong kanyáng nákilala na may ugalìng magaspáng at
walâng dan~gál.

At, ang ginawâ'y itinákas si Liwáyway sa isáng bayang dî ko alám upang
ipakasál sa ibá. Pinagpilitan kong siyá'y hanapin, n~guni't dî ko
natagpûán, at alinsunod sa nábalitàán kó'y malayò ná ang kinaróroonán
at dî sasalang n~gayó'y kasál ná sa ibá, pagkâ't dî maáaring madalá
n~g matandâ si Liwayway n~g dî itó kasabwát sa pagtataksíl sa
kahabághabág kong pusò.

Dî rin namán akó makasunód sa kanyá sa totoóng malayò, palibhasà'y dî
ko maiwan ang aking m~ga kawal dahil sa kapansanang pakikilaban
araw-araw sa kaaway na dî kamí iníiwan magíng araw at gabí; at sa
wakás, aytó n~gâ akó't namámatáy.

Pinulasán n~g luhàng mapaít ang bayani, at sa gayó'y kinusà kong
liban~gín.

At sa ibáng sandalî, aní Pusò sa akin:

--Kun sa isáng pagkakataón at mátagpûán ninyó si Liwaywáy, ay sabihin
lamang sa kanyá na kahit siya'y naglilo sa akin ay pinatátawad ko rin
n~g dî nagbabago ang aking pag-ibig sa kanyá at akó'y pápanaw na
binábanggit ang kanyáng matamís na pan~galan. At kun inyóng máhalatàng
nakagigising ó mulîng nabubûhay sa larawang _mármol_ ang anománg
magiliw na pagtin~gin sa akin, anyayahan mo pô at siya'y tulun~gang
hukayin ang aking bangkáy at hanapin ang singsing ko, upang maisaoli.
Marahil kahit naging lupà ná ang aking kaabâabâng m~ga butó't lamán ay
sisigáw pa rin akó at sasabíhing:

--¡Liwaywáy, matamís kong Liwaywáy! ¡Alalahanin mo ang iyóng isinumpâ
sa akin, n~g ipagkaloób mo ang iyóng dî malilimot na singsíng, na,
anímo'y patayin kitá kun umibig sa ibá!

Mulîng naták na namán ang masakláp na luhà n~g kahabághabág na bayani
na waring ibig náng panawan n~g mahalagáng búhay, n~gunì't sa bisà n~g
_eter_ ay amin díng nahimasmasán pá.

Ang singsing na sinasabi ay gintòng linubid na wan~gis sa karaniwang
gamitin n~g m~ga dalagang Bulakán. Tiyák na sinasabing natataliàn n~g
m~ga diwatàng Bulakán ang pusò n~g kaniláng m~ga kasintahan, n~g sa
kailán ma'y dî na maáaring siràin, sa pamamagitan n~g singsíng na
iyáng linubid na sadyâ n~g tibay.

Tungkól kay Liwayway, naunawà ko sa hulí na ikinasál sa isáng
americano, alinsunod sa pahayag n~g isáng táong nakakita; at n~g
matapus ay nagsiyao raw silá sa isáng lalawigang malayò. N~guni,
ipinaglihim ko ang bagay na itó sa kapús-palad kong kaibigan.



V.


Isáng araw na akó'y nakikipagsalitâan kay Pusò na tila untî-untî náng
gumágaling, karaka'y naghiyawan ang m~ga táo na kamí'y linúlusob n~g
m~ga kábayuháng americano, at sunód dito ang isáng kasindák-sindák na
pútukan.

Agád-agád na inabót ni Pusò ang kanyáng _revolver_ at ang wikà sa
akin:

--¡Madali! Ilapit ninyó ang aking hinihigán sa tapát n~g bútas na iyón
n~g dinding at ikanlóng mo pô akó sa haligi. At, n~gayó'y dumating ná,
kapatíd ko, ang oras na aking maitátakal n~g mahál ang búhay na itóng
walâng kabuluhán. Aytó, itagò ninyó n~g boong in~gat ang tan~gi kong
hiyás, ang minúmutyâ kong sinsing, upang huwág maágaw sa akin n~g m~ga
kaaway. Isauli lamang kay Liwaywáy, sakalìng siyá'y matagpûán.

--Huwág na kayóng makilaban--ang amuki ko--mahál na katoto, pagkâ't
kayó'y malubhâ at matitiyák kong dî ka pô aanhin n~g m~ga kaaway sa
kalagayang iyán.

--Hindî maáari--ang mapusok na sagót sa akin--lahát n~g kawal na may
dan~gal, ay dapat mamatáy muna, bago sumukò sa kanyáng kalaban.
Tumakbó ka pô't aytó na silá.

Dî n~gâ naman nagkabulà at sa isáng kisáp-matá'y pinaputukán kamí n~g
m~ga americano at agád parang pinutakti ang aming bahay sa tamà n~g
punlô na lusót-lusutan sa lahat n~g dako. Itinulak akó ni Pusò at
siyá'y naláglagán n~g isáng paták na luhà sa pagiinit, n~g mákitang
ayaw ko siyáng iwan at anyá:

--Lumákad ka pô, kapatíd ko at iligtá ang singsing na lábis kong
minámahál.

