Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Sa Ano Nabubuhay Ang Tao
Author: Tolstoy, Leo, graf, 1828-1910
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.
Copyright Status: Not copyrighted in the United States. If you live elsewhere check the laws of your country before downloading this ebook. See comments about copyright issues at end of book.

*** Start of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Sa Ano Nabubuhay Ang Tao" ***

This book is indexed by ISYS Web Indexing system to allow the reader find any word or number within the document.



[Transcriber's note: Mistakes in the original published work has been
retained in this edition.]

[Paalala ng nagsalin: Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga
pagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]



Sa Ano Nabubuhay Ang Tao

I

KATHANG-SALAYSAY NG KONDE LEON TOLSTOY NA NASALIN SA WIKANG KASTILA AT
ISINALIN NAMAN SA TAGALOG

NI

SOFRONIO G. CALDERON

Ikaw ay yumaon ... at malalaman mo:

I. Ang sumasatao;
II. Ang hindi ipinabatid sa tao; at
III. Ang bumubuhay sa tao.


M. COLCOL & Co.

_Publisher_
878 Rizal Avenue, Manila



SA ANO NABUBUHAY ANG TAO



I

Isang magsasapatos ay nananahanan sa isang nayon na kasama ang kanyang
asawa't anak. Sila'y nakatira sa bahay ng isang _mujik_ (may pagawaan
ng sapatos), sapagka't sila'y walang bahay o lupa man at bahagya nang
makakita ng kanilang maipagtatawid-buhay. Ang tinapay ay mahal, at may
kahirapan ang panahon; kung gaano ang makita niya ay kanilang
pinagkakasiya, siya'y walang anumang tinatangkilik at ang kanyang
asawa'y wala kundi iisang chuba[1] na totoong luma na. May ilan nang
taong naghahanap ng salapi ang magsasapatos upang maibili ng mga balat
ng tupa at ng kanyang magawang bagong _chuba_ o pambalabal.

Ng panahong tagulan ay nakatipon ng kaunti, ng tatlong _rublo_ na
kanyang naingatan sa sisidlan ng kanyang _baba_ (asawa). Sa kapit
nayon ay may nagkakautang sa kanya ng limang rublo at dalawang pung
_kopek_ [3].

Isang umaga ay pinasiyahan ng magsasapatos na maghanap ng mga katad.
Nagbihis, nagkubong sa ulo ng isang panyo, isinilid sa bulsa ang
tatlong _rublo_, kinuha ang kanyang tungkod at pagkatapos na
makapag-agahan ay yumaon.

Sisingilin ko sa _muhik_ ang limang _rublo_,--aniya,--idaragdag ko
rito sa tatlo, saka ko ibibili ng mga katad na magagawang _chuba_.

Pagsapit sa kanyang sinadyang nayon ay tinungo ang bahay ng _muhik_.
Ang _muhik_ ay nakaalis na: at ipinangako na lamang ng _baba_ na sa
linggo ring yaon ay dadalhin ng kanyang asawa ang kuwarta, nguni't
walang ibinigay.

Sa ibang bahay ay ipinagtapat sa kanya na walang maibabayad, kundi
dalawang _kopek_ muna. Iniisip ng magsasapatos na siya'y makauutang ng
mga katad; datapwa't di siya pinagkatiwalaan ng maytinda.

Bayaran mo ako,--ang sabi sa kanya,--at pumili ka ng iyong ibig,
sapagka't alam na namin kung gaano kahirap ang maningil.

Hindi nga nangyari ang panukala ng mag-sasapatos; wala naman siyang
dala, liban na sa dalawampung _kopek_ na kanyang nasingil sa
pagtatagpi ng isang _valenki_[1] na sa kanya'y ipinagawa.

Sa sama ng kanyang loob ay napasa isang tindahan ng alak at iniinom
ang kanyang dalawampung _kopek_ saka yumaong walang dalang katad. Ng
umagang yaon ay di siya nakaramdam ng ginaw at subali ay nainitan pa,
dahil sa pagkainom ng alak. Sa kalasingan ay tignan ninyo at pinaiikot
ang tungkod at isinasaksak sa mga dakong pinamumuuan ng tubig;
natutuwa at pinapipihitpihit sa kanyang mga kamay ang mga _valenki_;
at nagsasalita ng ganito:

Wala man akong chuba o balabal ay naiinitan ako, sapagka't tumungga
ako ng kaunting alak; ang tiyan ko'y busog sa alak; anupang
ipangangailangang ko ng isang balabal na pampainit? Nilimot ko ang
aking karalitaan; ako'y isang tao lamang; walang kabuluhan sa akin ang
lahat. Ako'y makapamumuhay na maigi ng walang balabal; hindi na ako
gagamit niyan kailanman. Ngunit totoong daramdamin ng aking asawa at
may matwid. Ipinaghahanap-buhay namin ang mga _mujik_, pakinabangan
nawa nila ang aming kapaguran. ¡Teka! Di mo ako dinalhan ng kuwarta.
¡Maraming salamat! ¡May Diyos! Sulong ..." Ganyan ang pagbabayad ng
dalawampung _kopek_ lamang. Anong mapapakinabang sa dalawampung
_kopek_? Itungga ng alak at wala na. Saka sasabihing "¡Ang hirap!"
¡Aha, aha! ¿Ang hirap ko nga? Ikaw ay may bahay, may hayop at lahat ng
kailangan, at ako'y walang anuman. Ikaw ay may kinakaing bunga ng
iyong lupa, at ako upang kumain ay kailangang bumili; kailangan ko'y
tatlong _rublo_ sa bawa't sanlinggo; kung dumating ako sa bahay ay
wala nang pagkain at maggugugol pa ako uli ng isang _rublo't_
kalahati. Pagbayaran mo nga ako ng iyong utang.

Papaganito ang kanyang anyo hanggang sa nakarating sa tabi ng isang
simbahan, at may namataan sa likuran nuon na wari maputi. Gumagabi na
at ang magsasapatos ay nagkantitignan.

Anong naroon? Wala namang batong maputi. Baka ba kaya, yaon? Hindi,
hindi mandin baka. Ayon sa ulo ay tila isang tao; nguni't bakit
maputi? At bakit magkakatao rito?

Lumapit si Semel at lubos nalinawan! Katakataka! Tao nga; buhay o
patay? Nakaupo, na hubad; nakasandig sa pader ng simbahan, hindi
gumagalaw. Ang magsasapatos ay sinidlan ng takot at nasabi sa sarili:

--Pinatay; hinubdan ng damit at inihagis dito; kung lapitan ko ay baka
ako pa ang mapahamak.

Kanyang linagpasan, tinalikdan na sa kanyang paningin ang taong yaon.
Makaraan ang sandali, ay lumingon siya at nakita niyang ang tao'y
lumayo sa pader at gumalaw na wari tinititigan siya. Sa tuwi-tuwi na
ay lalu siyang nahihintakutan, nag-antanda ang magsasapatos at tinaya
ang kanyang kalooban kung uurong o tatakas.

Kung siya'y lapitan ko,--dinidilidili niya--di malayong ako'y
mapahamak. Ano kayang tao ito? Tila mandin masama; dadaluhungin ako at
ako'y hindi maliligtas. Kung hindi man ako patayin ay hahalayin ako.
Gayunman, hindi ako makapaghuhubad upang bihisan ko siya, upang
ipagkaloob ko sa kanya iring tanging suot. Magtutumulin ako.

