Home
  By Author [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Title [ A  B  C  D  E  F  G  H  I  J  K  L  M  N  O  P  Q  R  S  T  U  V  W  X  Y  Z |  Other Symbols ]
  By Language
all Classics books content using ISYS

Download this book: [ ASCII | HTML | PDF ]

Look for this book on Amazon


We have new books nearly every day.
If you would like a news letter once a week or once a month
fill out this form and we will give you a summary of the books for that week or month by email.

Title: Maring (Dangal at Lakas) - Ulirang Buhay Tagalog
Author: Tolentino, Aurelio, 1867-1915
Language: Tagalog
As this book started as an ASCII text book there are no pictures available.
Copyright Status: Not copyrighted in the United States. If you live elsewhere check the laws of your country before downloading this ebook. See comments about copyright issues at end of book.

*** Start of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Maring (Dangal at Lakas) - Ulirang Buhay Tagalog" ***

This book is indexed by ISYS Web Indexing system to allow the reader find any word or number within the document.



[Paliwanag ng Tagapagsalin: Ang mga bahagi ng teksto na may makakapal
na titik (boldface) ay ipinaloob sa mga =simbolong panumbas=.]



[Larawan: AURELIO TOLENTINO]


MARING


Kung dapat mang busugin ang =SIKMURA=, ay lalo na ang =PUSO= at ang
=UTAK=. Ang nobelang =MARING= ay napakasarap na pagkain ng damdamin
at ng pag-iisip.


HALAGA 40 CENT.



  MARING
  (DAÑGAL AT LAKAS)



  MARING
  (DANG̃AL AT LAKAS)

  ULIRANG BUHAY TAGALOG


  SINULAT NI
  AURELIO TOLENTINO


  IKATLONG PAGKALIMBAG


Kung ibig ninyong bumili ng iba’t ibang yaring damit o nobelang
Maring at iba pa ay pumarito kayo sa Mercado Yanco 237 Int. Tabora,
Maynila.



TAGUBILIN:


Ang aklat na ito ay aring tunay ng tatlong magkakapatid na Tolentino
(anak) at wala sino pa mang makapagpapalimbag nito kung wala silang
lubos na kapahintulutan.

                                      Ang Tagapangasiwa,
                                                  N. HILARIO.



PATUNGKOL


Sa inyó, mga kapatid kong bulaklak ng Pilipinas, sinag ng buhay,
sibol ng lambing at pagibig, hiwaga ng saganang bait at banal na
pagtitiis, mga babaying dangal ng kalinisan sa sangkatauhan, sa
inyo ko ipinatutungkol itóng walang kabuluhang aklat. Maliit na
lubha, palibhasa’y talagang maliit yaring pag-iisip. Gayon pa man,
kung inyong nanamnamin ang pinagdaanang buhay ni Maring si Maring
na diwa nitong kasaysayan, ay inaasahan kong kayo’y may kaunting
kabutihang pakikinabangan. Sa munting aklat na handog ko, ay inyong
makikitang maliwanag, na ang isang babaying marangal at may malakas
na kalooban, ay kahalintulad ng araw: sa kabila ng mga makakapal na
dilim at maraming bagyo ng ligalig at kahirapan, ay sumisikat na
maluningning, ligid ng puri, ligid ng biyaya, ligid ng lualhating
di mahulilip.

                                                   ANG KUMATHA.



Ang taong walang ibang binubusog kungdi tanging ang sikmura lamang,
ay hindi nabubuhay: tumutubo lamang parang damó. Upang magpakatao
ay kailangang busugin din ang puso at ang utak, sa pamamagitan ng
pagbása sa mga mabubuting aklat.

                                           =Aurelio Tolentino.=



  DANGAL AT LAKAS
  Ó
  MARING



KABANATANG I.

Napitas Ang Bulaklak


Noong taong 190... ay nanirahan sa nayon ng B., sakop ng Maynila
ang mag-asawang Pedro at Julia.

Marálita ang kaniláng pamumuhay palibhasa’y walang ibáng paghahanap
kungdi ang mamalakaya sa mga ilog at sa look ng Maynila.

Sila ay may bugtong na anak, uliran ng bait, si Maria na tinagurian
ng Maring.

Kung kaaya-aya man ang gandá ng kalooban ni Maring, ay lalo pa namán
kaaya-aya ang gandá ng kaniyang anyo, anyo ng bagong bumubukang
kampuput, at lalong-lalo pa yaong mukha niyang anaki’y mukhang angel,
mukhang pinagkalooban ng langit ng lubhang mapanghalinang dikit na
bihirang ipagkaloob sa taong kinapal.

Ang kaniyang mapupungay na mata ay anaki’y salamin ng pag-ibig,
anaki’y sibol ng lambing, anaki’y larawan ng bait.

At dahil nga sa gayón, ay pinag-ingatan yatang talagá ng palad, kaya’t
pinalamutihan sa dakong noó ng masinsin, nguni’t makitid na kilay
na hubog tari, at binakuran ng mayabong at malantik na pilikmatá,
akala marahil ng Maykapal ay upang huwag manganib sa puwing man
lamang yaong mga matáng kaniyang pinagpalang talaga.

Ang kaniyang mga ngiti ay ngiting langit: naghahandog sa kaharap ng
lugod na di mahulilip at walang hanggang tamis ng maamong kalooban,
lalo’t talagáng maririkit yaong kaniyang mga maliliit at masinsing
ngiping kinaiinggitan ng tunay na garing, at sinalitan ng isang
ngiping gintong ipinasadya ng kaniyang amá, upang malubos mandin
ang ganda noong napakatamis na bibig.

Kung lugay ang kaniyang mayabong na buhok, ay uma-abot hangang
sakong, malinis, maitim at makinang na anaki’y sarampuli ng mga
Lakhang-dalaga sa unang panahon.

Si Maring ay kayumangging maligat na namumula-mulá, at ang kaniyang
pangangatawán ay katatágan sa taas at sa bilog. Ang kaniyang mga
kilos ay mabining pawa, mahinhin at kalugod-lugod sa lahat ng bagay.

May isáng binata, bagong-taong basal na nagngangalang Gonsalo. Ito ay
maralita ring gaya nilá Maring, palibhasa’y gaya rin nilang walang
ibang paghahanap kungdi pamamalakaya sa mga ilog at dagat.

Si Gonsalo ay may mga tatlong taón ng nananhik ng ligaw kay Maring,
nguni’t hindi pinansin nitó ang kaniyang matapat na pagsuyo, at
kadalasang isagot sa kaniya ay ang kaniyang nais na makasuyo muna
sa kaniyang mga magulang.

Gayon pa man ay hindi tumatamlay ang pag-ibig ni Gonsalo, at sa
tuwing sábado, gaya rin ng dati, ay siya’y nananhik ng ligaw.

Isáng gabi ay nanhik din ng ligaw kay Maring si D. Eduardo Sanchez,
bagong-taong may mga dalawang puo’t-limang taóng gulang, makisig at
bantog sa bait, sa dunong at sa yaman.

Mga ilang buan pa lamang ang kaniyang panunuyo kay Maring ay sila’y
nagkaibigan.

Nahahalata ni Gonsalo ang gayon, kaya siya ay naglubay ng pagdalaw
kay Maring. Nguni’t palibhasa’y taimtim ang kaniyang pagsinta, ay
along nauuhaw ang kaniyang puso, ngayon hindi nakikita ang hantungan
ng kaniyang mga nais.

Isáng sábado si Gonsalo ay muli na namang nanhik ng ligaw kay Maring.

--Maring,--ang kaniyang samong anaki’y hibik.

--May mga tatlong taón nang ikaw ay aking dinadalanginan, saka
ngayon...

Hindi naituloy ang kaniyang malumbay na samo, at pagdaka’y biglang
namalibis yaong nabubungad na luhang kanina pa gumigilid sa kaniyang
mga pilik-mata.

Nai-inis ang kaniyang puso.

Bagá ma’t siya’y hindi sinisinta ni Maring, ay nahabag din ang
kaniyang kalooban sa kaawaawang binata.

--Ipagpaumanhin mo na sana sa akin ang hindi ko paglingap sa iyong
pag-ibig,--ang tugon ni Maring.--Akó’y hindi na maaring suminta
sa iyo.

--¿Bakit?,--ang tanong ni Gonsalo.

--Sapagka’t ako’y may sinisinta na,--ang pakli ni Maring.

--Oo nga,--ang sagot ni Gonsalo.--Si D. Eduardo Sanchez. Siya’y
mayaman at marunong, nguni’t ako’y dukha at mangmang.

--Hindi namán sa gayon,--ang amo ni Maring.--Pantay-pantay sa aking
balak ang lahat ng tao. Nguni’t ¿ano kaya ang gagawin, kung talagang
hindi isinagi ng palad sa puso ko ang sa iyo’y umibig? Kita’y
magmahalan na lamang na parang tunay na mag-kapatid.

--Hindi mangyayari,--ani Gonsalo.

--¿Bakit?,--ang tanong ni Maring.

--Ewan,--ang tugón ni Gonsalo,--nguni’t ikamamatay ko yata ang aking
pagkabigo sa iyo.

Maluwat na di nakaimik ang dalawa.

Si Maring ay nakayuko at kaniyang ginuguniguni si Eduardong minumutya
ng kaniyang puso; si Gonsalo ay nakayuku rin, at ginuguniguni namán
niya ang kaniyang nabigong pagsuyo kay Maring.

Itinalaghay ni Gonsalo ang kaniyang ulo at pinagmasdan ang kaniyang
kaharap.

--Maring,--aniya.--Ito’y kahuli-hulihan ko nang pagpanhik dito.
Nguni’t isinusumpa ko, na kung hindi rin lamang ikaw ang magiging
poon ng aking abang kapalaran, ay hindi na akó mag-aasawa kailang pa
man, at paka-asahan mo, na bagá ma’t ako’y malayo sa iyo, ay ikaw
at ikaw din ang dadalanginan ko habang buhay.

Si Gonsalo ay nagpaalam, at samantalang siya’y nananaog doon sa
hagdanang tatlong taóng pinapanhik niya tuwing sabado, ay matuling
namamalisbis sa kaniyang pisngi ang luha ng kaniyang nabigong pag-ibig.

--Kaawa-awa namán--ang buntong hiningá ni Maring.

Sapul noon ay hindi na nga nanhik ng ligaw si Gonsalo kay Maring;
nguni’t gabi-gabi ay nagdadaan siya sa tapat ng kaniláng bahay,
kungdi tatayo-tayo sa malayo, at kapag natanawan niya si Maring ay
saka pa lamang uuwi ng bahay. Siya’y parang nauulol mandín.

Isáng gabí ay dumalaw si D. Eduardo kay Maring at pinagkasunduan
niláng ipagtapat sa mga magulang ang kaniláng pagsisintahan, at
tuloy isamo ang kanilang kapahintulutan sa kanilang pag-iisang puso
sa harapán ng dambana ng Maykapal.

Noon ding gabing yaón ay pinakiharapan ng mag-asawang matanda si
D. Eduardo.

--Ipagpapaumanhin po nila,--ang simula nito,--ang aking kapangahasan
sa pag-harap sa inyo at pagtatapat ng aking nais.

--¿Anó yaón?,--ang tanong ng matandang Pedro.

