Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Si Rizal at ang mga Diwata - Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto
Author: Sevilla, Jose N., 1880-1946
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.


*** Start of this LibraryBlog Digital Book "Si Rizal at ang mga Diwata - Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto" ***


[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]


[Patalastas Manuel de Leos/Libreria de R. Martinez]


=Si Rizal at ang mga Diwata=

=_(ZARZUELANG TAGALOG NA MAY DALAWANG YUGTO)_=

TUGTUGIN NG

=Gurong Manuel Lopez=

AT TITIK NI

Jose N. Sevilla

(Unang Pagkalimbag)

MAYNILA, 1913.

Imp SEVILLA, Ilaya 601 Tondo, Manila.



[Larawan: Dr. José Rizal y Mercado]


_Dr. José Rizal y Mercado_

_Ala-ala sa dakilang Bayani, bilang pamimintuho sa kanyang mga banal
na mithiin._

=Ang Kumatha=



MGA TAONG GAGANAP

Rizal 14 na taon
Filipinas
Anangki
Sakim
Ingit
Minerva
Panahon

Mga Diwata Kagandahan
           Karangalan, Kasayahan at
           Kayamanan

Coro Ng Kabataan
        Kabinataan
        Mga Panganay

TAGUBILIN:

Ipinagbabawal ang pagtatanghal na walang pahintulot ng Gurong si G.
Manuel Lopez at ng Kumatha.



=SI RIZAL AT ANG MGA DIWATA=

=_UNANG YUGTO_=


_Sa kabilang dako ng tanawin ay kakahuyan at bundukin at sa kabilang
dako'y bahagi ng dagat BAY._

_Isang bangkang lunday ang nakapugal na bay-bayin._

=_Lalabas ang Coro ng Kabataan na boong lugad na nagaawit._=



I TUGMA


_AWITIN_

(Lahat)          Tayo na't magpaliguan
                 Dito sa dagat na tabang
                 Tubig niya'y sakdal linaw
                 Anong sarap! Anong inam!

(Lalaki)         Banka'y atin nang ibunsod
                 At sabayan ng pag-gaod
                 Kapit kayo't mahuhulog
                 Mahirap na ang malunod.

(Babai)          Anong sarap na aliwan
                 Ng mamangka sa dagatan
                 Huwag kayong magagalaw
                 Ang bangka ay gumigiwang.

(Lahat)          Tayo na't maglusungan
                 Sa tubig na sakdal linaw
                 Hayo na't maglundagan
                 Anong sarap manimbulan!

=_Magpapasukang lahat sa loob. Si Rizal ay lalabas sa kabilang dako na
wari'y may hinahanap._ =



II TUGMA


Rizal:--Ako ay iniwan.... Hindi na inisip,
         Ang nagsisiluhang Ina at kapatid,
         Nagpasasang lahat sumimsim ng tamis
         Ng pagliliwaliw.... at kami'y sa sakit.

         Anong pagkahirap ng ganitong buhay
         Maraming kapatid ay di maasahan,
         Ang nangatuturing na mga panganay
         Na dapat huwarin sa mabuting asal,
         Sa landas ng puri'y dapat na mag-akay
         At dapat magsikap ng ikararangal,
         Ng kanyang kaanak, ng kanyang pangalan,
         Ay siyang nagiging masamang huwaran
         At dumog sa hilig na napakahalay.

         Ang tanang pag-asa ng Ina kong giliw
         Ang kabinataang dinaladalangin,
         Siyang tatawagan, aking ituturing
         Yaring kalagayang balot ng hilahil.

         Nguni't hindi kaya ariing aglahi
         Ng mga kapatid ang gayong mungkahi?

      _(Mag-iisip ng boong alinlangan)_

          Sa ano't ano ma'y aking luwalhati,
          Ang agad malaman yaring pagwawari.

(_Anyong hahanapin, sa kabilang dako'y lalabas ang Kabinataan._)



III TUGMA

(ANG KABINATAAN AT SI RIZAL)


_SALITAAN:_

Kabinataan:--Ang buhay ng tao ay isang pangarap
                    Isang kasayahang walang makatulad
                    Ang di magtamasa ay hangal at uslak
                    Laging magtitiis, laging maghihirap.