Sa gayó'y tumakbó akóng dalá ang singsíng at kamuntî na akóng abútin
n~g isáng americanong kábayúhán, kundî n~g mákita ni Pusò na akó,y
hináhabol ay agád siyáng pinaputukán at noón di'y patáy na nahulog sa
kabayo ang americano.

Kinubkób n~g m~ga kaaway ang bahay na kinároroonán ni Pusò at n~g
akó'y makalayô na sa katamtamang agwát sa loób n~g isáng masukal na
tálahibán, ay nákita kong marami pang nápatáy si Pusò, palibhasà't may
mabuti siyáng panudlâ at sa bawa't punlô n~g kanyáng _revolver_ ay
isáng americanong patáy ó sugatáng malúbhâ ang kapalít.

N~gunì't sa wakás ay tinamàan naman siyá at nátanawán kong nahulog na
parang patáy.

Nang walâ náng sumásagót sa putók n~g m~ga americano ay dumaluhong na
silá't tinalón ang bahay at doón nákita si Pusò na walâng malay-táo,
n~gunì't huminhingá pa n~g kauntî.

Malakí ang pagkámanghâ at pagpuri n~g m~ga americano sa kanyáng
katapan~gan, palibhasà, gayóng butó't balát na lamang ay lumaban pa sa
lalòng kabayanihan.

Hinubarán si Pusò upang siyasatin ang kanyáng m~ga súgat at n~g
mákitang siya'y Coronel ay sinikap na linanggás n~g main~gat ang bago
at m~ga dáti niyáng súgat at sakà ginamót.

Sa liblíb na aking kinátatagùan ay nagdaán ang dalawáng makabebe na
kasama n~g m~ga americano, at aking nápakinggán sa kanilá ang
sumúsunód na salitân.

UNANG MAKABEBE:--Itó ang "nunò" n~g tápang. ¿Sino ang mag-áakalàng,
makamatáy pa n~g walóng americano, ang Coronel na itóng halos ay
naghíhin~galô na lamang?

IKALAWÁNG MAKABEBE:--Sinasabi n~g americanong manggagámot na kun sa
m~ga súgat daw lamang uy maáari pa siyáng mabúhay, pagkâ't ang punlô'y
hindî naman nakasirà n~g m~ga sangkáp na mahahalagá sa loób n~g
katawán; n~guni, may kahirapan daw siyáng iligtás dahil sa lubhâng
kakulan~gan n~g dugô, kayâ nawáwalâ tulóy ang pag-asa dahil sa
kahinàan n~g katawán.

Inakalà kong nákaramdám mandín ang m~ga makabebe na may táo sa aking
kinalalagyáng liblíb, kayâ agád akóng tumalilís at nagtatakbó n~g
walâng tígil, hanggan sa isáng náyong malapit sa Baluarte; at matápus
ang walâng lagót na takbó ay dumatíng akó sa Gapáng kinabukasan,
n~guni't patay na halos sa pagkagútom, sa pagkasindák at sa
pagkapágod.

Tumawag akó sa unang bahay na aking natagpûán at magiliw namán akóng
tinanggáp n~g málaman nilá ang nangyari sa akin, na nakatákas lamang
akó sa m~ga americano. Bahagyâ na akóng makapagsalitâ dalá n~g
malaking panghihinà at ni ang pan~galan n~g bayani't matapang na Pusò
ay di ko ná nábanggit man lamang.

Isáng matandâng babai na nag-n~gan~galang Edeng na lagìng may púgong
na pañô sa úlo, paris n~g ugaling kataglayan n~g matatandâng babai sa
lupàing itó, ang siyáng nan~gan~ga siwà sa aking pagkain at sa ilán
pang m~ga kailan~gan; n~guni't kun minsán, akó'y nayáyamót sa
matandâng itó dahil sa tuwî náng káu-usisà sa akin n~g tungkól sa m~ga
balità n~g labanán; at lahát halos n~g m~ga pinunò ay itinátanóng sa
akin kun saán dapat mákita. Akó namán na talagáng mayayamutin ay agad
sumásagót na walâ akóng nalalaman at lalò ko pang sinásadyâ, pagkâ't
kun minsan ay hinihinalà kong bakâ isáng tiktík n~g m~ga americano.
Pagkatapus n~g m~ga iláng tanóng niyá sa akin, tuwî na'y nahuhulog sa
pagsisiyasat n~g kun saán pumuntá ang m~ga kawal n~g balitàng si Pusò.
At sinásagót ko naman n~g: "Aywán."

Sa gayó'y tumútugón ang matandâng Edeng na anyá'y:

--Parang linamon n~g lupà si Pusò; marahîl ay namatáy ná, kayà walâ
náng mábalità sa kanyá, pagkâ't noóng siyá'y buháy, araw-araw ay
napag-úusapan ang mahigpît niyáng panglulusob sa m~ga pulutóng n~g
kaaway.

--Aywán kó pô, aywan ko--ang lagi kong sagót. At sa sarili ko'y
nasasabing:

--Datihan ang tiktík na itó. Marahil ay makaligtás sa pagkálibing n~g
buháy.