--Marahil po,--ang sagot ni Eduardo,--huwag ko mang sabihin ay
batid na ninyo ang aking pagsuyo kay Maring, na kung ilán ng buwan
ngayong aming inaalagaan at binabakuran ng malinis na pagmamahalan;
at dahil sa gayón, ay hindi namin ikinahihiyang ipakiharap, maging
sa Maykapal, maging sa inyó po, at maging sa lahat ng tao.

“Akó po ay ulila sa ama’t sa ina. Kapatid ko ma’t kamaganak ay wala
ng natitira isá man kaya ako’y sabik na magkaroon ng magulang na
sukat suyuan habang buhay. Kung ito pong kaliitan ay inyóng maging
dapatin, at tangaping maging parang tunay na anak na kaisang-puso ni
Maring, ay pakaasahan po ninyóng wala ng mapalad na lalaking gaya
ko sa sang sinukuban”.

Tinawag ni matandang Pedro si Maring.

--Nagtapat si D. Eduardo,--aniya,--at sinabing kayo raw ay
nagkakasintahan. ¿Tunay nga baga?

Si Maring ay hindi nakasagot: siya’y dinaig ng alang-alang at
kahihiyang sa matandá.

--Sumagot ka,--ang ulit ng amá--¿Tunay nga bang kayo’y nagkakasintahan?

Linakasan ni Maring ang kaniyang kalooban.

--Tunay nga po,--ang kaniyang nahihiyang sagot.

--Isinamo niya,--ang dugtong ng matanda,--ang aming kapahintulutan
sa inyóng pag-iisang puso. ¿Anó ang balak mo sa gayong?

--Kayó po ang masusunod,--ang tugon ni Maring.

--Kung kami lamang ang masusunod,--ang dugtong ng matanda,--ay ibig
naming ikaw ay makitang dalaga habang buhay sa aming piling, upang
huwag kang mawalay ng kahit sandali sa aming mga matá. Gayón pa man
ay nababatid naming ang pakikipag-isáng puso ay katutubong talaga
ng tao, gaya ng aming pag-iisang puso ng iyong iná, at dahil dito,
ay hindi maaring ipagkait sa inyó ang aming kapahintulutan.

¿Sabihin pa kaya ang tuwa ng nagkakasintahang Maring at Eduardo? Para
na nilang nakikitang nabubuksán ang pintuan ng langit sa panahong
sasapitin.

Naganap ang tatlong sunod-sunod na tawag sa simbahan.

Samangtalang inihahanda ang lahat ng bagay na kailangan sa pagkakasal
ni Maring kay D. Eduardo ay parang linalason naman ang puso ni
Gonsalo.

Dalawang araw bago sumapit ang takdang araw sa kasal, ay dinalhán
ni D. Eduardo si Maring ng mga hiyas na pawang tinampukan ng mga
batóng brilyante at isang kabihisang damit na sadyang ipinasukat
kay Maring.

Kinagabihan, samangtalang sinisiyasat ang lahat na gagamitin sa
malaking piging na ihahanda, si Maring ay biglang nawala. Kinayag
ni Gonsalo ang dalawa niyang kaibigang matapat, inabangan nilá si
Maring at pagpanaog nitó ay kanilang biglang inagaw at dinala sa
bundok ng S. Mateo sa lalawigang Rizal.

¿Sabihin pa kaya ang tangis ng kaawa-awang Maring? Noong nakikita na
niyang nagliliwayway ang araw ng kaniyang buhay, ay biglang lumubog
at ang humalili ay dilim na tila wari walang katapusán.

Sa loob ng unang buwang pakikisama ni Maring kay Gonsalo sa bundok,
ay wala siyang ibang binabalak kungdi ang paghihiganti. Pinakataimtim
niya sa kalooban ang nasang patayin ang lalaking kumaladkad sa kaniya
sa burak ng kapangayayaan.

Isang gabí, si Gonsalo ay naidlip na nakahilig sa kandungan ni Maring.
Nasulyapan nitó ang isáng sundang na malapit sa kaniya, biglang
dinampot at anyong tatarakan sa dibdib ang natutulog, nguni’t
nangatal ang kaniyang bisig, gaya ng pangangatal ng kaniyang puso
at kaluluwa.

--¡Dius ko!,--ang kaniyang buntong hininga.--Masama nga sana si
Gonsalo, nguni’t sa lagay na itó ay siya’y akin ng asawa.

Siya’y nagmuni-muni.

--Hindi mangyayari,--aniyang sarili.--Ang lalaking ito ay hindi ko
sinintá kailan pa man; ako’y kaniyang inagaw at pinaslang... Ang
taksil ay dapat ding pagtaksilán.

Muling itinaas ang kamay at muling ákmang tarakan ng sundang ang
dibdib ni Gonsalo. Nguni’t gaya rin ng una, nanginig ang kaniyang
kamay at hindi naituloy.

Si Maring ay may malakas na loob sa paggawa ng magaling, nguni’t
napakahina kung sa gawang kapaslangan.

Muling ibinaba ang kaniyang kamay.

--¿Ano kaya ang aking gagawin?--ang tanong niya sa sarili.--Kung
ako man ay umuwi sa amin ngayon, ¿ay may magsasabi kayang hindi pa
nalugso yaong wagas na puring katutubo ng aking pagkatao? Tunay nga at
nalalaman kong ako’y hindi sumisinta kay Gonsalo, nguni’t nalalaman
ko rin namang siya’y sumisinta ng taimtim sa akin. ¡Kaawa-awa naman!

Naglalabanang mahigpit sa kaniyang balak ang lunos kay Gonsalo at
ang nais na maipaghiganti ang kaniyang puring nagibá.

--Ang puri ng tao,--aniya sa huli,--ay katimbang ng buhay. At yayamang
inilugso niya ang aking puri, ay kailangang ilugso ko rin namán ang
kaniyang buhay.

Muling itinaas ang kaniyang kamay, hawak ang sundang, pinag-ubos
ang lakas ng kaniyang loob at anyo na namang tarakan si Gonsalo sa
dibdib. Nguni’t katakataká. Hindi sundang ang lumagpak kay Gonsalo,
kungdi matuling luhang namalisbis sa mga matá ni Maring at pumatak
sa kaliwang pisngi ng nakakatulog.

Si Gonsalo ay nagising. Nakita niya ang sundang na naka-akma sa tapat
ng kaniyang dibdib, nguni’t hindi tuminag kaunti man, at bagkos pang
ngumiti at nagsalita ng ganitó:

--Maring, ituloy mo ang sundang. Ikaw ay aking pinagtaksilan, kaya
kailangang ikaw ay maghiganti. Ituloy mo ang sundang.

--Kailangan nga,--ang sagot ni Maring,--nguni’t ewan kung bakit,
makaitlo ko ng iakma ang sundang at hindi ko naituloy: nanginginig
ang aking kamáy.

--Nanginginig ang iyong kamay sapagka’t kamay ng anghel;--ang pakli
ni Gonsalo;--datapuwa’t ang kamay ko ay kamay ng buhong: makita mo
kung hindi magtuloy.

Siya’y maliksing naupo, inagaw ang sundang kay Maring, saka anyong
isasaksak sa kaniyang sariling dibdib.

--¡¡¡Gonsalo!!!,--ani Maring, saka hinagkan.

Yaon ay siyang kauna-unahang halik ni Maring kay Gonsalo.

--Maring,--ani Gonsalo,--inagaw kitang hindi ko sinadya. Ako’y
binulag na lubos ng masidhing pagsinta ko sa iyo. Nguni’t ngayong
ako’y pagsaulan ng dating kalooban at pag-iisip, ay pinagsisisihan
kong mataimtim ang kapaslangang ginawa ko sa iyo. Kaya nga, at dahil
sa ako’y sumumpang mahigpit sa sarili, magbuhat pa man noong unang
araw na ikaw ay aking sintahin, na papatayin ko ang sino mang sa
iyo’y tumaksil: at yayamang dili iba’t kungdi ako na rin nga ang
sa iyo’y pumaslang, kaya kailangang patayin ko ang aking sariling
katawán, upang sa gayón ay matupad ang aking mahigpit na sumpa.

Muling iniakmang isaksak sa kaniyáng dibdib ang sundang, nguni’t
muli rin siyáng niyakap ni Maring at tumangis.

--¿Ngayon pa bagang nailugso mo na ang aking puri, saka mo ako
lilisanin?--ang kaniyáng hibik.

Si Gonsalo ay tumangis din.

Noon gabing yaon ay hindi silá nakatulog. Magdamag na humihingi ng
kapatawaran si Gonsalo sa kapaslangang kaniyáng ginawa.

Palibhasa’y si Maring ay may banal na kalooban kaya pinatawad ang
sa kaniya’y nagtaksil.

Sa kaluwatan ng kanilang pagsasama ay unti-unting nagkaroon ng
pagmamahal si Maring kay Gonsalo.

Lumipas ang limang taon. Si Maring ay nagkaroon ng dalawang anak.

Isáng araw si Gonsalo ay umuwi ng bayan, at siyá’y nagbili ng kahoy
at yantok. Nabalitaan niyang nangamatay na ang ama’t ina ni Maring.

¿Sabihin pa kaya ang tangis nito ng kanyang maalaman ang malumbay
na balita?

Gayon pa man, at sapagka’t sila’y wala ng sukat pangilagan sa bayan,
silá’y nagbalik sa nayong B. na kanilang pinanggalingan, at sila’y
namuhay na tahimik sa bahay na naiwan ng mga nasirang magulang ni
Maring.



KABANATANG II.

Simula ng Kahirapan


Si Gonsalo ay kinayag ng isa niyang kaibigan, upang sila raw ay
mamili ng kabayo sa Pulong Mindanaw. Alinsunod sa balita ay mura
doon ang kabayo at malaking lubha ang kanilang tutubuin. Ang sagot
ni Gonsalo ay hindi siya maka-aalis, sapagka’t wala siyang salaping
iiwan sa kaniyang asawa’t mga anak, nguni’t siya’y binigyan ng limang
piso, at pinangakuan pa siyang sa kanilang pagbabalik, mga ilang
araw lamang ay siya’y bibigyan pang muli, at di kailangang hintayin
pang mabili ang kanilang kabayong kalakal.

Si Gonsalo ay natuwa ng di gayon lamang.

Ang limang pisong kaniyang tinanggap ay ibinigay kay Maring ng
walang bawas kaunti man.

Kinabukasan, pagkatapos niyang hinagkan ang kaniyang dalawang anak,
ay niyakap si Maring, nanaog at sumakay sa isang daong.

Si Maring ay tumangis pagtalikod ni Gonsalo: siya’y kinabahan sa
pag-alis nito.

Si Gonsalo ay nadaya. Ang daong na kaniyang sinakyan ay hindi
napatungo sa Mindanaw, kungdi sa Hongkong, saka nagtuloy sa Hawaii.

May mga dalawang buwan pa lamang ang pag-alis ni Gonsalo, ay
naipagbili na’t naisanglang lahat ni Maring ang kaniyang damit, at
wala ng natitira kungdi ang kaniyang suot sa katawan at ang isang
kabihisang nakababad sa batya.

Araw-araw ay siya’y nakapangalumbaba sa durungawan, at kaniyang
hinihintay si Gonsalo, nguni’t ito ay hindi dumarating, at wala man
lamang balitang tinatanggap hinggil sa kanya. Bawa’t maghapong lumipas
ang damdam ni Maring, ay maluat pa kay sa isang taong pagtitiis.

Ang anak na panganay ni Maring ay may pag-iisip na’t kaya ng alagaan
ang kaniyang kapatid na bunso.