Rizal:--_(sa sarili)_ Ang kabinataan....
  _(lalapitan)_ Kayo 'y siyang pakay
                     Talagang sadya kong kayo'y tatawagan,
                     Sana'y isasamong si Ina'y káwaan.

      _(tunog)_ Ibig baga ninyo mga hinihirang
                     Na samahan ako't Siya'y saklolohan?

Kabinataan:--Kami ay may lakad; huwag abalahin
                    At ang kasayaha'y dapat tamasahin,
                    Hindi mo ba tantong ang hindi sumimsim
                    Sa kanyang tagayan ay mangmang ó baliw?

 _(hihimukin)_ Sumama ka Rizal, sa ami'y sumama
                    At doon pahirin ang bakas ng dusa.

Rizal:--_(malungkot)_ Sumama pa ako?.... Paano si Ina?....

Kabinataan:--_(pakutya)_ Si Ina?... Bayaan. Siya ay saka na.
_(Pasubali)_ Tawagan na muna ang mga panganay:

Rizal:--Kayo'y kapatid ding dapat na asahan;

Kabinataan:--Sila'y siyang unang dapat na dumamay.

Rizal:--Samahan na ako. Tayo na't suyuan.

Kabinataan:--Nalalaman mo nang kami ay may lakad.

Rizal:--Matitiis kayang hindi bigyang lunas
                 Ang sakit ni Ina sa gitna ng hirap?

Kabinataan:--May panahon pa rin.... _(aalis)_

Rizal:--Kung tapos nang lahat.



=IV TUGMA=

_Mapagiisa si Rizal._


Rizal:--         Ang aking pag asang mangakakatulong
                 Na mangag-iibis ng dusa't lingatong,
                 Di man nabahala sa tapat kong lungoy,
                 Hindi man dinigig ... Agad nang yumaon.

                 Masayang masayang parang walang malay,
                 Nagsasamantala ng galak sa buhay;
                 Parang mga musmos na di nalalamang
                 Ligayang sandali'y agad napaparam.

_(Mayuyukayok sa isang dako ng tanawin na waring may iniisip.)_

Lalabas Ang Mga Diwata Na Mag Aawitan Ng Kaakit-akit. Si Ingit at
Si Sakim Ay Sa Kabilang Dako.

=_SALITAAN._=

Anangki:--         Mga Diwata kong hirang
                   Inyong akitin si Rizal;
                   Akitin mo Kagandahan,
                   Ganda ang iyong ialay.

Kagandahan:--Siya'y aking lalambingan.

Anangki:--              Ikaw naman Kasayahan
                        Pilitin mong siya'y mapukaw.

Kasayahan:--Sa puso'y siyang bubuhay.

Anangki:--          Tulungan mo Karangalan
                    Gayumahi't nang masilaw

Karangalan:--Aalayan ko ng dangal.

Anangki:--          Akitin mo Kayamanan
                    Ng salaping makikinang.

Kayamanan:--Sisiluin ko ng yaman.

Anangki:--          Hayo na at siya'y lapitan
                    At gisinging malumanay.

_AWITIN:_

Mga Diwata:--          Tayo na't ating gisingin
                       Halina't atin siluin
                       Alayan natin ng lambing
                       Upang siya'y sumaatin.

                       Rizal, Rizal, gumising na
                       Silayan kami ng mata
                       Asahan mong liligaya't
                       Malilimot ang balisa.

_SALITAAN._

Anangki:--          Rizal, Anó't namamanglaw?
                    Baki't ka ba nagdaramdam?
                    Sabihin mo, iyong tura't
                    Ako'y handa sa pag-damay

Rizal:--         Dahilan kay Inang mahal
                 Na nagagapos ng lumbay.

Anangki:--          ¡Ah! Yaon ang dahilan
                    Ng di mo ikatiwasay?
                    Ibig mong aking lunasan
                    Ang mga sakit sa buhay?