At dinalas ang hakbang. Pagdaka'y napatigil sa daan,--Anong inaasal mo
sa sarili. Anong gagawin mo? Namamatay ang isang tao at iyong
kinatatakutan at nilalayuan. Mayaman ka na ba kaya? Natatakot ka bang
mawalan ng kayamanan? Ano, Semel, ito'y hindi magaling.



II

Pagdaka'y bumalik si Semel sa simbahan at tinungo ang tao. Pagkalapit
ay minasdang maigi. Ang taong yaon ay bata pa at may mabuting katawan.
Wala namang anumang bugbog na nababakat sa kanyang katawang hubad,
nguni't nanginginig sa ginaw at parang nagulat. Sa pagkasandal sa
pader ay hindi tumitingin kay Semel; sa pagkahiya mandin ay hindi man
lamang maidilat ang mga mata. Tinunghan ni Semel at agad nabuhay ang
loob ng taong yaon, idinilat ang mga mata, inilingon ang ulo at
minasdan si Semel.

Pagkamalas ng magsasapatos ng tinging yaon ay nagtaglay ng pag-ibig
doon sa taong di niya kilala. Inilapag ang kanyang dalang bota;
kinalag ang kanyang sinturon at naghubad ng sako.

--Hala,--aniya,--huwag ka nang magbadya pa ng anuman; magbihis ka;
madali ka; hala, dali-daliin mo ...

Tinagnan ni Semel sa bisig yaong di niya kilala, ibinangon, itinayo,
saka minasdan ang kanyang katawang maganda. Maputi at pati nga ng
kanyang kaayaayang mukha.

Ipinatong ni Semel sa mga balikat ang sako; nguni't di matumpakan ng
lalaki ang pag-susuot ng manggas. Isinuot ni Semel, ibinutones,
nilagyan ng sinturon, inalis ang kanyang gorang sira-sira at isusuot
sana, datapwa't nakaramdam siya ng ginaw sa ulo at inisip:

--Ako'y kalbong-kalbo, at siya'y may mahahabang buhok na kulot.

At muling isinuot ang gora.

--Mabuti manding suutan siya ng bota.

At pagkaluhod sa siping nuong lalaki, ay isinuot ang mga bota niyang
dala. Saka, ng maitindig niya, ay kanyang pinagsalitaang:

--Ano, kapatid! Hala, gumalaw ka ng kaunti. Ikaw ay magpainit. Huwag
na tayong magluwat dito. Tayo na.

Nguni't ang lalaki ay nakatayo pa, di umiimik, malugod na minamasdan
ni Semel; di makapagbigkas ng isa man lamang salita.

--Anong nangyayari sa iyo? Bakit di ka magsalita? Hindi maaaring
magparaan tayo ng taginaw rito. Kailangang umuwi tayo ng bahay. Eto
ang aking tungkod, iyong tungkurin kung nanghihina ka; hala, tayo na.

At ang lalaki ay lumakad at di naiwan.

Sila'y magkasabay at nangusap si Semel.

--Tagasaan ka?

--Hindi ako tagarito.

--Kilala ko ang mga tao sa lupang ito; eh, bakit nasa likuran ka ng
simbahan?

At ang tugon ng kasama:

--Hindi ko masabi.

--Ikaw baga'y hinarang?

--Hindi, walang humarang sa aking sinuman; pinarusahan ako ng Diyos.

--Alam na natin, na ang lahat ay galing sa Diyos; nguni't may
pinagbubuhatan. Saan ka paroroon?

--Kahit saan.

Namangha si Semel. Ang taong ito'y walang pagmumukhang masama, ang
boses niya'y kalugod-lugod, nguni't walang ipinagbabadya na tungkol sa
kanyang sarili. Inisip ni Semel na may mga bagay na di masaysay at
pinagsalitaan ang kasama.

--Sumama ka sa aking bahay at ng mainitan ka.

Nagpatuloy lumakad at sinabayan ng kasama. Humihip ng malakas ang
hangin at pinaspas ang baro ni Semel. Sapagka't napawi na ang alak, ay
nagdamdam ng ginaw. Nagmadaling nagbububulong at iniisip:

--¡Mabuting gawa ito! Mabuting balabal ang dala ko! Ako'y nanaog upang
bumili ng isang balabal, at sa pagbalik ay wala man lamang ako kahi't
sako at may dala pa akong isang taong hubad. Di nga ako katutuwaan ni
Matrena.

Si Matrena, ay ang kanyang asawa. Sa ganitong pag-aala-ala kay Matrena
ay nagulomihanan si Semel; nguni't paglingon niya sa kasama ay
naalaala niya yaong tinging ipinamalas sa kanya mula roon sa simbahan
at muling nagdamdam ng kagalakan sa kalooban.



III

Ang asawa ni Semel ay nag-ayos ng bahay na maaga; nagsibak ng kahoy,
sumalok ng tubig, nagpakain ng mga bata at kumain pati siya, saka
nag-isip. Iniisip ang kakanin, nararapat kayang ihanda ngayon o bukas.
May natitira pang kaunti sa paminggalan; kung si Semel ay nakakain na
sa nayon at hindi humapon mamayang gabi ay may kasiyang pagkain sa
kinabukasan. Muli't muling tinignan ang nalalabing pagkain.

--Hindi ako magtitinapay ngayon,--aniya;--saka kakaunti ang aking
harina; baka sakaling umabot hanggang biyernes.

Pagkatapos na maitago ang tinapay, ay naupo si Matrena sa siping ng
dulang upang magsursi ng baro ng kanyang asawa; nananahi at inaalala
si Semel, na namili ng katad.

--¡Baka madaya pa ng maytinda! Napakahangal ang asawa ko. Siya ang di
marunong magdaya kaninuman at napadadaya maging sa bata. Sa halagang
walong _rublo_ ay makabibili na ng isang mabuting balabal; hindi
kabutihan, nguni't may kaigihan na. Totoong nagbata kami ng taginaw na
iri dini sa iisang balabal. Hindi makapaglaba sa ilog ng wala niyan,
at eto, upang makalakad ay dinala ang aking suot. Hindi ako makapanaog
ng ganiri!... Pagkaluwat! Naparaan ba kaya sa tindahan ng alak?

Kabibitaw pa lamang sa bibig ng mga salitang ito, ay siyang pagkarinig
ng mga yabag ni Semel sa may hagdanan. Iniwan ni Matrena ang sursihin
at napatungo sa silid. Nakita niyang nasok, ay dalawang lalaki, na
walang sombrero at nakabota. Malayo pa'y nahalata na ni Matrena, na
ang kanyang asawa ay naglasing.

Siya ko na nga bang kutog ng loob, aniya.

Pagkakitang walang kapote at nangakalitaw ang mga kamay, walang imik
at wari nahihiya, ay kumaba ang loob ng abang asawa.

Iniinom nga ang kuwarta. Nakipaglasingan sa isang hampas-lupa at
ngayo'y dala rine. Wala na kami kundi ito lamang.

Pinabayaan niyang magtuloy sila at kanyang sinundan na di umiimik.

Napaghalata niya na ang kasama ay may kabataan, payat, putlain,
nakakapote na walang baro sa katawan at wala ni gora. Ng makapasok na
ay tumigil na walang kibo at nakatungo. Inisip ni Matrena.