Isáng gabi, si Maring ay napatungo sa bahay ng isáng matandang babaing
dati niyáng kakilala, at ipinakiusap niyang siyá’y ihanap ng bahay
na mananahian.

Noon din ay siya’y ipinagsama ng matanda sa isáng bahay na malaki.

Silang dalawa’y pumasok sa silid.

Doon ay may dinatnan siláng isáng lalaking kastila at balbasan.
Ang lalaking itó ay kinausap ng lihim ng matanda, at pagkatapos ay
nagpaalam; doon ay iniwan si Maring.

Si Maring ay pinagmasdan ng kastila.

--Ang kinakailangan ko, ay hindi mananahi, kungdi asawa.

Si Maring ay nanginig at namutla ng galit.

Hindi niyá akalaing siyá’y makatagpo ng gayong pagkadulingas.

--Ang hinahanap ko po,--ang matigas niyang tugón;--ay hindi asawa,
kundi tahi.

--Mahirap ang tahi,--ang pakli ng kastila;--dapuwa’t mayaman ang
asawa: narito ang salapi.

Saka anyong iniabot kay Maring ang isáng bilot na salaping papel.

Si Maring ay parang tinampal sa mukha, at siyá’y napahiya sa kaniya
ring sarili. Gayón pa man ay kanyang tiniis yaong mahapding libak,
inirapan ang kastila, biglang tinalikdan at anyong lisanin. Nguni’t
bago nakalakad ng dalawang hakbang, ay siyá’y hinabol ng kastila;
at hinawakan sa kaliwang kamay. Si Maring ay maliksing pumihit,
hinarap ang kastila, ubos lakás na tinampal sa mukha, saka sumigaw
ng malakás.

--¡Polisya!,--aniya.

Ang kastila’y nagtaanan.

Sa bahay na yaon ay walang tao isá man. Yao’y isáng bahay na talagang
pinagpupungalan ó pinagkukulungan ng mga babaying sawing palad. Sa
Maynila ay marami ang gayóng bahay, at bihira ang babaing napapanhik
doon na di nasisilaw sa kislap ng pilak at ginto.

Isá mang polisya ay walang dumalo sa sigaw ni Maring. Karamihan ng
polisya ay talagang gayón: parang nakikipaglaro ng “piko-piko.”
Samantalang silá’y “pumipiko” sa inyong palad ay silá’y makikita mo,
nguni’t pagkatapos ay hindi na; silá’y lumulubog na parang bula.

Si Maring ay umuwi sa kaniyáng bahay. Dinatnan niyáng umi-iyak
ng gutom ang kaniyang mga anak. Siyá’y nanghingi ng kanin sa mga
kapit-bahay at nang siya’y mabigyan ng kaunting tutong, ay itó’y
siyáng kaniyang ipinakain sa mga bata.

Si Maring ay hindi kumain ng hapunan, hindi dahil sa siyá’y ayaw,
kungdi dahil sa talagang walang makain.

Kinabukasan, at bago sumikat ang araw, ay siyá’y naglakad at humanap
ng labáhin. Siyá’y umuwing may sunong na maraming damit na marumi, at
salaping kulang lamang ng kaunti sa dalawang piso, salaping hiningi
niya, upáng may maibili ng sabón at almirol.

Siyá’y bumili ng pananghalian, at pagkatapos niyang kumain saka
naglaba.

Ika-apat na araw ay natapos ang damit at kaniyang inihatid.

Ang isá sa kaniyang mga ipinaglalaba ay lalaking balo, may mataas
na katungkulan at may malaking sahod na salapi.

--¡Kay ganda mo!--aniya kay Maring.

Si Maring ay kinabahan, tiningnan ang marangal na ginoo, saka yumuko.

--Hindi bagay sa iyo ang maglaba,--ang dugtong ng dakilang
lalaki,--bagay lamang sa iyo ang maging poon. Dito ka na tumirá sa
bahay, at ikáw ay aking popoonin.

--Ang isáng maralitang gaya ko--ang sagot ni Maring,--ay di dapat
maging poon.

--Hindi, hindi ka maralita;--ang sabat ng ginoo,--ikáw ay mayaman,
sapagka’t ang lahat kong ari, ay parang ari mo ring tunay.

--Pinasasalamatan ko po ang inyong magandang kalooban,--ang pakli ni
Maring,--datapuwa’t hindi ko matatanggap. Ibigay na lamang ninyo sa
akin ang kaupahang sukat sa linabhan kong damit. Ito po ay siyáng
tunay kong pag-aari, sapagka’t ito’y isáng bungang tunay ng aking
pawis.

Siya’y inabutan ng limang pisong salaping papel.

--Ako po’y walang isusukli,--ani Maring.

--Iyo ng lahat iyan,--ang sagot ng ginoo.

--Wala po akong tatanggapin,--ang tutol ni Maring,--kungdi lamang
ang tatlong salaping kulang sa aking pinagpaguran.

Siyá’y binigyan ng tatlong salapi.

Si Maring ay umalis at hindi na tumanggap ng labahin sa bahay na yaon.

Siyá’y nagtuloy sa isá pa niyáng ipinaglaba at naghatid din ng damit.
Pinangusapan siyá nito ng matatamis na salitang ukol sa pag-ibig.

--Ako po’y naparito,--ani Maring,--upang maghatid ng damit, at di
upang makipagsintahan.

Ang kausap ay napahiya, binayarang kay Maring ang inihatid na damit,
at gaya rin ng una, ay hindi na tumanggap ng labahin.

Kinabukasan ay siya’y nasok na mananahi sa isáng “sastreria.”

Sumapit ang sabado, at ng kaniyang sinasahod ang kaniyang
pinagpaguran, ay siya’y pinangusapan ng may-ari.

--Maring,--aniya,--kung ibig mo sana ay huwag ka ng manahi ng damit
na ginagawa dito sa “sastreria”.

--¿Bakit po?--ang tanong ni Maring.

--Naninibugho ang puso ko,--anang may-ari,--kung nakikita kong
hinahawakan ng maririkit mong kamay ang damit ng ibá. Ang ibig ko
sana, ay damit kong sarili ang iyong hipuin. ¡Mapalad ang lalaking
lingapin mo!

--Ako po’y naparito,--ang tugon ni Maring,--upang maghanap-buhay,
at di upang makipagligawan.

Si Maring ay umuwi at hindi na muling pumasok pa sa nasabing
“sastreria.”

Siya’y pumasok namang tagapagbili sa isang tindahan ng chinelas na
ari ng isáng insik. Ikatlong araw ng kaniyang pangangasiwa ay siyá’y
tinawag nitó, hinawakan sa kamay at ilinagay sa kaniyang palad ang
mga iláng salaping papel.

--¿Anó iyán?--ang tanong ni Maring.

--Iyan ay salapí,--ang sagot ng insik.

--¿At bakit mo ibinibigay sa akin?--ang ulit ni Maring.

--Inihahandog kong talagá sa iyó,--anang insik,--at mamayang gabi
ay dadaláw akó sa inyong bahay.

--¡Ah!,--ang bulas ni Maring.--¿Ibig mong bilhin ang aking kahirapan?
Nagkamali ka. Ang buhay mo at sampu pa ng iyong boong angkán ay
hindi magkakasiyang ibayad sa aking kadalitaan.

Isinauli ni Maring ang salaping papel, at hiningi lamang ang nararapat
sa tatlong araw na kaniyang pangangasiwa sa tindahan, at saka umuwi.

--Masama ang maganda,--aniya sa sarili.--Mabuti pa ang pangit.

At sapol pa noon si Maring ay hindi na nagkotso, hindi na nagsinelas,
hindi na nagbakya, at hindi na inayos ang kaniyang bihis.

Unti-unti ay naubos ang kaniyang kinitang salapi.

Nang siya’y wala ng sukat na maipakain sa kaniyang mga anák, ay
ipinagbili namán, kahit mura, ang kaniyang mga tapayan, kalan,
palayok, pingan at ibá pang kasangkapan. Ang pinagbilhan ay pinuhunan
sa pagtitinda ng mais. Akala niya’y kung magtubo, ay muling makabibili
ng kasangkapan.

Nagtinda nga siyá ng mais sa tapat na kaniyang bahay, nguni’t siyá’y
dinakip ng pulis, dahil daw sa siyá’y walang licencia.

Kinabukasan ay siyá’y nahatulang “magmulta” ng limang piso. Sapat na
sapat lamang na ibinayad sa multang itó ang lahat na pinagbilhan
niyá ng mga tapayan, palayok, kalan, pingan at ibá pang kasangkapan.

Ngayón ay wala na siyáng maipagbiling anó man, at wala rin siyáng
kaunti mang salapi.

Ang kaniyáng mga anák ay nag-iiyakan at humihingi ng pagkain.
Nangaglalambitin sa kaniyáng liig at nagsisidaing ng gutom. Kulang
lamang ay di maulol si Maring. Sinasabunutan ang kaniyáng buhok.
Ibig niyáng tumangis, nguni’t napakalaki ang pagtitiis, kaya walang
tumulo kapatak mang luha, at malalagot mandin ang kaniyáng hininga.

Biglang napasigaw sa malaking tuwa. Naalaala niyá ang kaniyáng ngiping
ginto, yaong ngiping pinakadakilang palamuti ng kaniyáng marikit
na bibig. Binunot niya ang nasabing ngipin sa kaniyang gilagid at
naipagbili ng dalawang piso.

Ibinili ng pagkain ang kaniyang mga anák, at ang natira ay ipinamili
ng isdang sariwa sa Bangkusay, at ipinagbili sa Divisoria.

Lubhang mabili ang kaniyang tindang isda at hindi niya halos malaman
ang kaniyang harapin sa maraming tumatawad.

Nabiling lahat ang kaniyáng isda.

¡Anong laki ng tuwa ni Maring!

Akala niyá’y malaki ang kaniyang naging tubo kaya’t naisipan niyang
ibili ng damit ang kaniyang mga anák. Ang suot nila sa katawán ay
gutay-gutay na at wala siyáng maihalili.

Dinampot sa lupa ang kaniyang bilao, siyá’y tumindig, at samantalang
dinudukot sa kaniyang lukbutan (bulsa) ang kaniyang pinagbilhan ay
aniyang nagsasalitang sarili:

--Ibibili ko ng kakanin ang aking mga anák at ngayon pa lamang silá
makatitikim ng...

Siya’y biglang namutla. Nanginig ang kaniyang boong katawan at
nanglumo. Siyá’y napalupagi sa lupa. Nagdilim ang kaniyang tingin
at malalagot mandin ang hininga. Pagdukot sa kaniyang lukbutan ng
kaniyang kamay, itó ay lumusot sa kabila. Wala siyáng nasalat kahit
isá mang belis. Ang kaniyang lukbutan ay ginupit at pinutol ng mga
mangdurukot.

Ang malaking tuwa ni Maring ay biglang nápalitan ng lalong malaking
hapis. Ang kaniyang pangarap na buhay ay biglang napalitan ng
masidhing hapis.

Siya’y susuray-suray na umuwi ng bahay, namamalisbis ang kaniyang
matipid na luha, at kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang dibdib.



KABANATANG III.

Pusong Matibay


Kapapanhik pa lamang ni Maring sa kaniyang bahay, ay dumating si
D. Eduardo Sanchez.