Rizal:--_(sa sarili)_ ¡Oh pusong napakarangal!
     _(sa kausap)_ Kayo ay pagtatapatan
                        Ang tanging pag-asa, ang Kabinataan,
                        Ang nangatuturing na mga panganay
                        Ang dapat lumunas, ang dapat dumamay
                        Ay na nga hihimbing, at nalilimutang
                        Sila'y may ina pang dapat paglingkuran.

Anangki:--Dahil lamang doon, ikaw ay nalumbay?
                   Ayokong makitang sino may lumuha,
                   Kaya't tangapin mo ang aking kalinga.
                   Ako'y si Anangki. Ako'y si Tadhana.
                   Nariyat kasama ang tanang Diwata.

  _(tatawag)_ Kagandahan: Siya, kayo'y magpasasa
                   Pawiin kay Rizal ang bakas ng luha
                   Iyong ipatantong ikaw ang Hiwagang
                   Hinababol-habol ng tanang Makata.

                   At siya'y suyuin ng boong pag-giliw,
                   Sa kanya'y idulot ang timyas ng lambing,
                   Siya'y dalhin mo sa mga tanawin
                   Ng mga pangarap.

Kagandahan:--Akin pong gagawin.

_(Lalapit at hahawakan si Rizal)_

                  Halína, halina sa bayan ng tuwa,
                  Limutin na Rizal ang mga pag-luha,
                  Puso ko't puso mo'y mag-iisang diwa
                  At magasusumisid sa dagat "biyaya".

                  Ikikitil kita ng mga bulaklak
                  At siyang idadampi sa pusong may hirap

                  Kita'y susuubin ng aking pag-liyag
                  Ng sa pighati mo'y siyang maging lunas,
                  Siya na ang sakit.

Rizal:--_(alinlangan)_ Hindi ko magawang
               Agad na sumimsim ng ala'y mong tuwa;
               Ang Ina ko'y siyang sumasagunita
               Mandi'y nakikitang lunod na sa luha.

Kagandahan:--Pawiin sa loob ang tanang ísiping
               Makapagdudulot ng dusa't hilahil
               At ngayo'y panahong ating tamasahin
               Ang galak sa buhay na sumasaatin.

               Buklatin ang pusong iyong iyo lamang,
               Tanging makikita'y pagsintang dalisay
               Tahas masasabing tanging-tanging ikaw
               Ang itinitibok ng puso ko't buhay.

               Pawang tuwa't suyo, ang ipakikita
               Ng nananabik kong puso sa pagsinta't
               Di ka babahiran bahagya mang dusa.

Rizal:--Tunay ang sabi mo?

Anangki:--Yao'y nasulat na,
               Nang lalong maganap ang dulot kong alay
               Ngayo'y kilalanin ang isa pang abay.

_(Tatawag)_ Kasayahan ... Lapit: Siya ay alayan
               Ng tanging samyo mong kabangubanguhan.
               Ang mga mata mong kapilas ng langit,
               Ay tanging kay Rizal dapat mong ititig;
               Ang masayang ngiting sa dusa'y pambihis,
               Ang mabining kilos na nakasakit
               Ang mahinghing anyo, ang timyas ng halik,

               Ang gandang sariwang laging nagtatalik,
               Ang matang mapungay, ang diwang malinis,
               Idulot kay Rizal.

Kasayahan:--Ganap na ang nais!

Rizal:--_(Hangang-hanga)_ Ito kaya'y tunay?

Kasayahan:--Hindi panaginip.

Anangki:--_(tatawag)_ Karangalan ... Siya ay iyong putungan
               Ng nakahihiling iyong katangian:
               Gawin mong si Rizal ay laging hangaan
               Sa boong daigdig ng lalo mang paham.
               Ibig kong makita na siya'y kapiling
               Ng lalong Bayaní, ng lalong Magiting,
               Ibig kong makitang siya'y pintuhuin
               Ng tanang linalan....

Karangalan:--Ang gayo'y gagawin.

Anangki:--At kulang pa yata ... _(mag-iisip)_ Ah! si Kayamanan!

Kayamanan:--Ako po'y utusan.