Isáng araw ay isinoót ko ang singsing n~g aking katoto at bahagyâ pa
lamang namasdán ni matatandang Edeng ay hinawakang nan~gán~gatál ang
aking kamáy, tiningnáng mabuti ang singsing at nápaiyák. Akó'y nagtaká
at aking tinanóng:

--¿Bakit pô?

--¡Taksíl na táo!--ang sagot na humahagulgól--Ikáw pô palá ang pumatáy
sa kulang palad kong si Pusò at n~gayó'y nagkukunwarî pa kayóng waláng
namamalayan sa kanyá. Sábi ko na n~ga ba't sa mulâ pa'y kumúkutób na
sa aking loób na ang táong itó'y may kinalaman kay Pusò ko.

--Ikáw pô ba'y anó ni Coronel Pusò? ¿Kayó pô ba'y ina sakali?

--Opò. Kayâ n~gâ ipinamámanhík ko sa inyóng sabihin lamang agád sa
akin ang nangyari sa hirang kong bunsô.

--Totoó't kinusà ko pô ang pa-ewan sa inyo pagkâ't hinihinalà kong
kayó'y isáng tiktík n~g m~ga americano; alám na ninyóng kun minsán ay
m~ga babai ang ginágamit nilá sa tungkuling itó, at si Pusò'y para
kong kapatid, katunayan, n~g kamí'y maghiwaláy at n~g siyá'y humándâ
sa pakikilaban n~g walâ anománg pag-asàng mabúhay pa, ibinigáy sa akin
ang kanyáng pinakamúmutyâng singsíng upang isaulì ko sa may ari.

--¿Siyá pô ba'y buháy pa ó patáy ná?

--Dî ko pô masabi, pagkâ't dinampót na parang patáy n~g m~ga
americano; n~guni't n~g matapus ay sinasabi niláng alinsunod sa
manggagámot, kun dahil daw lamang sa kanyáng m~ga súgat ay maáari pang
mabúhay, palibhasà't hindî sumirà n~g m~ga bahaging maselan sa loób
n~g katawán; n~guni't na sa kahangganan daw ang kanyáng panghihiná.

--¿At saán naroón n~gayón?

--Iniwan ko pô sa dákong Sibul na ináalagàan n~g m~ga americanong
nakábihag sa kanyá.

--Kun gayó'y ibigáy na ninyó sa akin ang singsíng.

--Patawarin mo pô akô. Mahigpit na lubhâ ang bilin sa akin at kahit
kayó ang kanyáng iná'y dî ko pô maipagkakaloób sa inyó, kundî sa
túnay na may ari; at siyá ma'y kinakailan~gang sabihin muna sa akin
ang pagkákakilanlán.

--¿At anó ang palátandâan?

--Sa pan~galan niyá. Hanggá n~gayón, akó'y inyóng patatawarin, hindî
pa lubós ang paniwalà ko sa inyó; akó'y iyó pong náhuli sa biglâan at
dahil lamang sa pagkatutóp kayâ nagsabi sa inyó n~g totoó.

--Huwag kayóng mag-isip sa akin n~g masamâ--ang sagót n~g nahahapis na
matandâ. Ang pan~galang inyóng hinahanap ay ... ¡Liwaywáy!

--¡Iyán n~ga pô!

--¡LIWAYWAY! Iyán ang naging kapahamakán n~g aking kulang palad na
anák.

--¡Totoó n~gà pô! At kundî dahil sa kanyá ay dî hinanap ni Pusò sa
lubós na kawalâng pag-asa ang kamatayan sa parang n~g labanán. Tila pô
parating siyá'y nagpápatiwakál ... Súkat na pô. Kung túnay na kayó ang
iná n~g Coronel ay dî dapat siyasatin pang lahát ang lihim n~g aking
kaibigan, upang huwág ka pông malunod sa kadalamhatian ... ¡Liwayway!
¡Oh, walâng awàng Liwayway!

At, nagkahalò ang aming luhà n~g kapús-palad na iná.



VI.


Nang mahimásmasán ang aming m~ga pag-iyák ay sinabi sa akin ni
matandâng Edeng:

--Súkat ná, mahál kong anák; akó'y mayroóng kauntîng salapî na ating
mábabaon. Ating hanapin si Pusò at siyá'y alagàan upang mabúhay pa kun
itutulot n~g maawàing Maykapál. Kun sa m~ga americano lamang natin
siya iáasa ay mahirap, pagkâ't marami rin namán siláng gagawàing
ináatupag.

--Tayo na pô--aní ko.

At matapus ihandâ ang kauntîng abúbot na aming dadalhín ay lumakad
kamí.

Nang may isáng linggó na kamíng naglálakád ay natagpúan din namin si
Pusò sa isáng bahay-gamútan sa Maynilà. Ipinakilala ko sa m~ga
americano na si matandàng Edeng ay siyáng iná n~g Coronel at hinilíng
naming ipahintulot nilá na aming maalagàan si Pusò doón din sa
báhay-gamútang yaón; bagay na ipinayag namang malwág n~g m~ga
americano, at hanggan sa kami'y binigyán pa n~g mátutulugan at
pagkain, n~g maunawàng kamí'y nanggaling sa malayòng bayan.