Sa kabila ng mahigit sa apat na taong lumipas, ay nagkitang muli
ang dating nagkakasintahan, ang dalawang pusong biglang pinagwalay
ng saliwang palad noon pa namang malapit ng magkabuluhan sa haba ng
buhay.

Sa unang pagpipinkian ng dalawang tingin, anaki ay nagbalik na lahat
ng panahong lumipas; anaki ay muling nanariwa yaong nasangal na
pagmamahalan.

Si D. Eduardo ay kinabahan, dahil sa kaniyang pagsinta kay Maring.
Kinabahan din si Maring, dahil naman sa kaniyang pagmamahal kay
Gonsalong ama ng kaniyang mga anák.

Maluwat na hindi nakaimik ang dalawa.

Pagkamasid ni D. Eduardo doon sa halos gibang dampang walang anó
mang kasangkapan, pagkamasid niya kay Maring at sa mga batang may
gutay gutay na damit, kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang puso
sa malaking habag.

--¿Kaninong mga anák itó?--ang kaniyang tanong.

--Mga anak ko,--ang sagot ni Maring.

Parang linason ang pag-iisip ni D. Eduardo. Kaniyang napagnilaynilay,
na kung hindi inagaw ang kaniyang kasintahan, ay siya’y may dalawa na
sanang anák na gaya rin noong dalawáng batang kaniyang pinagmamasdan.

Maluwat na namang kapuwa hindi nakaimik ang dalawá.

Sa akala ni D. Eduardo ay kung nandoon lamang sana si Gonsalo, ay
sampu man ang kaniyang buhay ay kulang pang ibayad sa kapaslangang
kaniyang ginawa. Pag-agaw niya kay Maring, ay parang inagaw sa
kaniyang puso ang lahat ng tuwa sa sangsinukuban.

--Maring,--ani D. Eduardo,--¿Nalimutan mo na bagá ang kanitang
pagsisintahan?

Si Maring ay hindi nakasagot: siya’y nahahabag sa napakalumbay na
anyo ni D. Eduardo: ang tingig nitó ay lubhang kalunos-lunos; basag
na anaki tingig ng pusong tumatangis.

--Ikaw, Maring,--ang dugtong ni D. Eduardo,--ay hindi mo tinupad ang
iyong pangako sa akin, at nag-asawa ka kay Gonsalo; datapuwa’t akó,
akó ay tumupad sa aking pangako sa iyó, at ang katunayan ay ako’y
bagong-tao hangga ngayon.

--Hindi akó nakatupad,--ang pakli ni Maring,--hindi dahil sa kusang
pagtalikod sa iyó, kungdi dahil sa kusang paghabol ko sa aking puring
nalugso.

--Si Gonsalo ay taksil,--ani D. Eduardo,--nguni’t ikaw ay banal. Ikaw
ay hindi mangyaring suminta kay Gonsalo, sapagka’t ang kabanalan ay
hindi dapat suminta sa kataksilan.

--Ang kataksilan,--ang tugon ni Maring,--kung hinggil sa pag-ibig,
ay mangyayaring hugasan ng kapatawaran ng pinagtaksilan. Dahil dito,
sakali mang si Gonsalo ay nagtaksil laban sa aking puri, ay siya’y
malinis na ngayón, sapagka’t siyá’y pinatawad ko ng lubos.

--¿At papaano ang kanitang pagsisintahan?--ang malumbay na tanong
ni D. Eduardo.

--Paglabanan mo,--ang sagot ni Maring,--gaya ng aking paglaban hangga
ngayon. Akalain mong kapag ako’y nabuwal sa putik, ay mapuputikan
din sampu ng aking mga anák.

--Ikáw ay dinaya ni Gonsalo,--ang dugtong ni D. Eduardo.--Siya’y
hindi napatungo sa Mindanaw, kungdi sa Hawaii.

Si Maring ay biglang namutla. Ngayon niya napagnilay-nilay ang
dahilan ng maluwat na di pag-uwi ng kaniyang asawa.

--Siyá’y babalik din dito,--ang kaniyang sagot.

--Hindi mo na siyá makikita kailan pa man,--ang tutol ni
D. Eduardo,--sapagka’t matunog ang balitang siyá ay nag-asawa
na doon.

Hindi nakakibo si Maring. Biglang sumagi sa kaniyáng puso ang
masidhing kamandag ng panibugho. Datapuwa’t palibhasa’y siya’y may
katutubong lakás, kaya agad niyang dinaig ang gayong udyok, at
pagdaka’y sumagot ng banayad:

--Ako’y hindi naniniwala,--aniya.

--Maniwala ka’t marami ang nagbabalita ng gayon,--ang ulit ni
D. Eduardo.--Hindi mo na makikitang muli si Gonsalo.

--¿Papaanong hindi ko siya makikita,--ang tugon ni Maring,--sa
talagang siyá’y nakikita ko nga sa lahat ng sandali? Si Gonsalo ay
hindi nakakanlong kailan pa man sa mga mata ng aking pag-iisip.

--¡Oh Maring!--ang buntong hininga ni D. Eduardo.--¡Anóng katigas
ng iyong puso! ¡Walang pinag-ibhan sa batong hindi mapayanig ng
malumbay kong himutok! Ikaw ay minahal kong mahigpit pa kay sa aking
sariling buhay; nguni’t ikaw ay pinagtaksilan at kinaladkad sa burak
ni Gonsalo. ¿Sino sa aming dalawa ang iyong minamabuti?

--Ako’y minahal mong mahigpit pa kay sa iyong sariling buhay, at
ikaw ay minahal ko ring mahigpit pa kay sa aking pagkatao, nguni’t
kita’y hindi magkaisang palad. Tunay din naman ang wika mong ako’y
pinagtaksilan ni Gonsalo, nguni’t siya naman ay naging kabiyak ng
aking kaluluwa’t katawan, at dahil dito ay katungkulan kong damayan
siyá sa lahat ng bagay. Ang amá ng aking mga anák ay mamahalin ko
hanggang sa libingan.

--¡Anong kalupit mo, Maring!--ang hibik ni D. Eduardo.--Ikaw ay
sininta kong taimtim, mahigit kay sa lahat ng pagsinta sa silong ng
langit. Ang pagkapanganyaya mo kay Gonsalo ay tinanangisan ko ng
walang lubay, gabi’t araw sa lahat ng sandali...--“Lumubog na si
Maring”--ang aking himutok sa tuwi-tuwi na.--“Lumubog na ang araw
ng aking pag-iisip, ang sula ng aking buhay, ako’y linisan at hindi
na babalik, kaya dapat na siyang limutin.” Nguni’t ¡ay! Samantalang
pinagpipilitan kong katkatin sa aking guniguni ang iyong ala-ala,
ang iyong larawan naman ay lalo pang nalilimbag sa kaubud-uburan ng
aking kaluluwa.

“Sapol pa noong gabing ikaw ay agawin ng mga buhong ay hindi na ako
nakakain at hindi na ako nakatulog. Inakala kong natapos na ang mundo
sa akin. Sa boong buhay ko ay walang ibang tumitibok kundi pawang
kamatayan.

“Tunay nga sana at sa kabila ng kamatayan ay may namamanaag na walang
katapusang ligaya sa langit, nguni’t,... nguni’t ligayang luksa,
kasayahang mapanglaw, langit na malungkot, sapagka’t ikaw Maring,
ay wala ka doon. ¿Anhin ko ang langit, kung ikaw ay naritó sa lupa?

“At sapol pa noon ay ako’y lumakad na walang tinutunguhan, ako’y
nagngingitngit na walang kinagagalitan; akó’y tumatawa ng walang
kinatutuwaan; ako’y nagsasalita ng walang kinakausap... Saka... Saka
biglang lumabo ang aking pag-iisip. Ewan kung anó ang nangyari,
nguni’t,... nguni’t naparam sa akin ang boong linaláng.

“Lumipas ang kung ilang taon. Nanag-uli sa akin ang nawala kong
pag-iisip. Pinagmasdan ko ang aking kinalalagyan, at... ¿Nalalaman
mo ba kung saan akó nandoon? ¡Sa San Lazaro!”

--¿Bakit?,--ang biglang tanong ni Maring.--¿Nagkasakit ka bagá?

--Hindi akó nagkasakit,--ang sagot ni D. Eduardo.--Akó lamang ay
NAULOL.

Sabay tumalon ang luhang kangina pa gumigilid sa kanilang mga
pilikmata.

--Ako’y kakaiba, Maring, sa lahat ng tao,--ang baság na tingig ni
D. Eduardo.--Kung kailan ako’y ulól, ay noon akó matino; at kung
kailán akó matino, ay noon ako ulol.

--¿Bakit namán?,--ang malumbay na tanong ni Maring.

--Dingin mo,--ang tugon ni D. Eduardo.--Noong ako’y ulól at nakakulong
sa San Lazaro, ay ako’y tahimik at ako’y nakakakain, ako’y nakakatulog
ng mahimbing at ako pa raw ay masayá. Nguni’t ngayong ako’y matino
na, ay ako’y balisá, lagalag na walang pinatutunguhan hindi akó
makatulog, at wala akong kinakain kungdi ang mapait kong luha,
mabisang pait na nagsusumiksik hangang sa kaubud-uburan ng puso kong
naghihingalo.

--At sapol pa noong ako’y tumino, ikaw ay hinanap kong walang lubay
sa mga gubat at parang. Nabalitaan ko ngang ikaw ay nagbalik dito
at iniwan ka ni Gonsalo. At ngayong kita’y nakikitang may wasak na
damit ngayong maputla ka’t naparam na ang dating luningning ng iyong
hiwagang karikitan, ngayong ikaw ay may dalawa ng anak, ngayong
nalugso na ang iyong dalisay na puri, ngayong ayaw ka ng batiin at
kinaiinipan ng magdarayang buhay, ay ngayóng pa kita lalong sinisinta,
ngayón pa kitá lalong dinadalanginan. Maring, ¿nalalaman mo kung
kaya gayón? Dahil sa ang sinisinta ko sa iyó ay hindi ang abang
katawan, kungdi ang kalooban mong wagas pa kay sa sinag ng araw, ang
kaluluwa mong kaluluwang virgen. Maring, Maring, mahabag ka na sa
akin. Kapag-hindi ka lumingap sa aking mga daing, ay pagka-asahan
mong ako’y mamamatay sa madaling panahón, kungdi kaya ako’y mauulol
na muli.

Si Maring ay hindi sumagot ng kahit iisang bigkás. Samantalang
naririnig ang mga hibik ni D. Eduardo ay parang naiinis ang kanyang
hininga.

--¿Anó ang iyong kasagutan?--ang tanong ni D. Eduardo.

--Hindi mangyayari,--ang mátatag na tugon ni Maring.

--¡Hindi raw mangyayari!,--ang dugtong ni D. Eduardo.--Huwag ka ng
mahabag sa akin: mahabag ka na lamang sa iyong mga anak at sa iyong
sariling buhay. ¡Damit man ninyo ay wala...! Maring, ¿ibig mo na
bagang kayo’y mangamatay ng gutom?

--Masakit nga sana ang mamatay ng gutom,--ang pakli ni Maring,--nguni’t
lalo pang masakit ang mamuhay sa kasamaan. Ako’y hindi mangyayaring
suminta sa iyo.