Anangki:--Ngayon di'y gampanan,
                 Yarin tagubilin, sa íkatitibay
                 Na kanyang ligayang walang katapusan;
                 Sinupin mong lahat, na ang kayamanang
                 Mahahagilap mo sa boong tinakpan,
                 Ang lahat at lahat ay iyong ialay
                 Kung kailanganin ng batang si Rizal.

Rizal:--_(magalang)_ Bago ko tangapin ang tanang biyaya'y
                 Bayaang ialay ang aking paghanga.

Anangki:--  Sila'y alipin mo; ang mga Diwata'y
            Iyong iyo lamang. Hayo't magpasasa.

Rizal:--_(Magalang)_ Anangki, salamat.
_(sa mga Diwata; boong tamis)_ Halina kay Ina
               Oh! mga giliw kong panglunas sa dusa,
               Tayo na't piliting siya'y lumigaya,
               Yamang ako'y inyo, kayo nama'y kanya.

Lahat:--_(sabay)_ Di kami nanayag. Kami'y iyo lamang.

Kagandahan:--Ang kahi ma't sinong magnais umagaw
             Ng biyayang iyo, iyong iyong tunay
             Ay aming kagalit gagawing kaaway.

Rizal:--Sa makatwid, ay ...

Lahat:--Iyo nang nalaman.

Kagandahan:--Na sino't sino mang sa iyo'y pumiling,
             Sino mang aagaw ng sariling amin
             Ay sisiphayuin ng siphayong baliw.

Rizal:--_(magalang)_ Anangki, Tadhana, ako'y patawarin.
                    Ang tanang Diwatang kaloob sa akin
                    Ay di maaaring aking tamasahin,
                    Náiyan, kunin na, muli mong bawiin.

Anangki:--Sa anong dahilan?

Rizal:--          Sa malaking bagay.
                  Ako ay di akin, ako ay kay Inang,
                  Ang kanyang tiisin ay akin ding tunay,
                  Ang aking ligaya'y kanyangkanya lamang
                  Kaya't di maaring ang tanan mong alay
                  ay tamasahin ko at pagpasasaan.

Anangki:--_(matimyas)_ Ano pa ang ibig? pinawi kong lahat
                  Ang mga hirap mo ng mabisang lunas.

Rizal:--Di ko kailangan ... Nais ko pa'y hirap
                  Kung akin sarili. Aanhin ang galak
                  Na di maihandog sa Ina kong liyag?

Anangki:--_(payamot)_ At tumatangi ka sa mga biyaya?

Rizal:--_(boong saklap)_ Hindi maaari, di ko magagawang
              Ako ay mag isang lumasap ng tuwa.

Anangki:--_(boong poot)_ Ako'y ginagalit.

Rizal:--_(mayumi)_ Ikaw ang bahala.

Anangki:--_(galit)_ Ang ngit-ngit ni Sakim, ang poot ni Ingit
               Ang aking higanti'y siyang mag-uusig
               Asahan; asahang ano mang masapit
               Kita'y tatalian ng mga pasakit.

_(tatawag)_    Ingit, Sakim, Ayan: _(ituturo)_ Siya'y kilalanin
               Siya'y higantihan ng ngit-ngit ng baliw
               Sa hapis na buhay, huwag pagitawin
               At ipaglubugan sa tanang hilahil.

Sakim:--_(boong kasiyahan)_ Ako ang bahala; aking nalalaman
               Ang aking gagawin upang pasakitan.

Sakim:--Di ako tutugot na siya ay gumitaw
                    Aking pipilitin na siya'y mamatay.

=TABING.=



=SI RIZAL AT ANG MGA DIWATA=

=_IKALAWANG YUGTO_=



I TUGMA

_Pagbubukas ng tabing ay makikita si Rizal nayuyukayok. Lalabas ni
Filipinas na nag-aawit ng isang mapanglaw na karaingan._


_AWITIN:_

Filipinas:--          Rizal, Rizal, bunsong hirang
                      Ina mo'y huag bayaan
                      Ina'y iyong saklolohan
                      Sa dagat ng kahirapan.

                      Ang Ina mong tumatangis
                      Nalulunod na sa sakit
                      Wala nang kayang magtiis
                      Sa lingap mo'y nagnanais.