Suwitik ito, nahihiya pa, naghihintay ng mangyayari.

Nag-alis ng gora si Semel at umupo sa bangko na parang isang batang
mabait.

--Oy, Matrena,--aniya--pahahapunin mu ba kami?--Hindi pa ako kumakain.

Si Matrena ay hindi lumilingon na nagbububulong. Tumigil sa may
kusina, saka minasdang isa-isa, na iiling-iling at di kumikibo.

Nahalata ni Semel na galit ang kanyang asawa; nguni't anong gagawin?
Sapagka't walang may ibig, ay tinagnan niya sa kamay ang kasama at
sinabing:

--Maupo ka, kapatid. Humapon tayo.

Ang kasama ay naupong walang imik.

--Ano Matrena; hindi ka ba naghanda ng hapunan?

--Oo't naghanda ako; nguni't hindi sa iyo; ikaw ay naglasing hanggang
sa mawalan ka ng isip ... Ikaw ay bibili ng isang bagong balabal at
umuwi ka pa ng walang kapote. Sa ikalulugmok natin ay nagsama ka pa ng
isang hampas-lupa. Ako'y walang maipahahapon sa mga lasing.

--Siyana, Matrena; walang kailangang magsalita upang wala nang
pag-usapan. Lalong magaling ang itanong mo sa akin kung sino ang taong
ito.

--Pasimulan mong sabihin sa akin kung saan mo iniwala ang
kuwarta,--ang tugon ng asawa.

Dumukot si Semel sa bulsa at inilitaw ang tatlong _rublo_.

--Eto ang kuwarta; si Trofimoy ay hindi nagbayad, nangako sa akin
bukas na.

Si Matrena ay lalong nag-init. Sa aba ng balabal, at pati ng
kaisa-isang kapote ay ibinigay pa sa isang hampas-lupa na dinala rini
sa ikadaragdag sa hirap. Eto ang kuwarta at saka dinugtungan.

--Wala akong hapunan; hindi ako makapagpapakain sa mga hampas-lupang
lasing.

--Oy, Matrena, huwag kang maingay at dinggin mo iring aking sinasabi!

--Ako! Makinig ng mga kaululan ng isang walang hiyang lasing! May
matuwid ako na umayaw na maging asawa kita! Iniwanan ako ng aking ina
ng pambili ng damit at iniinom mo ng alak; ngayo'y bibili ka ng isang
balabal at iniinom mo rin.

Hindi magawing maipaaninaw ni Semel, na dalawampung _kopek_ ang
kanyang iniinom at gayon din na kung paanong kanyang nasumpungan ang
kanyang kasama; ayaw paraanin ni Matrena ang kanyang salita,
sunud-sunod ang kanyang salita, sunud-sunod kung tugunin siya. Pati
nuong nangyari ng may sampung taon, ay ipinamumukha pa sa kanya.
Salita pa ng salita, at saka tinagnan si Semel sa manggas.

--Isauli mo sa akin ang suot ko, wala kundi iyan at kinuha mu pa; siya
mo ngayong suot, asong galisin. Hindi ka pa tangayin ng diyablo!

Huhubdin na ni Semel; binaltak ng asawa at natastas ang mga tahi; sa
katapus-tapusan ay tinagnan ni Matrena ang suot, isinuot at napasa
dakong pinto upang yumaon, nguni't agad napatigil sa galit; wari ibig
makipagkaalit kahi't kanino at mabatid kung sino ang taong yaon,



IV

Tumigil si Matrena sa tabi ng pinid at nagsabing:

Kung iya'y mabuting tao, ay hindi sana hubad; magkakaroon man lamang
ng baro. Kung ikaw ay gumawa ng isang mabuting gawa, ay sasabihin mu
sana sa akin kung saan nanggaling ang palaboy na ito.

--May tatlong oras nang sinasabi ko sa iyo, nguni't di mo ako
dinidinig. Nagdaraan ako sa tabi ng simbahan, ay nakita ko ang
binatang ito na halos naninigas at hubad; wala nga tayo sa panahong
tag-araw. Inakay ako ng Diyos sa kanya; na kung di gayon ay namatay
sana ito ngayong gabi. Anong gagawin ko? Siya'y aking binihisan,
binalabalan at aking ipinagsama. Tumahimik ka nga, Matrena, iya'y
isang kasalanan. Tayong lahat ay para-parang mamamatay.

Si Matrena ay nagbuka ng bibig upang sumagot. Biglang napatingin doon
sa di kilala at tumahimik. Nakaupo sa bangko na di umiimik, Ang
kanyang dibdib ay nanlalaki, halos magputok, na nakayakap ang mga
kamay sa mga tuhod, nakatungo ang ulo, naka-pikit ang mga mata, na
parang napipighati. Napatahimik si Matrena. Siya'y malugod na
pinagsabihan ni Semel.

--Matrena; nawala na ba kaya ang Diyos sa iyong kalooban?

Pagkarinig nito ng asawa ay napatingin doon sa di kilala, na
nakatingin naman sa kanya, at ang kanyang kalooban ay nabagbag. Siya'y
muling nasok at upang maghanda ng hapunan. Siya nga ay naghain at
kanyang inihain ang kahuli-hulihang tinapay.

--Hala, kumain ka,--ang sabi.

Binatak ni Semel ang binata hanggang sa dulang.

--Lumapit ka kapatid.

Pumutol ng tinapay, binasa at nagpasimulang kumain.

Si Matrena ay naupo sa isang sulok na nakapangalumbaba at nakapatong
ang mga siko sa mga tuhod saka minasdan yaong hindi kilala.

Nagdalang habag siya; at nagtaglay siya ng habag sa kaaba-abang yaon.
Agad nagalak ang kalooban ng di kilala at pagtataas ng ulo ay
tuminging napangiti doon sa abang babae. Pagkatapos ng pagkain ay
iniligpit ng asawa ang mga pinggan at nagsabing:

--Saan ka nanggaling?

--Ako ay hindi tagarito.

--Bakit nasa tabi ka ng simbahan?

--Hindi ko masabi.

--Sinong naghubad sa iyo?

--Pinarusahan ako ng Diyos.

--At hubad ka na bang ganyan?

--Nanatili ako roong hubad. Ako'y naninigas sa ginaw, nakita ako ni
Semel at nahabag sa akin; isinuot sa akin ang kanyang damit at
pinasunod ako sa kanya. Ikaw ay nagdalang habag sa aking hirap; iyo
akong pinakain at pinainom. Pagpalain ka nawa ng Diyos!

Si Matrena ay tumindig, binuksan ang kanyang baul at kinuha ang limang
baro ni Semel na kanyang sinursihan at upang maisuot sa kinabukasan,
kinuha ang salawal at pagkabigay niya ng mga yaon doon sa di niya
kilala ay magiliw na sinabing tanggapin mo, nakita kong wala kang
baro; magbihis ka at mahiga ka kung saan mo ibig, sa bangko o sa
kusina.