Maluwat na di nakakibo si D. Eduardo, at pagkatapos nagnilay-nilay
ay nagsalita ng ganito:

--Maring, ikaw ay ibibilang kong parang tunay na kapatid, nguni’t
iligtas mo ang buhay ninyong mag-iina. Ako’y may inihahandang bahay
na talagang titirahan ninyo: malaki at may maraming kasangkapan. Sa
tabi nito ay may isang mahabang bahay na may sampung pintong sadyang
paupahan. Ang malaking bahay na aking binangit, at gayon din ang may
sampung pintuan ay inyong lahat, ari ninyong sarili, upang kayo’y
may ipamuhay.

--Salamat,--ang sagot ni Maring,--nguni’t hindi ko matatangap.

--¿Hindi mo matatangap at bakit?,--ang nangigilalas na tanong ni
D. Eduardo.--Ako’y hindi dadalaw sa inyo kailan pa man; hindi.
Nalalaman kong ako’y hindi mo ibig makita at ikaw ay hindi ko
bibigyan ng kahit munting samá ng loob. ¿Nalalaman mo bagá Maring
kung bakit ipinagkakaloob ko sa inyó ang aking dalawang bahay? Sa
pagka’t ako’y ulila sa ama’t sa ina, walang kapatid, walang kamaganak,
walang kaibigang tapat. Dahil dito ay hindi ko ibig na ang aking
mga ari-arian ay masayang bukas ó makalawang ako’y mamatay ó muli
kayang maulol.

Sabay na napatangis ang dalawa.

Sa tingig ni D. Eduardo ay may kahambal-hambal na tunog na anaki
hibik ng naghihingalo.

--¿Tatanggapin mo?,--ang nabubulunan niyang tanong.

--Hindi,--ang matatag na sagot ni Maring.

--¿Bakit?,--ani D. Eduardo.

--Hindi nga sana masama,--ang tugon ni Maring,--kung tanggapin ko
naman ang iyong handog; nguni’t, ¿ano kaya ang wiwikain ng madla?
Nalalaman ng lahat ng tao na kita’y nagkasintahan, at kung tatanggapin
ko ang iyong bahay, ay may magsasabi kayang ako’y hindi mo...

--Sabihin nila ang ibig sabihin,--ani D. Eduardo.--Kung ikaw ay
walang ginagawang masama ay...

--Hindi gayon,--ang sabat ni Maring.--Hindi kailangang libakin man
ang talagang gumagawa, ng masama. Nguni’t kung ang hindi gumagawa ng
masama ay siyang libakin, dahil sa siya’y nagbigay ng daan, upang
siya’y... ¡Ah! Hindi mangyayari. ¡Eduardo, hindi mangyayari!

Si Eduardo ay tumindig. Hindi niya malaman kung dapat niyang
kagalitan, sintahin ó igalang ang babaying yaón; nguni’t ibig manding
masira ang kaniyang pagiisip.

--Huling tanong--aniya,--¿tatanggapin mo ó hindi?

--Hindi,--ang matatag na sagot ni Maring.

Ang sagot na itó ay nakasabay ng sigaw ng mga bata.

--Inang,--anilá,--nagugutom na kami.

Pagkaringig ni D. Eduardo sa daing ng mga bata ay siya’y nangatal
sa malaking lunos.

Binuksan ang kaniyang “cartera,” kumuha ng sampung salaping papel na
tigdalawang puong piso bawa’t isa, at kaniyang inilagay sa ibabaw
ng hapag ng dambana.

Pagkakita ni Maring sa salapi, ay siya’y kinabahan, nangdidilat ang
kaniyang mga matá, at tila wari ibig niyang damputin. Nanglamig ang
kaniyang boong katawan, parang umakiat sa kanyang ulo ang lahat
niyang dugo, at tila mandin masisira ang kaniyang pag-iisip. At hindi
nga malayong magkagayon, sapagka’t si Maring ay maluwat nang hindi
nakakakita ng gayong karaming salapi. Dalawang daang piso. Hindi man
lamang niya napangarap ang gayong kayamanan, saka ngayon ngayón ay
tinatanaw niya sa ibabaw ng kaniyang dambana, at ipinagkaloob pa sa
kaniya.

Gayon pa man, palibhasa’y si Maring ay may katutubong hinhin, ay
nanaig ang kaniyang gawing bait; saka nagsalita ng banayad.

--¿Anóng salapi iyan?,--ang kaniyang tanong.

--Iyan ay handog ko sa mga bata,--ang sagot ni D. Eduardo.

--Salamat,--aní Maring,--nguni’t hindi ko matatanggap.

--¡Inang!,--ang halos nakapanabay na sigaw ng mga bata.--Kami ay
nagugutom.

Ang hibik ng mga paslit ay tumagos hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa
ni Maring.

--¿Hindi mo tatangapin?,--ang ulit ni D. Eduardo.

--¡¡¡Inang!!!,--ang sabat ng mga bata.--¡¡¡Kami ay nagugutom!!!

--Hindi ko tatanggapin,--ang matatag na sagot ni Maring.

Kinuha niya ang salapi sa dambana, hinawakan ang kamay ni D. Eduardo,
saka inilagay ang salapi sa kaniyang palad.

--Kapag tinangap ko ang iyong salapi,--aniya,--ay hindi mangyayaring
hindi ko rin tangapin ang iyong pag-ibig. Eduardo sinabi mong kami
ay iyong minamahal. Kung gayón ay dapat kang mahabag sa akin, dapat
kang mahabag sa aking mga anak, at huwag mong ipilit ang iyong
salapi. Ibig mo na bagáng ang aking mga anak ay tawaging anak ng...

--¡¡¡Sus!!!,--ang piping sigaw ni D. Eduardo at biglang umalis na
anaki’y ulol.



KABANATANG IV.

Inang Malingap


Ang mga bata’y nag-iiyakan at humihingi ng pagkain.

Si Maring ay nanghiram ng gunting sa isang kapit-bahay at pinutol
ang kaniyang mayabong na buhok saka binalot ng papel.

Pagdaka’y pinanyuan ang ulo at nanaog.

--¿Baka po may nais kayong bumili ng buhok?,--aniya sa isang taong
nasalubung sa daan.

--Tingnan natin,--ang sagot ng kausap.

Matapos makita nito ang buhok, ay pinagmasdang mabuti si Maring,
at ng makita ang kaniyang marálitang anyó at pananamit, ay siya’y
pinangdilatan.

--¿Saan mo ninakaw ang buhok na iyan?--aniya.

--Hindi ko po ninakaw,--ang sagot ni Maring.

--¿Hindi mo ninakaw?,--ang ulit ng kaniang kausap.--¿At saan ka
kumuha ng ganiyan kagandang buhok? Ang mga mayayaman ay siya lamang
nagkakaroon ng buhok na ganiyan karikit, at ikaw ay hindi ka mayaman.

--Kung ayaw po ninyong bilhin ay huwag,--ani Maring.--Hindi ko naman
ipinamimilit.

At siya’y umalis.

Nagkátaon ay may nagdadaang pulis sa pook na yaon. Itó ay kinalabit
ng kausap ni Maring.

--¿Nakikita ba ninyo ang babaing yaon?,--aniya.

--Opo,--ang sagot ng pulis.

--Habulin ninyó, at iyan ay magnanakaw,--anang nagsumbong.--Kagabi,
ang isa kong kapit-bahay ay ninakawan ng maraming hiyas. Ang gayon ay
alam na ninyó marahil, sapagka’t ipinagbigay alam na sa pamunuan ng
pulis. Kasamang nawala ng mga nasabing hiyas ang isang mayabong na
buhok na talagang gagawing postiso ng may-ari. Ang buhok na sinabi
ko ay dala at ipinagbibili ng babaying yaon.

--¿Siya nga ba?,--ang biglang tanong ng pulis, saka matuling hinabol
si Maring.

--Oy,--ang tawag sa kaniya.--¿Anó iyang dalá mong nakabalot?

--Buhok po,--ang sagot ni Maring.

--Tingnan ko,--anang pulis.

Ibinigay ni Maring ang buhok.

Binuksan ng pulis ang balutan, at pagkakita sa buhok, ay muling
binalot at isinilid sa kaniyang lukbutan.

--Sumama ka sa akin,--ang utos kay Maring.

Si Maring ay parang napaakyat sa langit inakala niyang bibilhin ng
pulis ang kaniyang buhók.

--¿Bibilhin po ba ninyó?,--ang kaniyang masayang tanong.

--Oo, bibilhin ko,--ang tuya ng pulis.--Halina at sumama ka sa akin.

--Mahaba pong buhok iyan at mayabong, bukod sa malinis at
makinang,--aní Maring samantalang sila’y lumalakad.

Sila’y nagtuloy sa cuartel ng pulís sa Tundó.

--¿Bakit po dinala ninyó akó dito?,--ang tanong ni Maring.

--Huwag kang kumibo,--ang kagulat-gulat na bulas ng pulís saka
itinulak si Maring sa bilanguan, at isinima ang pinto.

Si Maring tumangis ng di gayon lamang. Naala-ala niya ang mga batang
iniwang gutom.

Siya’y parang ulól sa loob ng bilanguan: tumatadyak sa sahig,
kinakalampag ang pinto, saka sumigaw ng ubos lakás.

--Ako’y ilabas ninyó dito,--anang aba.--Wala akong ginagawáng
kasalanan. ¿Bakit at ako’y ibinilanggo ninyo?

Binuksan ng sargento ang pinto, at pagkakita sa kagandahan ni Maring,
ay kaniyang linapitan.

--¡Kay ganda mo!,--ang kanyang biro.

--¿E di kasi ako’y ibinilanggo ninyo dahil sa ako’y maganda?,--ani
Maring.--Pagbabayaran ninyó sa akin itó: ako’y magsasakdal sa mga
pinuno.

Anaki’y tinampal ang sargento sa pangahás na banta ni Maring.

--Doon sa Bilibid ka magsakdal.

--¿Anong Bilibid?,--ang nagngingitngit na tanong ni Maring.--¿Bakit?
¿Anó bagáng kasalanan ang nagawa ko?

Siya’y tinitigan ng sargento.

--¡Kay gandang magnanakaw nito!,--aniya, saka biglang isinima ang
pinto.

Ang salitang “magnanakaw” ay narinig ni Maring, nguni’t hindi niya
natausan ang kahulugan.

--¿Akó kaya ang pinanganlang magnanakaw?,--ang tanong sa kaniyang
sarili.--Hindi: ako’y nagkariringan lamang. ¿At sino sa sangdaigdigan
ang makapagsasabing ako’y magnanakaw?

Muling kinalampag ang pinto.

--¡Teniente! ¡Capitan!,--ang kaniyang ubos lakás na sigaw.

Muling binuksan ng sargento ang pinto ng bilangguan, may dalang
yantok na pamalo, pumasok at hinampas sa mukha si Maring.

--¡Huwag kang maingay!,--ang kaniyang kakilakilabot na bulas.

Nagputok ang tinamaan ng dulo ng mabangis na yantok. Sinugod ni
Maring ang sargento at pinan-gigilang kinagat sa kamay. Bumaón ang
kaniyang mga ngipin sa kamay na kinagat, tumalsik ang dugo, nawaray
ang laman, kaya’t nakabitiw ang mga nagngangalit na ngipin, nguni’t
bigla niyang binaltak at inagaw ang malupit na yantok, at ubos lakás
na inihampas sa mukha ng sargento. Tumama sa matá nitó ang dulo ng
yantok, at nagputok ang balintataw ng kaniyang matá.

Pumasok sa bilangguan ang mga kawal, hinawakan si Maring at saká
ginapos.

--Naulol, naulol,--anilang lahat.