_SALITAAN._

Rizal:--_(alinlangan)_ Anong aking magagawa
                 Sa ako'y mus-mos pang bata.

Filipinas:--Sukat ang banal mong nasa
                 Kung iyong isasagawa.

Rizal:--_(susuyuin)_ ¡Ina! siya na ang pag-luha
                 Handa akong kumalinga.

Filipinas:--           Ay Rizal ng aking buhay.
                       Sa tanang kong katiisan,
                       Hininga mandi'y papanaw;
                       Mga binata'y tawagan
                       Nang ikaw ay matulungan.
                       Hanapin, tawagan sila,
                       Ibalita yaring dusa
                       Nang kanilang maalalang
                       May tumatangis na Ina.
                       At sa kanila'y isulit,
                       Ang pighating tinitiis
                       Ng Inang tanging ninibig
                       Sa libinga'y maghahatid;
                       Kailangan ko ang tangkilik. _(malulugmok)_

Rizal:--_(aalalayan)_ Ina ... Inang minamahal
                  Huag mo akong iiwan
                  Aanhin ko yaring buhay
                  Kung ikaw ay mamamatay?

=_Lalabas ang mga Panganay na may dalang manok, baraha at bote ng
alak._=



=II TUGMA=

Ang Mga Panganay, Si Rizal at Si Filipinas


_SALITAAN:_

Panganay 1.º:--Mabuhay ang kasayahan!

Panganay 2.º:--Mabuhay ang paglilibang!

Lahat:--Mabuhay! Laging mabuhay!

Rizal:--_(luhog)_ Lingapin ninyo si Inang
              Mga kapatid kong hirang
              Ako ay inyong tulungan,
              Kung kayo man ay may buhay
              Ay sa kanya tanging utang.

Lahat:--_(pakutya)_ Ohu?... mapagdunung dunungan.
  _(sa sarili)_     Bakit malakas ang sugal
                    Hahanapi'y kapalaran.

Filipinas:--_(sa mga Panganay)_ Ay mga anak ko ...kayo'y nasisinsay
                     Sa dapat landasin....

Panganay 1.º:--_(padabog)_ Aking nalalamang
             Kaliwa'y kaliwa at kanan ang kanan. _(anyong aalis)_

Rizal:--Kami na'y lingapin ... Sandaling maghintay ...

Panganay 2.º:--(kay Rizal) At ibig mo yatang kami pa'y turuan?...

Panganay 3.º:--Kung sana'y marunong ó kaya'y mayaman
               Disin ay agad kang pinaniwalaan.

Panganay 1.º:--Tayo'y tanghali na.

Panganay 2.º:--Halina at iwan.

Rizal:--_(boong lungcot)_ At kami ni ina?...

Panganay 3.º:--Kayó?

Lahat:--Ating lisan.
_(sabay ng alis)_



=III TUGMA=

=Si Rizal at Si Filipinas=


_SALITAAN_

Rizal:--         Ituro sa akin Inang ginigiliw
                 Kung sino ang dapat na aking suyuin
                 At pakaasahang kahit puhunanin
                 Ang murang buhay kong aking ihahain.

Filipinas:--     Tanging bunsong nagmamahal
                 Ikaw mandin ang nahirang
                 Na sa aki'y tumangkakal
                 Noong Bathalang Kumapal.

Rizal:--         Kung magulang yaring bisig.
                 Kung ganap na yaring bait,
                 Asahan mo Inang ibig
                 Na sisikapin kong pilit
                 Ang sa iyo'y pagtangkilik.

Filipinas:--     Napakabanal ang nasa
                 Kung iyong isasagawa
                 Ang iyong layong dakila
                 Na sa aki'y pagkalinga.

                 Subalit lalong mainam
                 Ang ikaw sana'y tulungan
                 Ng aking mga Panganay
                 Na kapatid mo ring tunay.
                 Kailangan mong tanglawan
                 Ang isip na nadidimlan.
                 Tumawag ka kay Minerva
                 At sa kanya ay pasama
                 Tiising mawalay muna
                 Sa nalulunos na Ina.
                 Siya kita na'y iiwan
                 Di na ako makalaban
                 Sa dahas ng kahirapan. (_anyong aalis_)

Rizal:--          Ina, Inang minamahal
                  Ang bunso mo'y huag lisan.