Si Pusò'y hindî pa nakakákilala n~g táo; nahihibáng at madalás
mábanggít ang n~galan ni Liwaywáy ó ang n~galan ko; n~guni't isáng
bagay na kaibá: kaylán ma'y hindî nábanggít ang sa kanyáng iná.

Ang malápot na sabáw n~g m~ga americano at ang bisàng tambin~gan n~g
kaniláng m~ga gamót; ay madalîng tumaláb sa m~ga sangkáp n~g katawán
ni Pusò; at dî nagluwát ay pinagsaulan siyá n~g isip. Dî siyá nágúlat
n~g akó'y mákita pagkâ't akalà niyá marahil ay dî kamí nagkákahiwaláy
at hindî siyá bihag n~g m~ga americano.

Ang kanyáng iná'y dî napakikita at kun natútulog lamang si Coronel
Pusò sakâ lumálapit upang huwág daw mabiglâ sa pagkatuwâ.

N~guni, isáng gabí, n~g mákita kong dî ná makikilos ang kanyáng
paggaling at ligtás ná ang kalagayan, sinabi kong dumating ang kanyang
iná.

Si Pusò'y nag-alan~gan sa una at sakâ nagsalità n~g lubhâng malakí ang
pagtataká:

--¿Anó ang sinabi ninyó katoto? Walâ akóng iná ni amá at matagál náng
panahóng akó'y naulila. ¿Nanánaginip kayâ akó?

--Hindî, katoto; nariyán sa labás ang matandáng Edeng na nagsasabing
ikáw pô'y kanyáng anák; at lubós nagdadalamhati dahil sa ginawà sa
inyó ni Liwayway, n~guni't n~gayó'y walâng pagkásiyahán ang tuwâ dahil
sa inyóng paggalíng.

--¿Edeng? ... Hindî ko man lamang naáalala ang pan~galang iyán.

--Dî maáari. Siyá ang nagpumilit na kami'y parito't kayó'y paghanapin;
siyá ang nagdúkot sa lahát n~g gugol n~g aming paglalakbáy at sa
mulâ-mulâ pa'y siyá na rin ang aking kasama't katulong sa pag-aalagà
sa inyó.

--¡Malakíng kababalaghán ó pagkahibáng ang ganitó! ¿At bakit siyá'y dî
ko nákita minsán man lamang?

--Pagkâ't kusàng nagtatagò pag-kayó'y gisíng upang anyá'y huwág kayóng
mabinat sa biglâng pagkatuwâ; n~guni't siyá ang nag-iinit at
naghahándâ n~g inyóng m~ga gamót at naglilinis n~g inyóng m~ga damít;
at kun kayó'y natútulog ay siyá ang nagpúpuyát sa inyóng siping n~g dî
ináalis sa iyó pông mukhâ ang kanyâng m~ga matá, matáng lagì na'y
dinadaluyan n~g masaganáng luhà nóong kayó'y malubhâ.

--¿Iyán ba'y birò ó totoó?

--Kaylán ma'y dî akó nan~gahás bumirò sa inyó.

--¿Bakà kayâ si Liwaywáy!

--- Hindî mangyayari pagkâ't siyá'y isáng matandâng húhukót-hukót ná at
dî pansín kun minsán ang maglinis n~g sariling katawán.

--Si Liwayway ay batàng-batà at salamín sa pagkamalinis.

--Hindî n~gâ maáaaring siyá'y si Liwayway, pagkâ't kun akó'y
natátanóng at sinásaysay ko naman ang madlâ ninyóng sinabi sa akin
tungkól sa inyóng m~ga pag-ibig kay Liwayway, ay sinusumpâ niyá sa
matindíng pagdaramdám ang kataksilán n~g _Dalagang Mármol_....

--¿At ang singsíng?

--Na sa akin. Hinihin~gî n~gâ n~g matandâ n~guni't dî ko ibinigay.

--¿Nahíhibáng kayâ akó, oh, Dios ko? ¿Sino kayâ ang matandâng Edeng na
iyán? Marahil, isáng kamag-ának kong totoóng malayò. Inyó na n~gâng
papasukin.

At pinaroonán ko't tinawag naman si matandâng Edeng.

--¿Dî kayâ mabinat kun akó'y biglâ niyáng mákita?--ang tanóng'sa akin
n~g matandâ, sa lubós na pagmamasakit.

--Hindî pô--aní ko--pagkâ't tila malakás pa kay sa akin.

Nások kamíng magkasama. At si Pusò, dalá marahil n~g kanyáng
panghihinà pa, ó panglalabò n~g ilaw ó n~g malabis niyáng pagtataká ay
dî nákilala sa sandalìng iyón si matandâng Edeng, kayà anya:

--¡Kaawà-awàng matandâ! Marahil ay napagkámalán ninyó akó, pagkâ't
matagál náng panahóng namatáy ang aking iná at dî ko man lamang kayó
nakikilala. Gayón man, mulá n~gáyó'y paparahin ko kayóng túnay na iná,
alang-alang sa mairog na pag-aalagàng ginawâ ninyó sa akin, at salamat
sa gayón, akó'y mulîng nabúhay. Kun sakali't kayó'y nakaranas n~g
kakulan~gang palad na mawalán n~g anák, ay magíng akó na pô ang
mákapalít at maáasahan ninyón~g ang boóng búhay kó't wagás na pagganti
at lubós ihahandóg sa inyó.