Dumating ang Capitán.

--Huwag po kayóng lumapit,--anang mga kawal,--sapagka’t siya’y naulól.

--Silá po ang naulol,--ani Maring sa Capitán.--Tingnan po ninyó,
ginoong Capitán, ako’y ibinilango nila, pinapagputok nila ang aking
mukha, at ako’y ginapos pa nilá, sa ako’y walang ginagawang kasalanan.

Ang Capitán ay pumasok sa kaniyang tangapan.

--Alisan ninyó ng gapos ang babaying iyan at iharap sa akin,--ang
kaniyang utos.

Ipinag-utos ng isang kabo sa mga kawal na alisan ng gapos si Maring
at ilabás sa bilanguan.

Ang mga inutusan ay naghihiliang tumupad sa utos. Sila’y natatakot
na baká sila’y bunuin ng “ulol”.

Ang kabo, bagá ma’t malaki rin ang pangambá, sa takot sa Capitán ay
siya na ang tumupad sa utos.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto, sumilip muna, tinanaw ang
kinatatakutang “ulol”, at pagkakitang itó ay tumatangis na mag-isa,
nakalupagi sa sahig, ay biglang sinugod at hinawakan sa kamay, at
inalisan ng gapos.

Paglabas sa bilanguan ni Maring, ay inirapan ang mga kawal na kaniyang
nadaanan. Ang mga itó ay nagsipangatal ng takot.

--¡Kay tatapang na mga kawal!--ani Maring.

Siya’y iniharap sa Capitán.

--¿Sino ang humuli sa babaying itó?--ang usisa ng Capitán.

--Akó po,--ang sagot ng isang kawal na kaharap.

--¿Anó ang kaniyang kasalanan?,--ang ulit ng Capitán.

--Siya po ang nagnakaw kagabi ng mga hiyas at buhok sa bahay ni
D.a Consuelo Jimenez. Ang buhok po ay lumitaw na, at kaniyang
ipinagbibili: narito po.

At ibinigay ng kawal ang buhók sa Capitán.

--¿Saan mo kinuha ang buhok na ito?--ang tanong ng Capitan kay Maring.

--Ang buhók pong iyan ay akin,--ang sagot ni Maring.

--Oo nga at iyo,--ang ulit ng Capitán;--nguni’t, ¿saan mo kinuha?

--Sa ulo ko po,--ang tugon ni Maring.

Saka inialis ang kaniyang panyo sa ulo.

Biglang namangha ang lahat na kaharap. Maliwanag ang katunayang ang
buhok ay hindi nga nakaw. Ang kulay at putol nitó ay kaisá at kaakma
ng may mga isang dangkal na naiwan sa ulo ni Maring.

Tiningnan ng matang nanglilisik ng Capitán ang kawal na dumakip kay
Maring, at isinauli sa kaawa-awang babayi ang kaniyang buhok.

--¿Sino ang pumutol ng iyong buhok?,--ang tanong ng Capitán kay
Maring.

--Akó po,--ang sagot nitó.

--¿Bakit mo pinutol?,--ang ulit ng Capitán.

--Ipinagbibili ko po,--ang tugon ni Maring:--ako’y walang sukat na
maipakain sa aking mga anak.

--Umuwi ka na at ipagbilí mo,--anang Capitán.

--¿At papaano po itong mukha kong nagputok?,--ang tanong ni Maring.

--Ikaw ay nakagantí na,--ang sagot ng Capitán,--sapagka’t binulag
mo naman ang sa iyo’y pumalo.

--Hindi po kailangang ang siya’y mabulag man,--ang tutol ni
Maring,--sapagka’t ako’y kaniyang tinampalasan, nguni’t pinapagputok
niya ang aking mukha, gayóng ako’y walang munti mang kasalanan.

--Tunay nga,--ang pakli ng Capitán,--at dahil dian ay asahan mong
mapaparusahang lahat ang mga lumapastangan sa iyo.

Si Maring ay nagpa-alam, muling pinanyuan ang kaniyang ulo, matuling
lumabás sa kuartel at napatungo sa dako ng simbahan. Siya’y lumapit
sa isang tindahang bayan.

--¿Baka po ibig ninyong bumili ng buhok?

--Tingnan po natin,--ang sagot nitó.

Ibinigay ni Maring ang buhók. Nagdumami ang mga nanonood na tao.

--¡Karikit na buhok!,--anang isá.

--At mahaba,--ang saló ng isá pá.

--Mainam nga sana,--ang katlo ng may tindahan,--nguni’t buhok ng
patay.

--Iyan po’y buhók ng buhay,--ang tutol ni Maring.

--Buhók nga ng patáy,--anang isang babaying nandoon.--¿At sino ang
buháy na puputol ng ganiyan kagandang buhok?

Ibig na sanang sabihin ni Maring na iyon ay kaniyang buhok, nguni’t
doon ay maraming tao, at ikinahihiya niyang ipakita ang kaniyang
ulong gapas.

Siya’y umalis at humanap ng ibang tindahan nguni’t gaya rin ng una,
ay siya’y pinagkulumutan ng maraming tao, at sinabi niláng iyon
daw ay buhok ng patay. Hindi nilá makayang paniwalaan na ang isang
babaying buháy ay magputol ng gayóng karikit na buhok.

Umalis na naman si Maring, datapuwa’t biglang sumagi sa kaniyang
bait ang nagugutom na iniwang anák sa bahay, kaya’t agad nagbalik
sa tindahang pinangalingan.

Gaya rin kangina, ay nagdumami ang mga tao.

--Hindi po buhok ng patay ang aking ipinagbibili,--aniya--itó po ay
buhók ng buháy, at ang katunayan ay narito.

Inalís ni Maring ang panyo sa kaniyang ulo.

Naghalakhakan ng tawa ang mga taong nandoon pagkakita nila sa ulong
gapas ni Maring. Inakala nilang itó ay ulol.

Palibhasa’y nakikita nilang si Maring ay na sa malaking kagipitan,
kaya binabaratán ang halaga ng kaniyang buhók. Talagang gayón sa
buhay na ito: kung sino na nga ang nalulunod, ay siyang lalong
pinagdidiinan.

Sa dalawang puong piso man ay mura pa ang buhók ni Maring, nguni’t
natawaran lamang ng dalawang piso. Ng makita niyang ayaw ng sumulong
ang tawad, ay ibinigay na niya sa nasabing halagang dalawang piso.

Siya’y bumili ng tinapay at mantequilla, halos tumatakbong umuwi ng
bahay at kanyang pinakain ang mga batang gutom.

Ang Capitán ng pulis ay tumupad sa kaniyang pangako. Ikatlong araw
ay nangatiwalag sa kanilang tungkulin, ang kawal na dumakip kay
Maring at ang nabulag na sargentong nagpaputok ng kanyang mukha.
May balitang ang sargentong itó, ng wala ng makain, ay namuhay sa
mga gubat at nanulisan.

Isang lingo pa lamang ang lumipas, si Maring ay wala na namáng
maibili ng pagkain.

Ang kaniyang mga anak ay nagiiyakan ng gutom.

Wala nang mahirap kalabaning gaya ng mga bata. Hindi nilá nalalaman
ang kahirapan, at walang taong may matigás na loob na makalalaban sa
kanilang daing. Ang kalaban ni Maring ay dalawang batang lalaking
kalikut-likutan. Si Maring ay nakalaban sa isang mabangis na sargento;
at kasalukuyang lumalaban sa salot ng kahirapan, nguni’t siya’y hindi
mandin makalaban sa hibik ng dalawang batang humihingi ng pagkain.

Sa likot ng mga bata, ay kinuha ang Santo Cristo sa dambana at
pinagbali-bali nila. Dinatnan ni Maring na kagat ng bunso ang isang
paa ng nasabing Santo Cristo.

--¿Bakit sinira ninyó ang Santo Cristo?,--ang tanong ni Maring sa
mga bata.

--Ako’y nagugutom,--ang sagot ng matabil na bunso,--kaya kinakain
ko ang kaniyang paa.

Si Maring ay parang tinarakan sa puso.

Kinuha niya ang bali-baling Santo Cristo, pinulot sa sahig ang mga
paa at kamay na natanggal, iginapos sa cruz at muling ipinako.

Sa lagay na iyon ni Maring ay kahalintulad ng mga judiong nagpako
kay Cristo; ang kahigitan lamang ni Maring, bukod sa ipinako niya
ang kaniyang Cristo, ay binilibiran pa ng gapos na kawad sa Cruz,
buhat sa paa at sa kamay hangang liig.

Si Maring ay nanaog, dalá ang kaniyang Santo Cristo, at ipinagbibili
sa mga bahay-baháy.

Ngayon namán ay siya’y tulad kay Judas. Ang kaibhan lamang ay ang
pagbibilí nitó kay Cristo sa halagang tatlong puong salapi; datapuwa’t
ang Cristo ni Maring ay mura at ipinagbibili lamang sa halagang
“isang salapi”.

At sa halagá mang itó ay wala pang makabili, sapagka’t ang Cristo
ni Maring ay Cristong nagkapilay-pilay, Cristong nagkabali-bali ang
mga kamay, paa, baiwang at liig.

Si Maring ay napatungo sa Divisoria at doon niya ilinako ang kaniyang
Santo Cristo.

Siya’y nasagasaan ng isang nagtutumuling may pasáng batulang, tumapon
ang Santo Cristo sa bató at gumulong sa putik.

Pinaliguan ni Maring sa grifo ang kaniyang Santo Cristo, at
pagkatapos, ay nakita niyang tapias ang ilong, bungi ang labi at
bulag ang mata.

¡Caawa-awang Santo Cristo! Sa lahat ng Santo Cristo sa sanglibután
ay malaki ang pinagdaanang hirap ng Santo Cristo ni Maring.

Siya’y may natanawang isang kamatis na sirang nakatapon sa pangsol
(canal) sa tabi ng kabiak na tinapay. Maliksi niyang dinampot kapuwa,
tinakpan ng mangas ng baro ang kaniyang bibig, saka minsang isinubo
ang kamatis. Siya’y nahihilo na ng gutom.

Anyó na namang isubo ang tinapay, nguni’t biglang natigilan, iniurong
ang kaniyang kamay sa bibig at isinilid ang tinapay sa lukbutan.
Naalala niya ang kaniyang mga anak, at ang tinapay ay itinira sa
kanilá.

Nadaanan niya ang matong ng layak. Matuling linapitan ni Maring,
dinampót ang isang sirang bayabas na doo’y kaniyang nakitang
nakatapon; nguni’t siya’y biglang itinulak ng isang sanitario, inagaw
nito ang bayabas sa kamay ng kaawa-awang babayi, muling itinapon sa
matong, at siya pa’y pinagbantaang dadalhin sa kuartel.

Si Maring ay tumangis, hindi dahil sa siya’y nasaktán, kundi dahil
sa bayabas na hawak na niya’y sinambilat pa sa kaniyang kamay.

--Inagaw sa akin ang bayabas,--aniya sa sarili,--at ibinigay lamang
sa matong ng layak. ¡Mahal pa kay sa akin ang matong na iyan!