Nag-alis ng balabal ang di kilala, isinuot ang baro at nahiga sa
bangko. Pinatay ni Matrena ang ilaw at sinunggaban ang balabal at
nahiga sa silid sa siping ni Semel; ginamit ang balabal nguni't hindi
makatulog; ang sumasaulo niya ay yaon di kilala at saka kanyang
naiisip na naubos ang lahat ng tinapay na nalabi at wala silang
makakain sa kinabukasan. Naibigay pa ang baro at salawal ni Semel;
siya'y namamanlaw at hindi mapalagay. Nguni't sa pagkaalala niya ng
ngiti niyaong taong hindi kilala ay nasiyahan ang kanyang loob.
Maluwat-luwat na di nakatulog si Matrena. Si Semel man ay hindi rin
makatulog at namimilipit sa balabal.

--Semel!

--Ay!

--Ating naubos ang lahat ng tinapay. Hindi ako nagtinapay ngayon.
Anong gagawin natin bukas? Manghihiram ba kaya ako kay Melania ng
ating makakain bukas?

--Bahala na. Hindi magkukulang ng pagkain.

Sandaling napatahimik.

--Tila mabuti ang taong ito.

--Bakit kaya ayaw magsabi kung sino siya?

--Walang salang siya'y pinagbabawalan.

--Semel!

--Ano?

--Tayo'y nagbibigay, at sa atin ay walang nagbibigay.

Walang naisagot si Semel.

--Siya ka na ng kauusap,--ang sabi, saka pumihit.

At nangakatulog.



V

Si Semel ay gumising na maaga; natutulog pa ang mga bata; ang asawa'y
yumaon upang manghingi ng tinapay sa kapitbahay; yaon lamang di kilala
ang nakaupo sa bangko, na nakatingala sa kisame. Ang kanyang
pagmumukha ay lalong tiwasay kaysa tinalikdang araw.

Sinabi ni Semel:

--Ano nga kapatid; ang tiyan ay nangangailangan ng pagkain at ang
katawa'y nangangailangan ng damit. Kailangan ngang mamuhay, magkasiya
sa sarili. Marunong ka bang gumawa?

--Wala akong nalalaman.

Idinilat ni Semel ang mga mata at nagsabing.

--Natututuhan ang balang ibigin, kailan ma't di kukulangin ng
pagkukusa.

--Lahat ay nagsisigawa; gagawa rin akong gaya ng iba.

--Anong pangalan mo?

--Mikhail.

--Kung gayon, Mikhail, ayaw kang magsabi ng anuman tungkol sa iyong
buhay, mabuti, nguni't kailangang kumain; kung susundin mo ang aking
sasabihin, ay aampunin kita.

--Tulungan ka nawa ng Diyos! Turuan mo ako, ituro mo sa akin ang di ko
nalalaman.

Sumunggab si Semel ng kanyamo at binaluktot.

--Ito'y hindi gawain noong isang Huwubes; tignan mo.

Tinagnan ni Mikhail, tuloy inabot ang kanyamo, binaluktot, at agad
itinuro sa kan ya ni Semel ang pagtabas, pagtahi, pagbutas,
paglalapat ng suwelas, at pag-aanyo ng tahi. Sa ikatlong araw ay
natutuhang lubos ni Mikhail ang buong paraan ng paggawa; ang kanyang
kaliksihan ay gayon na lamang, na parang isang daan nang taong
manggagawa ng sapatos. Walang sinayang na sandali; kaunti kung kumain.
Pagkatapos ng kanyang gawa ay tumatabi sa kanyang sulok na nakatungong
walang imik; bahagya nang magsalita, hindi tumatawa kailanman; hindi
umaalis sa bahay; at hindi siya nakitang ngumiti, kundi miminsan,
nuong unang gabi na pahapunin siya ng asawa ni Semel.



VI

Nagdaan ang araw at araw, linggo at linggo hanggang sa umabot ng isang
taon. Si Mikhail ay patuloy pa rin ng pagtulong sa bantog na kay
Semel; walang ibang nakagagawa ng magagaling at matitibay na bota na
makahihigit pa kay Semel. Sa tanaw lamang ay kilala na siya at
unti-unting yumaman si Semel.

Isang araw ng tag-inaw, na gumagawang magkatulong ang dalawang
magpanginoon, ay sa darating ang isang _voyok_ o karwahing hila ng
tatlong magagaling na kabayo, na nagtutunugang masaya ang mga
kampanilyang nakakuwintas, at sa titigil sa harap ng pintuan nila.
Bumaba sa piskante ang isang alila na nagbukas ng pinto, at ang sakay
na isang _barini_ o isang maharlika ay bumaba na nababalot ng isang
magaling na balabal. Nanhik sa hagdanan. Binuksan ni Matrena ang
pintuan. Ang _barini_ ay yumuko na nasok at tumayong matuwid; ang ulo
ay halos masukdol sa kisame at nalalaganapan niyang mag-isa ang isang
sulok ng kabahayan. Si Semel ay bumating may pagkamangha sa _barini_.
Kailanman ay di siya nakakita ng taong gaya niyaon. Si Semel ay
natigilan, si Mikhail ay walang imik; si Matrena ay naging parang
isang tuyong punong kahoy. Ang taong yaon ay masasabing parang galing
sa ibang mundo; ang kanyang pagmumukhang malaki at mabilog at ang
kanyang leeg-toro ay nakapaglalarawan sa kanya ng isang kakaibang
taba.

Pagkahinga ng buong lakas ay nag-alis ng balabal ang _barini_, naupo
sa bangko at nagsabing:

--Sino sa inyo ang maestro sapatero?

Si Semel ay lumapit.

--Ako po, Kagalang-galang.

Tinawag ng _barini_ ang kanyang alila; iabot mo sa akin ang katad,
Fedka.

Dinala ng alila ang isang balutan, inilapag sa hapag (mesa).

--Buksan mo ang balutan.

Ang alila ay sumunod.

Itinuro ng _barini_ kay Semel ang katad.

--Nakikita mo bang maigi, magsasapatos?

--Opo, Kagalang-galang.

--Nakikilala mo ba kung anong uri iyan?

Pinitik ni Semel ang katad at nagsabing:

--Iyan po ay pinakamabuting uri.

--Oo nga, iya'y pinakamabuting uri, tulig; kailanman ay hindi ka
nakakita ng gaya niyan; iyan ay katad na galing sa Alemanya, nalaman
mo ba? Ang halaga ng katad na iyan ay dalawampung _rublo_.

Si Semel ay natatakot-takot na tumugon:

--Paanong ibig ninyong kilalaning ko?

--Mabuti. Maigagawa mo ba kaya ako ng mga bota sa katad na ito?

--Opo, Kagalang-galang.

Ang _barini_ ay nagbigkas.

--Mangyari! Tignan mong mabuti ang tao na nagpapagawa sa iyo niyan at
pati ng kainaman ng katad na iyan; igawa mo ako ng mga bota na
magluluwat ng isang taon; na isang taon kong magagamit na hindi man
lamang masisira o mapapahiwid. Kung magagawa mo ay tanggapin mo ang
katad na ito at iyong tabasin; kung hindi naman ay iyong tanggihan.
Aking ipinagpapauna sa iyo, na kung ang mga botang iyan ay masira bago
mag-isang taon ay ipapasok kita sa bilangguan, kung magtagal sa akin
ng isang taon ay pagkakalooban kita ng sampung _rublo_.

Si Semel ay nagitla, nagdili-dili, hindi niya malaman ang gagawin.
Tinignan niya si Mikhail, kanyang siniko at itinanong kung maaaring
tanggapin o hindi.