--Hindî akó kulang-pálad, kundî nápakamapalad n~g mákita kitang mabuti
ná! Gayón din, hindî akó námamali. Makiníg ka, irog kong anák;

Isáng dalagang kulang-palad ay pinagtulun~gang inagaw n~g kanyáng m~ga
kamag-ának, sa lalaking kasintaha't katipán. Dinalá sa malayò at doó'y
pinilit ipakasal sa isáng americano. Ang dalaga'y nag kunwarîng umayon
at na pakasal n~gâ dilì ang hindî, n~guni't mulâ rin doón sa Simbahan
ay tumanan siyáng patun~go sa bulubundukin, upang hanapin ang dati't
túnay niyang kasintahan; at n~g huwág siyáng malapastan~gan n~g m~ga
lalaki ay naglagáy sa ulo n~g úban at nanamit n~g tulad sa isáng
gusgusing matandâ. Ang dalagang iyán ay ... ¡náitó n~gayón!

Pagkasabi nitó'y agád inalís ang kanyáng balát-kayông úban at
ipinakilala ná ang túnay na taginting n~g kanyáng tinig, pinahiran ang
marun~gis na mukhâ at daglî n~gâ namang lumitaw ang luníngníng n~g
bukáng liwaywáy na maipaparis lamang sa sumilang noóng lalan~gin ang
Sangsinukob at n~g lumitáw ang kauná-unahang liwanag.

Nápasigáw si Pusò sa katwâán at namamanghâng idinídipá ang m~ga kamáy
ay nagsalitá n~g pabuntóng hinin~gá:

--¡Liwaywáy, Liwaywáy kong hirang!

Sumapiling naman agad si Liwaywáy at magiliw niyáng hinagkán sa bibig,
bago silá nagyákap n~g mahigpít, samantalang inuúlit-úlit n~g
_Dalagang Mármol_ ang anyá'y:

--¡AKÓ'Y IYÓ'T IYÓ RÍN _at iyóng iyó kailán man!_

Magiliw na nagkahaló ang kaniláng m~ga luhà at aní Pusò n~g
makalipas ang sandalî:

--¡Malungkót na kapalaran ang akin! ¡Hindî ná maáarìng kamtán kitá kun
ganyáng ikáw ay kasál ná sa ibá!

Mulìng hinagkán ni Liwaywáy si Pusò at magiliw niyáng sinabi ang
anya'y:

--¡Gumalíng ka nawà agád, dakilàng bayani n~g katagalugan! Kun tungkol
sa akin, _akó'y iyó't iyó rin_, mangyari ang mangyayari, pagkâ't
dî maáaring pag-asawahin ang isáng _baka_ sa isang _kalabáw_....
Kahit akó'y patayín, hindîng-hindî akó makasásama sa asawang ipinilit
sa akin.

--Huwág kang man~garap, kahabághabág kong Liwaywáy pagkâ't siyá'y iyó
náng asawa at dî maáaring pawiin pá ang náisulat ná.

--Anóng náisulat ang sinasabi mo?--ang pagalít na sagót ni Liwaywáy.

--Ang iyóng pag-aasawa at ang batás na nag-uutos na dapat sumama ang
babai sa kanyáng asawa,

¡Ang batás!--ani Liwaywáy sa lubós na katigasáng loób.

--Ang batás na pawàng gawâ lamang n~g m~ga tao ay dî umáabót ni
mangyayaring makahadláng sa dalawáng pusò na pinagtalì n~g pag-ibig.
Ang mahalagang pag-ibig na itó ay siya lamang tan~ging makapaghahari
sa daláwáng pusòng nagkakasintahan n~g mataós.

--Pawàng matatamís ang iyóng ipinan~gun~gusap, búhay kó, datapwâ't dî
na makakalág ang pinagtalì sa "bendición" n~g parè.

--¿Anóng muwáng n~g parè? Ang Lumikhâ lamang ang nakatatalós sa
kalooban n~g m~ga táo, kayâ naman sa dalawáng pusòng nagmamahalan
tan~ging ipinagkakaloób lamang ang mahál n~g pagpapalà.

--Talagáng tayo'y ipinan~ganák na kulang palad, pagkâ't dî maáari ang
lahát mong tinuran. Dî sásalang parurusahan ka pa, kahabághabág na
sintá ko! ... Dî mo n~gâ maíiwan ang iyóng asawa at pípilitin ka n~g
may kapangyarihang makisama sa kanyá pagdatíng n~g oras.

--Magpápatiwakál namán akó bago kitá iwan. ¡Itó'y asahan mo!

--Huwág ná Liwaywáy, Limutin mo ná akó, at upang maging kaaliwan mo'y
súkat ang málamang akó sa iyó'y lubós kumíkilala n~g malakíng utang na
loób; at n~gayó'y mamámatáy akó sa gitnâ n~g lalòng dî masayod na
kaginhawahan, dahil sa pagkaalam kong iníibig mo pa akó hanggang
dito ...