Mawiwika marahil ng ginoong bumabasa na si Maring ay hindí dapat
dumanas ng gayong kalaking hirap, sapagka’t dito sa Filipinas ay
marami ang madudulugan at mahihingan ng pagkain, damit at ibá pa.
Nguni’t ¿anó kaya ang magagawá natin, kung si Maring ay siyang aayaw
manghinging talaga? Si Maring ay dalá na. At bukod sa kasamaan ng
kapwa tao na kaniyang dinanas, na walang ibang adhika kundí ang siya’y
paglaruan, ay siya’y may katutubong mataas na loob, maramdaming
dangal at matibay na pananalig sa lakas niyang sarili sa laot ng
kahirapan. Ang mga taong gaya ni Maring ay maaaring mangamatay ng
gutom, nguni’t hindi maaaring kailan pa man ang sila’y sumuko sa
magdarayang biro ng buhay.

Si Maring ay nagtuloy sa sadsaran (muelle) at doon naman inilalako
ang kaniyang Santo Cristo.

Makapal ang taong umahon, galing sa isang sasakyang bagong dating.

Si Maring ay sumalubong.

--Bilhin na pó ninyó itong Santo Cristo,--aniyang sumisigaw.

Siya’y biglang niyakap ng isang lalaking payat, maputlá at
susuray-suray.

--¡Maring!,--anang lalaki.

Siya’y liningon ni Maring, at...

--¡Gonsalo! ¡¡¡Gonsalo ko!!!,--ang kaniyang matalim na sigaw, at
biglang hinimatay.

Si Maring ay madaling isinakay ni Gonsalo sa isang calesa at saká
siya inuwí ng bahay.

Ng mahimasmasan si Maring ay na sa kandungan siya ng kaniyang asawa
sa kanilang bahay.



KABANATANG V.

Asawang Mairugin


Si Gonsalo ay nangaling sa Hawaii. Malubhá ang sakit, at walang
dalang salapi kundí ang lilimang pisong napag-arimuhanan niyang
inawás unti unti sa kaniyang pamumuhay doon, sa loob ng mahigit sa
isáng taóng di kawasang pagod.

Siya’y naka-uwí dito, sapagka’t ang isá niyang kaibigang magdaragat ay
siya’y lihim na pinapasok sa sasakyan, ng ito’y malapit ng tumulak.
Si Gonsalo ay bumaón sa bunton ng uling na bato at ng sila’y malayo
na sa Hawaii at saka pa lamang umahon sa kaniyang libingan.

Ng siya’y makita ng Capitan sa sasakyán ay siya’y nakagalitan ng
di gayon lamang, nguni’t wala ng mangyari at siya’y nakasakay na,
lalo’t hindi naman mangyaring patalunin siya sa dagat, at lalong
hindi mangyari ang dahil lamang sa kaniya ay ibalik pa sa Hawaii
ang sasakyan. Dahil dito, ay nagtuloy ng paglalayag at si Gonsalo
ay kasama.

Pagdating sa Hongkong ay siya’y pinalunsad, nguni’t, gaya rin ng una,
sa pamamagitan ng isá niyang kaibigan ay siya’y lihim na nakapasok
sa isang sasakyán at siya’y nagtago sa kinalalagyan ng mga baka, at
doo’y hindi siya lumabas hanggang di sumadsad dito sa Maynila.

Kayá bagá ma’t anong hirap, si Gonsalo ay nag pumilit umuwí dito,
ay dahil nararamdaman niyang malalagot ang kaniyang hininga sa
malaking hirap na naranasan sa Hawaii, ay ninais niyang makita muna,
kahit sandali bago siya mamatay ang kaniyang sinisintang Maring at
pinakamamahal na dalawang anak.

Sa makatuwid, ang dalawang batang alaga ni Maring ay nadagdagan pa
ng isang may malubhang sakit.

Si Maring ay pumasok na alilá sa isang babaying americanang
naninirahan sa Ermita. Pinagkasunduan nilang si Maring ay tatangap
ng walong pisong bayad sa bawa’t buan, nguni’t siya’y darating ng
ika 6 ng umaga sa bahay ng kaniyang panginoon at sa ika 8 ng gabi
saká lamang siya uuwí ng bahay.

Ang anak na panganay ni Maring ay mahigit na sa limang taóng gulang,
at itó ay siyang sumisiyasat sa kaniyang amá at sa kaniyang kapatid
na bunsó.

Sa pagkapa-alila ni Maring ay doon nakita ang kaniyang saganang
kasipagan.

Madaling araw pa’y nagbabangon na’t sinisiyasat ang asawang may
sakit, ang dalawang anak, at ang boong pamamahay na iiwan sa habang
maghapon.

Pagkatapos ay siya’y matuling susugod sa Ermita. Nagbubukang liwayway
kung siya’y dumating sa bahay ng kaniyang panginoon. Pagdaka’y
sisiyasatin na niya ang pagkaing agahan.

Ang mga cubiertos, pingan, vaso, serbilyeta at ibá pang gamit sa
pagkain ay pawang maayos at malinis na lahát.

Bago magising ang kaniyang panginoon ay siya’y nagbabantay na sa
tabi ng pinto ng kaniyang silid, pagtawag sa kaniya, saka pa siya
papasok, ihahanda ang kaniyang hilamusan, hihiluran niya sa likod at
sa bisig, huhugasan ang kaniyang mga binti at paa, susuotan niya ng
medias, pakikintabin ang kanyang mga botitos, saka isusuot sa paa ng
kaniyang dakilang poon, tutulungan pa niyang magbihis at magsuklay
ng buhok, pagpapalain ang nalukot na hihigan. Paglabas ng kaniyang
panginoon, at samantalang ito ay kumakain, si Maring ay nakatayo sa
kaniyang harapán, upang sa kahit anó man lamang munting kailangan
ay siya’y maliksing makapangasiwa.

Pagkatapos nitó saka pa lamang siya kakain sa tira ng kaniyang
panginoon, malalaki ang subo hindi dahil sa siya’y gutóm, kungdi
dahil sa siya’y nagmamadali, at ibig niyang agad magawa ang lahat
ng bagay na dapat niyang siyasatin.

Bago pa lamang nakaiinom ng tubig ay kaniya ng hawak ang walís at
linilinis ang buong bahay.

Bago manaog ang kaniyang panginoon ay siya’y binibigyan ng pisong
maipamili ng pananghalian at hapunan.

Pag-alis ng kaniyang panginoon ay kukuskusin na ng basahang may
pitróleo ang sahig ng bahay, pagkatapos saka niya bubulihin ng
basahang tuyo, matuling gumagapang upang madaling kumintab na anaki’y
salamin. Sa gayong kalaking bahay nabubuli ni Maring sa loob ng
sandali. Doon ay walang ibang alila kungdi si Maring.

Pagkatapos at saka lilinisin at aayusin ang lahat ng kasangkapan.
Isa-isang inilalagay sa kani-kaniyang dapat kalagyan.

Didiligin pa ang maraming halaman ng kaniyang panginoon.

Kung matapos itó ay saka pa siya mamimili ng pagkain. Sisiw, ibon,
isda, karné ó anó man kayáng pagkaing masarap at mura, huwag na di
magkasiya lamang ang dalá niyang piso.

Pagdating ng kaniyang panginoon ay susuyuan niya sa pagkain, at
pagkatapos ay kaniyang susundan sa silid, aalisin ang kaniyang
botitos sa paa at ang kaniyang bihis sa katawán, saká pa siya kakaing
nagmamadali upang muling makapasok sa silid at mapaypayan ang kaniyang
panginoon. Kung itó ay nakakatulog na, at saka pa liligpitin ang
kinanan, at pagkatapos ay kukunin namán ang may kasiraang damit at
susulsihan.

Sa ika 2 ng hapon ay magigising ang kaniyang panginoon, at gaya rin
kaninang umaga, ay tutulungan niyang magbibihis, magsuklay ng buhok,
at susuotan pa ng butitos at hindi hinihiwalayán hangang di manaog
at pumasok sa kaniyang pangasiwaan.

Pag-alis nitó, ay bubulihin na naman ni Maring ang sahig, hangang
hapon, saka pa sisiyasatin ang pagkaing hapunan.

Si Maring ay siya pa ang utusán sa lahat ng dako.

At ang lalo pang pagod ni Maring ay kung magsidating ang mga
panauhin ng kaniyang panginoon. Siya ang tanging utusan sa pagkuha
ng sari-saring alak, pulutan, matamis, kung saan-saang almacen, at
kung sila’y langó na, ay palagi pa siyang namumura.

Ang lahat ng itó ay pinagtitiisan ni Maring, alangalang sa kaniyang
asawang nakaratay sa banig at sa kaniyang dalawang anak na mumunti.

Ang kaniyang panginoon ay isang babaying americanang hindi pangit
at hindi naman maganda: Kainaman lamang, datapuwa’t maayos magbihis
at bantog sa kalinisan ng kaniyang puri.

Gayón pa man ay madalas makita ni Maring, na siya’y nakikipagsarilinan
sa silid sa kung sino-sinong mga lalaking dalaw na kaniyang kaibigan.
Doon sila nag-iinuman ng alak, doon ang malakas na halakhakan ng
tawa, mamaya’y biglang tahimik, mamaya’y bigla na namang kaingayan
tawanan... Nguni’t ang lahat ng ito’y walang anó mang masamá: talagang
ang gayong kaugalian ay karaniwan daw sa lahi ng kaniyang panginoon.

Isang gabi, itó ay nagkaroon ng panauhin. Isang lalaking anaki’y
supling ng mga higante sa taas at laki ng pangangatawan. Ang kaniyang
mukha’y kasingpulá ng kamatis na hinog. Anim ng botelyang cerveza ang
kaniyang nainom, bukod pa ang dalawáng botelyang “wisking” kasalit.

Pagtugtog ng ika 8 ng gabi sa relos, si Maring ay nagpaalam sa
kanyang panginoon, nguni’t ang panauhin ay siyang sumagot.

--Huwag ka munang umalis,--aniya,--sapagka’t wala kaming mautusan dito.

--Hindi po mangyayari,--ang sagot ni Maring.

--¿Bakit hindi?,--ang tanong ng panauhin.

--Sapagka’t ang asawa ko po ay nakaratay sa banig,--ang tugon ni
Maring,--bukod sa ako’y may dalawang anak na maliliit na naghihintay
sa akin ngayon sa bahay.

--Lalo nang hindi mangyayari ang kami ay iwan mo ngayon,--ang ulit
ng panauhin.--Ikaw ay aming kailangan sa boong magdamag.

--Hindi po mangyayari,--ang tutol ni Maring.--Akó po’y paalam na.

Si Maring ay anyong aalis, nguni’t siya’y hinawakan sa kamay ng
panauhin.

Ang panginoon ni Maring ay humahalakhak ng tawa.

--Ako po’y bitiwan ninyó,--ani Maring sa panauhin.

--Huwag kang umalis, sapagka’t ikaw ay aming kailangan,--ang pilit
nitó, saka kinaladkad si Maring at ipinasok sa silid.

Si Maring ay lumaban.

Siya’y niyakap ng panauhin at biglang inihampas sa sahig.

Si Maring ay nabuwal; at sa pagkabiglá ay nagputok ang kaniyang ulo
sa dakong likuran.

Sa gayong kalagayan ay siya’y kinababaw noong taong malaki: siya’y
ibig gawán ng mahalay, nguni’t sa sandaling yaon ay naala-ala ni
Maring ang kaniyang lanseta sa lukbutan, madaling dinukot, lihim na
binuksan at biglang tinarakan sa dibdib yaong lalaking namimilit.
Itó ay napasigaw ng malakas.

--¡Mamamatay ako!,--aniya at binitiwan si Maring.