Tinanguan siya ni Mikhail, at tinanggap ni Semel na nangako na kanyang
gagawing mga bota na hindi masisira o mapapahiwid man lamang sa loob
ng isang taon.

Tinawag ng _barini_ ang alila. Iniunat ang kanyang paa, at nagsabing
kung gayon ay sukatan mo ako, ang paa ng _barini_ ay napakalaki na
nangailangang gumupit pa ng ibang papel bagaman ang una ay napakalaki
na. Sinukat ni Semel ang talampakan, ang ibabaw ng paa at saka sinukat
ang binti; nguni't ang papel ay hindi nag-abot na maigi, ang binti ay
napakataba. Habang kinukunan ng sukat ni Semel, ay lilingap-lingap ang
_barini_ sa lahat ng dako. Namataan si Mikhail.

--Sino ito?--ang tanong.

--Siya kong manggagawa--ang sabi ni Semel.

--Magpakaingat ka! Dapat magluwat ng isang taon.

Tinignan ni Semel ang pagkatungo ni Mikhail at kanyang nahalata na
wala sa loob nito ang _barini_, kundi nakatingala siya sa ulunan ng
_barini_ na parang may nakikita siya. Si Mikhail ay tingin ng tingin.
Agad napangiting masaya.

--Anong ikinatatawa mo?--ang tanong ng _barini_. Pag-ingatan mo, na
ang mga bota ay iyong mayari sa takdang panahon.

Si Mikhail ay sumagot:

--Mangyari, kailanman at kailanganin.

--Mangyari,--ang bigkas ng barini na sabay isinuot ang balabal.
Tumungo sa may dakong pinto; nguni't nakalimot yumuko, at naumpog ang
ulo sa halang, na anupa't nagbubulong sa galit. Agad lumamig ang ulo,
kinuskos ang noo at sumampa sa _vosok_.

Pagkaalis ng _barini ay sinabi ni Semel_.

--Ito nga ang matibay na parang puno ng kahoy; nasira ang halang at
bahagya nang naramdaman.

At sinabi ni Matrenang:

--Sa taglay niyang pamumuhay ay mabuting tao kaya? Parang bakal mandin
at di madadaig ng kamatayan ng gayun-gayon lamang.



VII

Hinarap ni Semel si Mikhail.

--Tinanggap natin ang biling ito,--aniya,--baka tayo'y mapahamak. Ang
katad ay mahal, ang _barini_ ay magagalitin; huwag lamang tayong
magkamali ay ... Ang iyong mata ay malinaw kaysa akin; ang iyong kamay
ay lalong tumpak; naito ang sukat, tabasin mo ang katad at samantala
ay gagawing ko ang iyong ginagawa.

Sumunod si Mikhail, tinagnan ang katad, iniladlad at pinasimulang
tinabas.

Tinitignan ni Matrena, na hirati sa gayong gawain, at ikinamangha na
tinabas ni Mikhail ang katad sa isang anyo na hindi magagamit na
pambota. Ibig niyang magsalita, nguni't kanyang naisip:

--Marahil ay hindi ko naulinigan kung anong anyo ng bota ang kailangan
ng _barini_; nalalaman ni Mikhail ang ginagawa, at hindi ko siya
pakikialaman.

Ginawa ni Mikhail na isang susuutin sa paa at tinahing parang
sandalyas. Namangha si Matrena, nguni't hindi siya pinakialaman, at
ipinagpatuloy ni Mikhail ang pagtahi. Dumating ang oras ng pagkain.
Tumindig si Semel at kanyang napuna na ginawang sandalyas ni Mikhail
ang katad at hindi ginawang bota, bagay na nakapagtataka sa isang tao
na kailanman ay hindi nagkamali. Si Semel ay nakapagbigkas tuloy ng
isang badyang pamangha.

--Ating nasira ang katad; ano kayang sasabihin ko sa _barini_? Saan
kaya ako makakasumpong ng ganyang katad?

At sinabi kay Mikhail.

--Anong ginawa mo. Ako'y iyong ipinahamak, katoto. Hinihingan ako ng
_barini_ ng bota. Nasaan?

Noon nga ay may tumuktok sa pintuan. Sa dungawan ay nakita ang alila
ng _barini_, na nagtatali ng kanyang kabayo sa pintuan. Pinagbuksan ni
Semel at ang alila ay patang-pata sa pagod.

--Magandang gabi po, suki.

--Magandang gabi rin pu naman. Anong nangyayari?

--Inutusan pu ako ng asawa ng _barini_ upang kunin ang mga bota.

--Ang mga bota?

--Opo, hindi na pu kailangan ng _barini_; hindi na pu niya maisusuot.
Nais sa inyo ng asawa ng barini na humaba nawa ang inyong buhay.

--Hindi pu nagawing dumating na buhay sa bahay. Namatay sa _vozok_ o
karwahe. Dumating kami, aking pinagbuksan at nakita kong nakatimbuwang
at bangkay. Pinaghirapan namin ng paglalabas sa _vozok_. Inutusan ako
sa inyo ng asawa ng _barini_, na sinabing:--Pumaroon kang sabihin mo
sa magsasapatos, na ang gawin ay sandalyas na pansuot sa bangkay at
huwag bota na gaya ng ipinasadya ng _barini_. Sabihin mong
ipagmadalian. Ikaw ay maghintay at dalhin mo ang mga sandalyas.

Dinampot ni Mikhail ang sandalyas at pati ng pinagputulang katad,
binalot na lahat at iniabot ang balutan sa alila, na naghihintay:

--Adiyos mga kapatid, tulungan nawa kayo ng Maykapal.



VIII

Nakaraan ang isang taon, dalawa, at may anim nang taon na si Mikhail
ay na sa bahay ni Semel. Ang buong pamumuhay, ay di rin nagbabago.
Kailanma'y hindi siya umaalis. Bahagya nang magsalita at mamakalawa
lamang napangiti, na ang una, ay ng hainan siya ng asawa ni Semel, at
ang ikalawa'y ng dumalaw ang _barini_. Si Semel ay tuwang-tuwa sa
kanyang pangulong manggagawa at di niya tinatanong kung saan galing;
iisang bagay ang kanyang pinapanimdim, na baka si Mikhail ay lumayas.

Isang araw ay nagkakapisan silang lahat. Ang mga bata ay naglalaruan
at nangaghahagaran sa mga bangkong malapit sa mga dungawan. Si Matrena
ay nagpapainit ng mga bakal na pambaluktot; si Semel ay may hawak na
pambutas; at si Mikhail ay nagtatapos ng isang takong. Isa sa mga bata
ay humilig sa balikat ni Mikhail na nasa tabi ng dungawan at
nagsabing:

--Tignan mo, Mikhail, naito ang isang tindera na may kasamang dalawang
batang babae; tila mandin paparito sa atin. Isa sa mga batang babae ay
pipilay-pilay.

Pagkarinig ng mga salita ng bata ay iniwan ni Mikhail ang gawain at
dinungaw. Si Semel ay napataka; si Mikhail ay hindi nanunungaw
kailanman at ngayo'y nakikita niyang nakadukwang. Si Semel ay
nakidungaw rin. Kanyang nakita nga, na may isang babaing lumalapit, na
maigi ang pagkabihis at may kasamang dalawang batang babae na
nangababalabalan ng katad at nangakapamindong sa ulo ng panyong lana.
Ang dalawang bata ay magkamukha at halos hindi mawari ang pagkakaiba
nilang dalawa, nguni't ang isa sa kanila ay napipilay at kinakaladkad
ang paa.