Filipinas:--       Kailangan mawalay muna
                   Sa namimighating Ina. _(sabay alis)_

Rizal:--_(anyong hahabulin)_ Subali't ...May matuwid ka,
                   At ayaw mong ipakita
                   Sa akin ang pagdurusa
                   At aayaw kang talaga
                   Na ang puso ko'y magbata.
                   Pagsisikapan ko ano mang masapit
                   Na sa iyong mata'y huag ng tumigis
                   Ang saklap ng luhang animo ay batis,
                   Pagpipilitan kong magkapatid-patid
                   Ang tanikala mo ng mga pasakit (_papasok_)

=(Tabing Na Lansangan)=



=IV TUGMA=

=_Lalabas ang mga Panganay_=


_SALITAAN:_

Panganay 1.º:--Nanalo ka ba?

Panganay 2.º:--Kung ako'y nanalo ...
               Ako ay nahughog.

Panganay 1.º:--Ako ay natalo
              Sa masamang hilig tayo ay nabuyo.

Panganay 3.º:--Hindi pa rin huli ... Tayo na'y magbago.
              Maling mali tayo ng tinungong landas,
              Ang lansangang yao'y patungo sa hirap;
              Maligoy matinik, mabato't madawag
              At pawang balahong hindi madalumat.



=V TUGMA=

=_Lalabas ang Kabinataan_=

Ang Mga Panganay at Ang Kabinataan


_SALITAAN:_

Kabinataan:--Oh! mga Panganay ... Nasaan si Rizal?...
             Kami ay samahan

Panganay:--Siya naming pakay
           Ang aming ginawing madumog sa sugal
           Siyang naging sanhi ng sakit ni Inang

Kabinataan:--At kami?... Oh! kami'y nagsisipagsisi

Panganay 1.º:--Tayo na; halina't alayan ng puri
              Ang Ina't kapatid na laging duhagi.
              Halina't lunasan ang sakit ni Ina
              Kalagin ang gapos ng pighati't dusa
              Halina tuntunin ang himok tuwi na
              Ng bunsong si Rizal

Lahat:--Halina ... Halina, _(papasok na lahat)_

=(Bubuksan Ang Tabing)=



=VI TUGMA=

_Sa kabilang dako'y lalabas si Rizal at sa kabilang dako'y si
Minerva._


_SALITAAN:_

Rizal:--Minerva.... Minerva, ako ay tulungan
        Ako ay akayin sa landas ng dangal.

Minerva:--Ano ang nais mo magiting na Rizal?
          Sabihin ng agad.

Rizal:--    Ang iyong pagdamay
            Ang Ina kong minamahal
            Sa pighati'y mamamatay;
            Minerva ako ay tulungan,
            Ang hirap niya'y lunasan,
            Ang isip ko ay tanglawan
            Ng ningning ng karunungan,
            Nang si Ina'y maalayan
            Ng bahagyang kaaliwan.

Minerva:--  Ano ang aking magagawa
            Sa Ina mong lumuluha?

Rizal:--    Tanglawan mo ng biyaya
            Diwa kong napakahina,
            Nang sa aki'y maniwala,
            Kapatid kong matatanda
            Sila ay nangahihimlay
            Sa mga gawing mahahalay;
            Kanilang nalilimutang
            Mahigpit na katungkulang
            Sa Ina ay tumangkakal;
            Ang Ina kong minamahal
            Na Ina rin nilang tunay
            Sa dusa ay mamamatay ...
            Minerva sila'y tanglawan
            Ng iyong kapangyarihan.

Minerva:--  Kailangan magsikap ka
            Kung sa aki'y pasasama;
            Ang mithiin mong ligaya
            Matatagpong walang sala ...
            Kay Panahon ka paakay
            Siyang may hawak ng buhay
_(tatawag)_ Panahon ...