Nagyakap siláng kapwâ niniyák na dî mátutuhan ang maghiwaláy; pará
bagáng dî na silá muli pang magkíkita.



VII.


Nang sandalîng yaó'y nagkátaóng pumasok ang manggagamot na americano
upang dalawin si Pusò, at n~g mákita ang dalawáng magkasintahang
nagkakáyakap n~g mahigpít at halos pigtâ sa luhà ay nagsalità n~g
ganitó:

--Hindî pa náuukol sa inyó, ginoóng Coronel, ang magbatá n~g
malalakíng dalamhati. Bakà kayó'y mabínat. At bukód sa rito, kayó, na
labis napupuri dahil sa katapan~gan sa m~ga pakikilaban, tila pan~git
sa inyó ang umiyák na parang isáng mararamdaming binibini.

--¡Ay, giliw kong Doctor na sa dunong mo pô'y náligtás akó sa
kamatayan!--- aní Pusò--kun iyó pô lamang mabábatíd ang malakíng
sakunâng nangyari sa akin. ¡ah! makálilibong mapaít kaysá kamatayan!

--Alám ná ninyó mahál na Coronel ang túnay na pagtin~gin ko sa inyó;
at kung ipinálalagáy mo pông akó'y parang kapatíd, ay sabihin sa akin
ang inyóng m~ga ikinahahapis n~g kayó'y madamayan at malunusan kun
maáari.

--Huwág na pô, Doctor, pagkâ't makasásamà pa sa kulang palad na
babaing itó.

--¿At bakit dî natin sabihin sa kanyá?--ang giít ni Liwayway--Ang
Doctor na itó'y ayos mabuting táo at may ugaling mahál. May masamâng
americano at may mabuti namán. At sabihin n~gâ ninyó, Doctor, ¿maáari
bang ipílit ang katuparan n~g isáng pag-aasawang dinaán lamang sa
gahasà ang babai?

--Hindî--ang sagót n~g Doctor--Ipaunawà ninyó sa akin ang nangyari at
akó ang bahalà.

Isinaysáy ni Liwaywáy ang lahát n~g nangyari at ganitó ang sagót n~g
Doctor.

--Manahimik kayó at manalig na makakalás ang lahát. Búkas ay
makikipagkita akó sa aming General upang ipabatíd ang bagay na itó.

--Libong salamat, dakilàng Doctor--ang panabáy na sagót n~g
kaawà-awàng magkasintahan--maging bibig _angel_ nawâ kayó na siyáng
tumangkilik sa aming salantâng pusò.

       *       *       *       *       *

Nang makalampás ang isáng linggó ay nagbalík ang Doctor at sinabi kay
Coronel Pusò:

--Maibábalità ko sa inyó na ipinatawag n~g General naming americano
ang nagíng asawa ni Liwayway patí n~g kanyáng m~ga kamag-ának at
silá'y tinanóng kun totoó n~gâng si Liwayway ay pinilit lamang sa
pag-aasawa, gaya n~g lumálabás na katunayan sa pangyayaring tumanan
siyá agad upang sumama sa isáng Coronel na tagalog na kanyáng dating
katipán. Aywán ko kun anó ang kaniláng isinagót, at n~gayón n~gâ'y
ipinatatawag kayó, pagkâ't sinabi kong ikáw pó'y mabuti ná, giliw na
Coronel.

--Tayo na pô, matalinong Doctor--ani Pusò.

At agad siláng naparoón sa bahay n~g General americano na kasama si
Liwaywáy.

Nang dumating silá sa tanggapan n~g nasabing General, ay dinatnán nilá
roón ang maraming kapús-palad na m~ga babaing tagalog at _kinastilà_
(mestiza) na nagsísidaíng at nagsisiiyák n~g gayón na lamang.

Kami pô--ang hinakdál n~g m~ga babai--ay nagsipag-asawa sa m~ga kawal
americano't aytó dalá namin ang m~ga katibayan n~g pagkákasál;
n~guni't n~gayó'y kusà kaming iniwan at súkat.

At naghagulgulan silá n~g katakot-takot na gayón na lamang ang naging
in~gay.

Di málaman n~g General americano ang kanyáng gagawín at walâng
isinásagót kundî:

--Huwág kayóng man~gambá, m~ga aling kuwán, pagká't kun kayó'y iniwan
n~g ilán, ay mayroón pa akó ritong ibáng m~ga kawal at mahigit sa libo
ang inyóng mapagpípilian sa m~ga mapuputî at maiitím.

--¡Nakú, ginoóng General!--ang sabáysabayang sigáw nilá--¿At sino pô
ang magpápakain sa aming m~ga "boys" ó sanggól na may maitím na parang
_cafeng_ may gátas at mayroón namang maputîng parang labanós?

--¡Abá! ¿anó ang kasalanan ko sa ganyáng nangyari?--ang magiliw na
sagót n~g General--Kayó ang hahanap at n~gayó'y akó ang pagbabayarin
n~g inyóng m~ga pinggáng baság.