Ang babae ay tumigil sa pintuan, ibinukas ang pinto, at nasok na
kasunod ang dalawang bata.

--Magandang umaga po, mga maestro,

--Dumating nawa kayo ng maligayang oras. Anupung sadya ninyo?

Ang babae ay naupo, at ang mga bata ay hindi humiwalay sa kanyang
siping.

--Ititingin ku po ng sapatos ang mga batang ito.

--Kailanman po ay hindi kami gumawa ng napakaliit, nguni't maigagawa
namin kayo ng inyong ibigin. Amin pung titignan kung maigagawa namin
kayo ng aporong basahan o ng katad. Sabihin ninyo ang inyong ibig. Si
Mikhail na aking pangulong manggagawa ay totoong matalino.

Lumingon si Semel at nakita niya na walang kaalis-alis ang mata sa mga
bata.

Si Semel ay napamangha ng higit at higit. Tunay na ang mga munting
batang yaon ay magaganda, nakatutuwa, may mga pisnging namumula-mula
at maiitim ang mata; ang mga balabal at ang mga pamindong ay
napakarikit, nguni't hindi niya maunawa kung bakit nakahalina ng gayon
na lamang kay Mikhail, na para bagang kilalang-kilala na niya. Si
Semel ay nakipagsalitaan sa babae at kanyang kinuha ang sukat.

Kinalong ng babae ang pilay at nagsabing:

--Kunan ninyo ng dalawang sukat ito.

Igawa ninyo ng isang sapatos ang paang pilay at tatlo ang magaling,
sapagka't kambal ay magkapara ng sukat.

Pagkatapos na masukatan, ay nagtanong si Semel na nakatingin sa pilay:

--Anu po ang ikinapilay? Ipinanganak na pu bang ganyan?

--Hindi po, natuntungan ng kanyang ina.

Si Matrena, na nakakapakinig ng salitaan ay nakisagot.

--Sino ka,--aniya--at sinu-sino ang mga batang ito? Ina ka ba nila?

--Ako'y hindi nila ina o kamag-anak man; sila'y mga inari kong anak.

--Diyata't pinakaiibig mong maigi ay hindi mga kadugo?

--Bakit hindi ko iibigin sila? Pinasuso ko sila ng aking gatas. Ako'y
nagkaanak ng isang lalaki na kinuha sa akin ng Diyos; hindi ko totoong
inibig na gaya ng mga ito.

--Kanino ngang anak sila?



IX

Si Matrena ay nakipagsalitaan sa babaing yaon, na nanalaysay ng
ganito;

--May anim na taon nang ulila sila. Ang ama ay namatay ng martes at
ang ina ay ng biyernes. Sila'y naulila sa ama bago naipanganak at ang
kanilang ina ay hindi nabuhay ng isang araw man lamang pagkapanganak
sa kanila. Nuon nga ay nakatira kami ng aking asawa sa nayong yaon, at
sila'y aming kakapit-bahay. Ang ama'y gumagawa sa gubatan, at
nabuwalan ng isang punong-kahoy; nasaktan ng di kawasa na anupa't
pag-dating sa bahay ay inihandog ang kanyang kaluluwa sa Diyos. Ang
kanyang asawa'y nanganak pagkaraan ng tatlong araw, na ang mga ito ang
naging anak. Mga kaawa-awa at walang mag-andukha. Sa palibot ng
kanilang higaan, ay walang hilot o alila; nanganak na mag-isa. Dinalaw
ko kinaumagahan, ako'y pumasok at aking natagpuang patay na ang abang
babae. Pagkamatay ay nadaganan ang munti at napilay ang paa nito.
Dinaluhan ng mga tao, inayos ang bangkay, isinilid sa kabaong at
ibinaon sa lupa. Ang mga kapitbahay ay mabubuting tao, nguni't ang mga
sanggol ay naulila at walang mag-andukha. Ako nga ang tanging
nag-alaga sa kanila; nagpapasuso ako ng aking panganay at ipinakisuso
ko sila. Ang mga _mujik_ ay nagtitipon, nagsalitaan, nagsanggunian
kung ano ang marapat gawin sa kanila, at ito ang sinabi sa akin:

--Ikaw na ang bahalang mag-alaga sa mga sanggol na ito, iyong
pasusuhin at mapagiisip-isip mo ang lalong magaling. Napasuso ko na
ang una, nguni't ang isa, ang abang pilay ay hindi pa, hindi ko
akalaing mabuhay, nguni't agad iniwaksi ko ang aking katigasang-loob;
dumadaing at aking kinahabagan. Bakit maghihirap iyang kaluluwang
anghel? Aking pinasuso at inalagaan ang tatlo, ang aking anak at ang
mga ulila, ako nuo'y bata at malakas, kumain akong mabuti at nagkaroon
ako ng saganang gatas, at ako'y pinagpala ng di kawasa ng Panginoon.
Pinasususo ko ang dalawahg bata at naghihintay ang ikatlo, pagkabusog
ng dalawa, ay saka ko pinasususo ang ikatlo at ipinagkaloob sa akin ng
Diyos na sila'y aking mabuhay. Ang aking anak ay namatay pagkaraan ng
dalawang taon, at hindi na ako pinagkalooban, pa uli ng Diyos ng anak.
Habang ito'y nangyayari ay bumubuti ang aming pamumuhay, ngayo'y
natitira kami sa isang alilisan, sa bahay ng isang may tindahan.
Binabayarang kaming mabuti at ang aming buhay ay tiwasay, nguni't wala
akong anak. Sinu pang aking lilingapin kung wala ang mga batang ito?
Wala nga akong mga kasama. Bakit ko nga di ibigin at mahalin sila?
Sila ang mga anino ng aking mata at ligaya ng aking buhay.

Niyakap ng babae ang mga bata, hinagkan ang pilay at naglaro ang luha
sa kanyang mga mata.

Nabubuhay ang walang ama at walang ina; hindi nabubuhay ang walang
Diyos, anang kawikaan.

Gayon nagsalitaan at humanda na ng pag-alis ang babae. Sa paghahatid
sa kanya nina Semel ay nalingunan si Mikhail na nakayakap ang mga
kamay sa mga tuhod, ang mga mata'y nakatirik sa langit at nakangiti.



X

Siya'y nilapitan ni Semel at pinagsabihan.

--Anong ginagawa mo, Mikhail?

Tumindig si Mikhail, iniwan ang ginagawa, nag-alis ng tapi, yumukod sa
mag-asawang panginoon niya at nagsabi sa kanilang:

--Patawarin ninyo ako, mga panginoon, pinatawad na ako ng Diyos.
Patawarin naman ninyo ako.

Napagkita nina Semel, na si Mikhail ay nagliwanag. Tumindig si Semel,
yumukod sa kanya at nagsabing:

--Napagkikita ko, Mikhail, na ikaw ay isang taong di gaya ng iba, at
hindi kita mapipigil sa aking piling o matatanong man. Sabihin mo
lamang sa akin: Bakit ikaw ay napakawalang-imik, at totoong gitla ng
ikaw ay aking matagpuan at ipagsama sa aking bahay?