Panahon:--_(magalang)_ Ako po'y utusan



=VII TUGMA=

_Si Panahon si Minerva at si Rizal._


_SALITAAN_

Minerva:--    Iyong samahan si Rizal
              Hangang sa bayan ng dangal

Panahon:--    Ako ay sunudsunuran
              Sa hari ng karunungan
_(kay Rizal)_ Kumapit sa akin Rizal
              At sa akin ka aakbay;
              Ang lakas ng kalakasan
              Ang sa iyo'y papatnubay.

_Magtatagpotagpo ang lahat ng personaje tangi si Filipinas ang mga
Diwata na nakahanda na sa Apoteosis. Ang mga Panganay ay hahanga sa
pagkamatas kay Minerva at kay Panahon. Bubuksan nito ang aklat ng
buhay._



=VIII TUGMA=


_SALITAAN_

Panahon:--    Ibig mong tahuin ang guhit ng palad?...
              Narito't pakingan _(bubuksan ang aklat)
              (babasahin)_ «Laging mahahabag
              Sa palad ng lahi na nawawakawak,
              Sa kapabayaan ng dapat magingat
              Na mga kapatid, hangang mapahamak
              Buhay ang kapalit sa ikakakalag
              Ng lubid na gapos ng Inang may hirap
              Si Ingit, si Sakim ay kakatulungin
              Ng mga kaaway na mang aalipin,
              Sila'y magtatalik, buhay mo'y kikitlin.
              Ang lahat ay tungo sa hatol ng haling.
              Ito ang palad mo na tatalimahin
              Upang mailigtas ang Ina sa lagim.
              Kung maganap ito, ganap na ang palad
              Ng Inang alipin ng mga bagabag,
              Sa inyong silanga'y muli ng sisikat
              Ang araw na bagong maningning ang sinag,
              Wala na ang dusa, wala na ang hirap.
              Sa mga kapatid, sa mga kaanak
              Ay siyang pupukaw, siyang mag-uulat
              Ng dapat na gawin sa ikagaganap
              Ng kanilang laya sa araw ng bukas»

Rizal:--_(boong kasyahan)_ Kung ang kulay pula'y kinakailangan
              Na siyang itina sa sikat ng araw
              Dugo ko'y ibubo, pangiti kong alay,
              Nang ang kanyang sinag, lalo pang dumingal.

              Nang agad mahawi ang kapal ng dilim
              Na sa kanyang dilag ay nakatatabing.
              Nang agad sumilay ang kanyang luningning
              Na nasasaputan ng pighati't lagim.

              Tangi kong pangarap siya'y maalayan
              Ng saganang aliw habang nabubuhay
              Nais kong makilang pawi na ang lumbay.

              Tingala ang mukha at wala bakas man
              Ng mga tiniis sa nasawing buhay.
              Nais kong makitang siya ay hangaan
              At tawagtawaging "Mutya ng Silangan".

_Mabubuksang bigla ang tanawin at makikita ng lahat si Filipinas at sa
kanyang paana'y nakahílig ang mga Diwata._



=HULING TUGMA.=


Filipinas:-- Ang sapot na itim ng aba kong palad,
             Ang luha sa matang linipos ng hirap,
             Ang gapos na sakit, ang tanang bagabag,
             Ang mga tiisin na sumasahagap
             Ang lahat ng ito'y walang ibang lunas.
             Tangi sa mithi kong kayo'y magyayakap.
             At magkakasamang tumungo sa landas
             Ng ikalalaya sa araw ng bukas.

_AWITIN NG LAHAT:_

             Tayo na't siya'y samahan
             Samahan natin si Rizal
             Sumunod sa kanyang aral
             Si Ina'y ating bihisan.
             Kaalipina'y ibagsak
             Sukdan tayo'y mapahamak
             Salubungin tá ng galak
             "Bagong Araw" na sisikat.

APOTEOSIS:

Samantalang nag-aawit ay unti-unting nahuhubdan ng sapot na itim ang
Inang Filipinas at si Ingit at si Sakim ay masisilaw at mahahanga.
Dahan dahang ibababa ang tabing.


[Larawan: Mga Patalastas]





*** End of this LibraryBlog Digital Book "Si Rizal at ang mga Diwata - Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto" ***

Copyright 2023 LibraryBlog. All rights reserved.



Home