--Hindî pô kamí--aní n~g m~ga babai--ang humanap sa kanilá, kundî ang
inyóng m~ga kawal at silá ang kunwari'y nanuyò upang basagin lamang
palá ang aming man~ga pinggán.

--Hindî lamang iyán--ang dugtóng n~g isáng nagn~gan~galang
Tinay--kundî dinalá pa n~g demoniong asawa ko ang lahát n~g aking
pan~gan~gari.

--Kun gayón, ¿anó pông saysáy n~g kasulatang itó sa pagaasawa na
ibinigáy sa amin?--ang tanóng n~g isáng nagn~gan~galang Delang.

--¡Oh, m~ga aling kuwán!--ang pan~gitî't malamig na sagót n~g
General--iyá'y isáng papel na basâ....

--¿Bakit pô papel na basâ--ang tutol n~g matandàng Ganguê, at sa boóng
kawalán na yatá n~g pag-aasa anya:--Miyák kayó m~ga kababai kong
kulang-palad at paabutin sa lan~git ang sigaw, m~ga inang kahabághabág
at m~ga batàng kulót na makapál ang labì't n~gusòng parang demonio,
upang maawà sa inyó ang nalalamigáng General na itó.

N~g márinig ito at pasimulán ang matindíng hiyawan sa m~ga paglun~goy
at pagdaíng, lahát ay nagkasabáysabáy at parang m~ga insík na
pinagnakawan sa in~gay.



VIII.


Nang sandalîng itó kamí dumatíng. At n~g mákita kamí n~g General ay
nagdumalî sa mapítagang pagtanggáp sa amin at matapus na kami'y
handugán n~g úpuan at paalisín ang m~ga babae ay nagsalitâ:

Mabunyíng Coronel Pusò--anyâ--pinupuri naming lahát ang iyó pong dî
karaniwang katapan~gan sa pagtatanggól n~g inyóng bayan. Ganyán ang
dapat alagataín n~g lahát n~g lalaking may dan~gál. N~gunì't kayó'y
aming nalúpig dahil sa kabutihan at kasaganàan n~g aming m~gá
nágagamit sa labanán. Gayón man, kami'y hindî naparito upang agawin
ang inyóng m~ga lupàín at kayó'y alipinin. Naparito kamí upang kayó'y
turúan at tulun~gang ihandâ ang inyóng bayan sa ganáp na pagsasarilí
at sa gayó'y itutulong naman namin ang madlâng karunun~gan at
kayamanan n~g América, upang magíng maayos ang inyóng bayan at upang
kayó'y magkaroón n~g m~ga Páaraláng ulirán, treng matutulin, m~ga
tuláy na bakal, m~ga bagong máquina sa pagbubukid at ibá pang m~ga
dàkilâng paraán upang ibunsód ang pagkasulong n~g inyóng bayan.

Tungkól sa inyó, alam mo pô na kayó'y nabihag at mulíng nabúhay dahil
lamang sa aming m~ga pag-iin~gat. At dahil dito, n~gayó'y hiníhiling
ko sa inyó na kamí'y tulun~gan naman n~g pagpayapà sa iyó pông bayan
at kayó'y manumpâ tulóy n~g pagsukò at pagpapakumbabâ sa America.

--Minábuti ko pô ang lahát n~g inyóng ipinahayag--ang sagót ni
Pusò--n~gunì, dî akó makapanúnumpâ n~g pagsukò at pagpapakumbabâ,
kundî isáng tapát na pakikipagkilala lamang sa America, kun totoó n~gà
ang sinabi mo pô na ang ipinarito ninyó'y upang kamí'y tulun~gan
lamang na makapagsarili pagdating n~g panahón.

--Karapatdapat ang iyó pông sagót, matapang na bayani. Tinátanggáp ko
ang inyóng panunumpâ n~g pakikipag-ibigan sa America; at mulâ n~gayó'y
makalalayà na kayó't makaparoroón kun saán ibig.

--Pinasasalamatan ko kayó n~g taós sa kalooban; n~gunì, ¿anó ang
ipasisiyá mo pô sa kahabaghabág kong kasintahan na pinílit ikasál sa
isáng americano?

¿Dî ba ninyó námasdan n~gayón lamang na ang pag-aasawa n~g m~ga
americano sa babaing tagalog ay nagiging parang sulat insík lamang at
sa wakás ay iníiwa't súkat ang m~ga kulang palad na filipina,
pagkatapus na masunód ang kanilang han~gád? Gayón din ang kasál ni
Liwayway sa americano, pagkâ't siyá'y pinílit lamang. Bukód sa rito,
ang americanong naging asawa ni Liwayway ay nahihiyâ náng pumisan pa
sa kanyá n~g malamang siyá'y sa inyó nakisama. Kung ibig mo pô n~gayón
di'y ikakasál kayó n~g General Preboste.

--Opò--ang sabáy na sagót n~g magkasintahan--n~guni't kami pô'y
nábibilang sa m~ga alagád n~g Simbahan Tagalóg, kayà ibig naming
kami'y ikasál n~g amin díng túnay na pari.