--Bakit ka pinagsaulian ng loob, ng hainan ka ng aking asawa ng
pagkain? Nuon nga'y napangiti ka at sumigla ang iyong kalooban.

Saka ng pumarito ang _barini_, na magpasadya ng mga bota ay napangiti
kang muli at lalong sumigla ang iyong kalooban, at ngayong dalhin dito
ng babaing ito ang mga bata ay napangiti kang makaitlo at nagliwanag
ang iyong mukha. Sabihin mo sa akin, Mikhail. Bakit sumisilang sa iyo
itong dalisay na liwanag at bakit ka ngumiting makaitlo?

At sumagot si Mikhail.

--Sumisilang sa akin ang liwanag, sapagka't ako'y naparusahan;
hinatulan ako ng Diyos at ngayo'y pinatawad na ako; ako'y napangiting
makatatlo sapagka't dapat akong makarinig nga ng tatlong salita ng
Diyos at aking nangarinig. Narinig ko ang una ng mahabag ang iyong
asawa sa aking kaabaan, yaon nga'y una kong ikinangiti. Napangiti
akong muli ng pumarito ang _barini_, sapagka't naihayag sa akin ang
ikalawang salita; at ngayon, pagkakita ko sa mga bata ay ikinangiti
kong pangatlo sa pagkarinig ko ng ikatlong salita ng Diyos.

Tinanong siya ni Semel: sabihin mo sa akin, Mikhail kung bakit ka
pinarusahan ng Diyos at kung anong mga salita ito upang malaman ko
naman.

Si Mikhail ay sumagot:

Pinarusahan ako ng Diyos dahil, sa aking paglabag. Sa langit ay isang
anghel ako, at siya ay aking sinuway. Nuon ay isa ako sa mga anghel sa
langit at sinugo ako ng Diyos sa isang kaluluwa, sa kaluluwa ng isang
babae. Bumaba ako sa lupa at nakita ko ang isang babae na nakalugmok
sa higaan, may sakit at kapanganganak lamang sa dalawang batang babae.
Ang mga ito ay nangagsisihibik sa tabi ng ina, at siya'y napakahina na
di niya mapasuso sila. Pagkakita sa akin ay nataho na kailangan ng
Diyos ang kanyang kaluluwa; tumangis at nagsabi sa aking namamanhik:

Anghel ng Diyos, ang aking asawa ay namatay, na nabuwalan ng isang
punong-kahoy sa gubat; ako'y walang ina, o kapatid, o ali: ang aking
mga ulila ay walang inaasahan, liban sa aking abang kaluluwa: pabayaan
mo akong mapalaki ko ang aking mga anak; ipagpaubaya mong sila'y
makalaki sapagka't ang mga bata ay hindi maaaring mabuhay ng walang
ama o ina.

Sinunod ko ang babae, ipinatong ko ang isang anak sa kandungan at ang
isa'y sa kanyang bisig; muli akong napailanlang sa langit, at pagharap
ko sa Panginoon ay sinabi kong: Hindi ko nagawing dalhin ang kaluluwa
ng nanganak. Ang ama'y namatay, siya'y may dalawang anak na kambal at
ipinamanhik sa akin na siya'y pabayaan kong mabuhay hanggang sa
mapalaki niya ang kanyang mga anak na hindi mangyayaring mabuhay ng
walang ama o ina. Hindi ko nga dala ang kaluluwang iyan.

Sinagot ako ng Diyos:

Ikaw ay yumaon at dalhin mo sa akin ang kaluluwa ng inang iyan, at
mapagkikilala mo ang tatlong salita ng Diyos; iyong malalaman ang
_sumasa mga tao, ang hindi ipinabatid sa tao at ang bumubuhay sa tao_.
Pagkakilala mo ng tatlong salitang ito ay babalik ka sa langit.

Nagbalik ako sa lupa at dinala ko ang kaluluwa ng abang ina. Ang mga
bata ay nagsibitiw sa sinapupunan ng ina at ang bangkay, sa pagkabuwal
sa tagilirang kaliwa, ay nadaganan ang paa ng isa sa mga bata. Ng
ako'y nakatayo sa may dakong itaas ng nayon upang dalhin ang kaluluwa
sa Maykapal ay hinadlangan ako ng isang buhawi, nanghina ang aking
pakpak at nangatikom: Ang kaluluwa ay naipalanlang sa langit, at ako'y
napalugmok sa lupa sa tabi ng lansangan.



XI

At napag-unawa nga ni Semel at ni Matrena kung sino yaong kanilang
binihisan at pinakain at kung sino yaong kasama nila. Sila'y napaiyak
sa kagalakan at katuwaan, at ang anghel ay nagpatuloy ng pananalita:

Ako'y nanatiling mag-isa at hubad na nasa daan. Nuo'y hindi ku pa
kilala ang anumang kahirapan ng tao, ang ginaw o ang gutom man. Ako'y
naging tao, nagdamdam ako ng gutom at di ko malaman kung anong
gagawin. Nakakita ako ng isang simbahan, na itinalaga sa Walang
Hanggan at inisip kong tumuloy roon. Ang pinto ay nakatalasok.
Sapagka't hindi ako makapasok ay naupo ako sa pintuan at pinagsikapang
kong duon makasilong; gumabi, nagdamdam ako ng ginaw, nagdamdam ako ng
gutom, ininda ko, at ako'y nanginig. At ang hirap ay sumaakin. Agad
akong nakarinig ng yabag sa daan; may dumarating na isang tao; may
dalang mga bota at nagsasalitang ang mga ngipin ay nagngangalit. Nuon
ako nakakitang una ng mukha ng taong may kamatayan, at kung sa bagay
na ako'y tao na rin ay natakot pa rin sa mukhang yaon, Inilingon ko
ang aking ulo at aking narinig, na nagsasalitang laban sa akin.

Paanong pakakanin ko ang aking asawa at, aking mga anak? Paanong
kakandilihin ko sa ginaw ng taginaw ang mga nanginginig na sangkap
namin ng katawan? At inisip kong:

Ako'y namamatay sa ginaw at gutom at naito na dumaraan ang taong ito
na ang iniisip lamang ay ang kanyang kailangan at di matutuhan ang
ako'y saklolohan.

Nakita ako ng nagdaraan, nagkunot ng noo, nag-anyong marahas at
nagpatuloy ng paglakad ... Nawalan ako ng pag-asa. Pagdaka'y nakita
kong bumalik, siya'y aking tinignan at hindi ko nakilala: Ang kanyang
mukha ay patay ng una at nakita kong nagliwanag ng larawang Diyos. Ang
nanauling buhay ay lumapit sa akin, binihisan ako, tinagnan ako sa
mga kamay at ipinagsama ako sa kanyang bahay. Ang kanyang asawa ay
nasa sa pintuan ng dampa at nangusap: ang babaing yaon ay lalong
kakila-kilabot kaysa lalaki; ang anyo ng kamatayan ay nabubuka sa
kanyang bibig, ang anyong nakamamatay ng kanyang mga salita ay umiinis
sa akin, at ako'y nanlupaypay; inibig niyang mahandusay na muli ako sa
ginaw, sa hirap, sa kamatayan, at aking napag-unawa na siya man ay
mamamatay rin sa pagtataboy sa akin. Agad pinagsalitaan siya ng
kanyang asawa ng tungkol sa Diyos. Pagdaka'y nagbago ang babae;
hinainan ako ng pagkain at sapagka't ako'y tinitignan niya ay
tinitigan ko siya: ang patay ay muling nabuhay, at nakilala ko ang
Diyos sa kanyang mukha. At aking naalala ang salita ng Diyos: _Iyong
malalaman ang sumasatao_. Napagtalastas ko sa ganito na sumasa mga tao
ang pag-ibig. Naginhawahan ako sa pagkahayag ng isa sa mga salita ng
Diyos, at una kong ikinangiti; nguni't hindi ko napag-alamang lubos sa
isang sandali, hindi ku pa napag-uunawa _ang hindi ipinabatid sa tao
ni ang bumubuhay sa tao_.