--Lalòng mabuti. N~gayón di'y padádalhán ko n~g isáng magalang na
paanyaya ang Kgg. P. Aglipay, Vicario General Castrense n~g
Katagalu~gan at nais akó na sana ang magíng ináama n~g balitàng
Coronel na tagalog at n~g magandáng filipina na magiging ulirán n~g
m~ga babai sa pagkamatimtimang umibig.

       *       *       *       *       *

Dî lumipas ang isáng oras at dumating ang kátaás-taásang Pinunò n~g
m~ga Paring tágalog, at sa harap n~g maraming pinunòng americano'y
ikinasál si Coronel Pusò kay Liwaywáy, na nakasísilaw sa kanyáng
kahinhinán at kagandahan.

Sa wakás n~g kasál ay sinabi n~g General americano:

--Mabúhay nawâ kayó n~g mahabàng panahón sa lubós na katahimikan at
kasyaháng loób, at nais ko na ang inyóng mataós na pagmamahala'y
magbun~ga n~g m~ga batàng pawàng mababaít at masintahin sa tinubùang
lupà. At n~gayón, parang muntîng handóg ko sa pagka-ináamá, ay
ipinamámanhík, dakilang Coronel Pusò, sa tanggapin ang katun~gkulang
pagkapinunò (Gobernador) sa lalawigan ng _Kabuláklakán_, upang ikaw pô
namá'y makapaglingkód sa ikapapayapà n~g inyo ring bayan.

Tinanggap ni Pusò sa lubós na pagkilala n~g útang na loób; at siláng
mag-asawa'y nabúhay sa lalông wagás na pag-iibigan at sa lubós na
pagkakasundô; at sa ilinakad n~g panahón ay nagkaroón silá n~g tatlóng
anák na nagíng makabuluhán at ikinádan~gál n~g lalawigang
_Kabuláklakán_.

At ang singsíng na linubid ay siyáng nagíng buhól upang paglakipin ang
dalawáng pusóng ulirán sa pagsisintahan at sa pagmamáhalan.--WAKÁS.

       *       *       *       *       *

Kay Liwayway


Pepitâng himala sa bayang Baliwag,
sa m~ga tuwa mo't lungkot na masakláp
alalahanin mo sa iyó'y pagsintáng matimyás
n~g tan~ging sa iyó'y umibig n~g ganáp.

Edeng maligaya, m~ga salitaang
sa ati'y naghain sayáng kalan~gitan,
ang ating titigáng sagana sa lamán
di na mangyayaring muli nating kamtan.

Pagsintá'y dalisay, walang kahulilip,
libolibong mundo, búhay sampung lan~git
sa iyó'y handóg ko sa pagpupumilit
na patotohanan ang aking pag-ibig.

Iníinís yaring abang kaluluwa
panahóng nagdaán kun máala-ala;
lalong nagdaragdag n~g matindíng dusa,
n~gay'oy di na akin ang iyóng pagsintá.

Tugón mong mahigpít--"Ako ay iyó rín,
sakali't maglilo'y buhay ko'y amisín.
¡Wala nang pipitás sa aking paggiliw
yamang áalis ka ... ¡Oh, palad kong iríng!"

Ay anóng kadali at nagbago ikaw
sa aking pagsintáng magandang Liwayway,
ikaw rin ang giliw, panagimpa'y ikáw
m~ga pan~gako mo'y pag-asa ko'y túnay.


[Patalastas: Pamilihan ni Yangco]

[Patalastas: Germinal]





*** End of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Ang Singsing nang Dalagang Marmol" ***

Doctrine Publishing Corporation provides digitized public domain materials.
Public domain books belong to the public and we are merely their custodians.
This effort is time consuming and expensive, so in order to keep providing
this resource, we have taken steps to prevent abuse by commercial parties,
including placing technical restrictions on automated querying.

We also ask that you:

+ Make non-commercial use of the files We designed Doctrine Publishing
Corporation's ISYS search for use by individuals, and we request that you
use these files for personal, non-commercial purposes.

+ Refrain from automated querying Do not send automated queries of any sort
to Doctrine Publishing's system: If you are conducting research on machine
translation, optical character recognition or other areas where access to a
large amount of text is helpful, please contact us. We encourage the use of
public domain materials for these purposes and may be able to help.

+ Keep it legal -  Whatever your use, remember that you are responsible for
ensuring that what you are doing is legal. Do not assume that just because
we believe a book is in the public domain for users in the United States,
that the work is also in the public domain for users in other countries.
Whether a book is still in copyright varies from country to country, and we
can't offer guidance on whether any specific use of any specific book is
allowed. Please do not assume that a book's appearance in Doctrine Publishing
ISYS search  means it can be used in any manner anywhere in the world.
Copyright infringement liability can be quite severe.

About ISYS® Search Software
Established in 1988, ISYS Search Software is a global supplier of enterprise
search solutions for business and government.  The company's award-winning
software suite offers a broad range of search, navigation and discovery
solutions for desktop search, intranet search, SharePoint search and embedded
search applications.  ISYS has been deployed by thousands of organizations
operating in a variety of industries, including government, legal, law
enforcement, financial services, healthcare and recruitment.



Home