Natira akong isang taon sa inyo; ang barini ay naparito na nagpasadya
ng mga bota, mga botang dapat magluwat ng isang taon na hindi man
lamang mahihiwid o masisira man. Tinignang ko siya at nakita ko sa
kanyang siping ang isa sa aking mga kasama, ang anghel ng kamatayan;
ako lamang ang nakakita; siya'y aking nakilala at aking napag-unawa na
bago lumubog ang araw ay mahihiwalay ang barini sa kanyang kaluluwa at
inisip kong:

Ang tao ay nagtitipon ng sa isang taon; nguni't di niya nalalamang
siya'y mamamatay sa paglubog ng araw.

At aking naalaala ang ikalawang salita ng Diyos: _Iyong malalaman ang
hindi ipinabatid sa tao_.

Ang _sumasatao ay nalalaman ko na_. Nalaman ko nuon ang _hindi
ipinabatid sa tao_. Hindi ipinabatid sa kanya ang pagkukulang sa
kanyang katawang ikinangiti ko.

Nguni't hindi ku pa batid, at hindi ku pa nauunawa _ang bumubuhay sa
mga tao_. Nabuhay ako sa paghihintay ng pahayag ng Maykapal, ng
huling salita ng Diyos. Sa ikaanim na taon ay naparito ang babae na
may kasamang dalawang batang kambal, aking nangakilala at napuna kong
sila'y nabuhay. Ng magkagayo'y aking naalamang lahat at inisip ko.

Namamanhik ang ina, dahil sa kanyang mga anak at aking dininig ang
ina; pinaniwalaan ko, na ang mga ulilang iyan ay natatalaga sa
kamatayan at naito, na sila'y pinakain at kinupkop ng isang babae, ng
isang di kilala.

At ng ang babaing iyan ay mapaiyak sa kabutihan, ng kanyang minahal at
kinahabagan, ay nakita ko sa kanya ang larawan ng Diyos at aking
napag-unawa _ang bumubuhay sa tao_. Aking napag-unawa na naipahayag sa
aking ng Diyos ang huling salita at iginawad sa akin ang kapatawaran
at siyang ikatlo kong pagkangiti.



XII

At ang anghel ay naghubad ng kanyang pagkalupa at nagbihis ng liwanag;
ang mga mata ng tao ay nangasilaw sa liwanag na yaon. Naglakas ng
kanyang tinig na parang galing sa langit at nagsabing; _At aking
naunawa, na ang tao ay hindi nabubuhay sa kanyang mga sariling
kailangan, kundi nabubuhay sa pag-ibig_.

Hindi alam ng ina ang bubuhay sa kanyang mga anak; hindi alam ng
barini ang kailangan; hindi alam ng sinumang tao na kung buhay sa
gabi, ay mangangailangan ng bota o kung patay ay sandalyas.

Ako'y nabuhay sa pagkatao, hindi sapagka't kinandili ko ang sarili,
kundi sapagka't inibig ng isang naglalakad at ng asawa niyaon;
nangahabag sa akin at ako'y inibig. Nangabuhay ang mga ulila sapagka't
nagkaroon ng isang babae na nagtaglay sa kalooban ng maningas na
pag-ibig. Nabubuhay ang mga tao, hindi sapagka't kinandili nila ang
sarili, kundi sapagka't ang pag-ibig ay kumandili sa kalooban ng mga
tao.

Alam ko kapagkaraka, na pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng buhay at
inibig niyang sila'y mangabuhay: ngayo'y napag-unawa ko na ayaw ang
Diyos, na ang tao ay mabuhay na mag-isa, at dahil dito ay inilihim
niya sa isa't isa ang kailangan. Ibig niya na ang bawa't isa ay
mabuhay sa ikagagaling ng mga iba at dahil dito ay inihahayag niya sa
isa't isa ng paminsan ang makabuluhan sa sarili at pati ng sa iba.

Napag-unawa ko nga na ang mga tao na may paniwalang nabubuhay sa
sariling sikap, ay hindi nga nabubuhay kundi sa ngalang pag-ibig. Ang
nabubuhay sa pag-ibig ay nabubuhay sa Diyos at ang Diyos ay nananahan
sa kanya, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig.

At ang anghel ay umawit ng pagpupuri sa Panginoon; umuga ang bahay sa
kanyang tinig, nabuksan ang bubungan at isang haliging apoy, ay
napailanlang sa kalawakan.

--Si Semel, ang asawa at ang kanyang mga anak ay paraparang nagsiluhod
sa lupa. Ang Anghel ay nagbukadkad ng kanyang malalaking pakpak at
umilanlang sa langit.

Ng pagsaulan ng malay-tao si Semel ay namasdan niyang ang bahay ay
gaya rin ng dati na walang linalaman liban sa kanya at sa mga dating
nangaroon.





*** End of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Sa Ano Nabubuhay Ang Tao" ***

Doctrine Publishing Corporation provides digitized public domain materials.
Public domain books belong to the public and we are merely their custodians.
This effort is time consuming and expensive, so in order to keep providing
this resource, we have taken steps to prevent abuse by commercial parties,
including placing technical restrictions on automated querying.

We also ask that you:

+ Make non-commercial use of the files We designed Doctrine Publishing
Corporation's ISYS search for use by individuals, and we request that you
use these files for personal, non-commercial purposes.

+ Refrain from automated querying Do not send automated queries of any sort
to Doctrine Publishing's system: If you are conducting research on machine
translation, optical character recognition or other areas where access to a
large amount of text is helpful, please contact us. We encourage the use of
public domain materials for these purposes and may be able to help.

+ Keep it legal -  Whatever your use, remember that you are responsible for
ensuring that what you are doing is legal. Do not assume that just because
we believe a book is in the public domain for users in the United States,
that the work is also in the public domain for users in other countries.
Whether a book is still in copyright varies from country to country, and we
can't offer guidance on whether any specific use of any specific book is
allowed. Please do not assume that a book's appearance in Doctrine Publishing
ISYS search  means it can be used in any manner anywhere in the world.
Copyright infringement liability can be quite severe.

About ISYS® Search Software
Established in 1988, ISYS Search Software is a global supplier of enterprise
search solutions for business and government.  The company's award-winning
software suite offers a broad range of search, navigation and discovery
solutions for desktop search, intranet search, SharePoint search and embedded
search applications.  ISYS has been deployed by thousands of organizations
operating in a variety of industries, including government, legal, law
enforcement, financial services, healthcare and recruitment.



Home