Naglawa sa sahig ang dugó.

Dumaló ang panginoon ni Maring at siya’y anyong hahawakan, nguni’t
si Maring, kaisang liksi ng kidlat, ay lumuksó at nagtaanan.

Sa kaniyang pagmamadali ay siya’y nahulog sa hagdanan, nguni’t hindi
tumigil kaunti man. Paglagpak niya sa lupa, ay maliksing tumindig
at tumakbó.

Siya’y nakatagpo ng isang calesang walang laman. Tinawag niya at
sinakyán.

--Sa Tundó,--aniya sa cochero.

Ang kabayo ay matuling tumakbó.

Ng ang calesa’y papaakyat na sa tulay ng Espanya, ay nasagasaan
ng isang trambia. Ang calesa ay tumapon at nagiba, ang cochero ay
nasugatan sa mukha, nguni’t si Maring ay hindi naano.

Pagdaka’y lumapit sa kanilá ang isang amerikanong pulis, at sila’y
dinaluhan ng maraming tao.

Napagmasdan ng pulis ang damit ni Maring, tigmak ng dugó. Yao’y dugo
noong malaking americanong kaniyang tinarakan sa bahay ng kaniyang
panginoon.

--¿Nasugatan ka ba?,--ang tanong ng pulis kay Maring.

--Opó,--ang sagót nitó.

--Tingnan ko ang iyong sugat,--anang pulis.

Si Maring ay nanginig ng takot, sapagka’t siya’y hindi nasugatan.

--¿Saan nandon ang iyong sugat?--ang ulit ng pulis.

--Naritó po sa loob,--ang sagot ni Maring.

--Ipakita mo,--anang pulis.

--Hindi po maaaring ipakita ko,--ang tugon ni Maring,--sapagka’t
narini sa loob.

--¿Malubha baga ang sugat mo at ganiyan na karami ang dugo sa iyong
damit?--ang usisa ng pulis.

--Malubha nga po kung kaya ako’y tigmak ng dugo,--ang tugon ni Maring.

--Kung gayon,--anang pulis,--ay sumama ka sa akin sa Hospital.

Si Maring ay lalo pang nanginig ng takot. Inakala niya na kung
siya’y sasama sa Hospital, at doo’y makitang siya’y walang sugat ay
sapilitang uusisain kung bakit tigmak ng dugo ang kaniyang damit,
at dahil dito ay walang salang di nila malalamang siya ang tumarak
sa dibdib noong amerikanong iniwan niyang naghihingalo marahil sa
bahay ng kaniyang panginoon.

Ang pulis ay lumapit sa isang telefonong na sa malapit na haligi sa
daan, at siya’y humingi ng isang “carro ambulante”.

Ang sandaling yaon ay sinamantalá ni Maring at siya’y matuling
nagtaanang umakyat sa tulay ng Espanya.

Siya’y hinabol ng pulis at siya’y anyong abutan sa kalagitnaan ng
tulay. Pagkakita ni Maring na siya’y dadaklutin na lamang ng pulis,
ay maliksing sumampa sa gabay ng tulay at lumuksó sa ilog.

Ang americanong pulis ay lumuksó rin at siya’y hinabol sa tubig.

Sa mga sandaling yaon ay bumabaha ang ilog Pasig, kaya’t ang mabilis
na agos na sinasagabalan ng tulay ng Espanya ay dumaragundong at
namimilipit sa pagpupumilit malampasan yaong makakapal na haligi ng
nasabing tulay.

Palibhasa’y kinagisnan ni Maring ang pamamalakaya, kaya’t siya’y
malakás lumangoy.

Ang pulis ay linulon ng isáng malaking uli-uli at nalunod. Datapuwa’t
si Maring ay lumaban sa dumaragundong na tubig, at sa kalalangoy, at
sa kasisisid, ay siya’y nakarating na walang nakamalay sa kaniya sa
sadsarang may hagdanang batóng malapit sa tapat ng bahay ni Yangko.

Siya’y umahon at matuling lumakad. Namimili ng madaanang madilim,
upang siya’y makubli sa liwanag ng mga ilaw sa lansangan.

Siya’y nakarating sa kanilang bahay, nangangapos ang hininga sa
pagod.

--Ako’y nakamatay ng tao,--aniya kay Gonsalo.

--¿Bakit?,--ang gulat nitó.

--Ako’y pinagnasaang gawán ng mahalay ng isang amerikano,--ang dugtong
ni Maring,--kaya’t siya’y aking tinarakan ng lanseta sa dibdib.

Si Maring ay madaling nagbihis.

Noon ding gabing iyon, si Maring ay humanap ng banka sa pampang ng ilog
at kaniyang inakay ang malubhang asawa at maliliit na dalawang anak.

Sino pa mang makakita sa anyo ni Maring ay sapilitang mahahabag.
Sunong ang nakabigkis na banig, unan at tampipi ng damit, akay ng
kaliwang kamay ang anak na bungso, kapit sa kaniyang saya sa dakong
likuran ang anak na panganay, at si Gonsalong halos hindi makagulapay
ay nakasimbabá sa kaniyang balikat na kanan.

Ang sariling bangkang dinatnán nilá sa pampang ng ilog ay tigib ng
lulang talabang may balat. Gayon pa mán, ito’y kanilang sinakyán,
sapagka’t doo’y wala ng ibang bangka.

Doo’y may iisáng lalaking pinakiusapan ni Maring upang sila’y ihatid
sa nayong Baluarte, sakop ng Bulakan.

Sa di masaway na galaw ng mga bata lalo na’t ang bangka ay tigib ng
talabang may balat, itó ay tumaob, noon pa namang siya’y malapit ng
sumadsad.

Gayón na lamang ang sama ng palad. Hindi malaman ni Maring kung sino
ang unang sagipin sa kaniyang mga anak at asawa.

Palibhasa’y siya’y may buháy na kaisipan sa mga biglang panganib,
ay agad niyang sinagip ang anak na bungso; ang panganay ay sinagip
namán ng bangkero.

Si Gonsalo ay lumubog na parang bató.

Pagkakita ni Maring na si Gonsalo ay wala, ay iniabót sa nasabing
bangkero ang anak na bunso at pagdaka’y sumisid. Kinapa sa ilalim
ng tubig ang kaniyang asawa, at ng kaniyang matuklasan ay niyakap,
at biglang sumikad sa lupa, kaya’t silang dalawa’y lumitaw.

--Ilangoy ninyo at ihahon sa pampang ang dalawang batá,--ang sigaw
niya sa mananagwan.

Halos hindí pa man natatapos ang kaniyang huling salitá, ay muling
lumubog na namán ang mag-asawa, sapagka’t si Gonsalo ay nanguyapit
sa liig ni Maring.

Hindí makatulong kay Maring ang mananagwan sapagka’t dalá nitó ang
dalawáng batá at siya naman ay halos lumubog.

Dahil dito, ay pinag-ubos ng mananagwan ang kaniyang lakas, at
bahagya ng makagulapay ng siya’y makaarok sa dako ng pampang.

Siya’y madaling umahon, binitiwan sa lupa ang dalawáng paslit at
muling lumusong sa tubig.

Siya’y sumisid sa kinalubugan ni Maring at ni Gonsalo. Nakapá niyang
nagkakayakapan ang dalawa sa ilalim. Si Maring ay hindi na mangyaring
lumitaw pa, sapagka’t mahina na ang kaniyang katawán, at hindi niya
makayang dalhin ang nangunguyapit sa kaniyang liig.

Hinawakan si Gonsalo ng mananagwan. Ito’y biglang sumikad sa lupa,
kaya silang tatlo’y lumitaw.

Si Maring ay nakahingá.

Pinag-ubos nitó ang kaniyang lakas, at silang dalawá ng mananagwan
ay pinagtulungang ilinangoy si Gonsalo hanggang sa pampang.

Sila’y umahón.

Si Gonsalo ay hindi humihingá.

Doon ay may isang dampang tirahan ng isang matandang bantay
palaisdaan. Sila’y nanuluyan sa matanda.

Si Gonsalo ay binihisan, kinumutan at nagsiga sa silong ng bahay
upang siya’y mainitan, kaya’t di nalaonan ay nanaguli ang kaniyang
hininga.



KABANATANG VI.

Tinugis ng Lisyang Palad


Hindi lubhang malayo sa dampang tinuluyan nila Maring ay may isang
malaking palaisdaan, ari ng bantog na mayamang si Capitang Juan.

Si Maring ay natangap na bantay sa palaisdaang yaon, kaya’t sila’y
madaling lumipat sa kaniyang dampa.

Isang hapon, nagtatakip-silim na, si Maring ay sumasalap ng hipon,
upang sila’y may ulamin sa hapunan.

Dumating si Capitang Juan sa palaisdaan at lumapit kay Maring.

--Maring,--aniya,--labis mo ng nahahalata marahil ang maluwat ng
mataimtim kong nais sa iyong kariktan. At yayamang ako’y mayaman,
ay ibig kong ikaw ay yumaman din naman.

--Hindi po mangyayari ang inyong nais,--ang sagot ni Maring,--batid
po ninyong ako’y may asawa.

--Paka-asahan mong walang makakaalam na sino pa man,--ani Capitáng
Juan.

--Mayroon po,--ang tugon ni Maring:--ang Maykapal at akó. Akó’y
nahihiya sa Maykapal at sa aking dangal na sarili.

--Akalain mong si Gonsalo ay may sakit,--ang ulit ni Capitáng
Juan.--Kapag siya’y namatay ay walang lilingap sa iyo at sa iyong
mga anak.

--Akó po namán ay may sariling lakás,--ang pakli ni Maring.

--Kapag hindi nangyari ang aking nais,--ang banta ni Capitang
Juan,--ay aalisin ko sa iyo ang palaisdaan.

--Ari po ninyo ang palaisdaan,--ang tahimik na sagot ni Maring,--at
magagawa ninyó ang balang ibigin.

--¡Kay-tigás namán ng loob mo!,--ang malambing na samo ni Capitang
Juan at anyong yayakapin si Maring.

Si Maring ay umurong ng dalawang hakbang.

--Capitang Juan,--ang nakangiting paklí ni Maring:--Marahan at huwag
po kayóng mangahas. May mga babaying maamo pa kay sa inakay na
kalapati, kung sila’y hindi linalapastangan; nguni’t kapag hindi
iginalang ang kanilang karapatan, ay marurunong din namang manuka
at mangamot na masahol pa kay sa lawin.

Si Capitang Juan ay napahiya, kasabay ng malaking galit na biglang
sumilakbó sa kaniyang puso at utak.

Yaong bantog na Capitáng Juan na hindi na halos mabilang ang mga
babaying kaniyang nabihag; yaong Capitang Juan na may himalang titig
na sa tuwi-tuwi na’y sinusukuan ng mga dalaga’t babaying may asawang
natitisuran sa paglakad ng kaniyang maligayang buhay, ay naroroon
ngayon at pinangdidilatan at hinahamunan ng isang marálitang bantay
palaisdaan.

--¡Napakataas ng iyong pangungusap!,--ani Capitang Juan.

--Sa katwiran po lamang,--ang sagot ni Maring.

--¿Anó bagang katwiran ang isinasatsat mo?,--ang bulas ni Capitang
Juan.--Magpasalamat ka’t ikaw ay napiling naisin ng aking pita.
Panunghan mo ang iyong kaliitan, at tingalain mo ang aking kalakhan,
saka ka magsabi kung...

--¡Oh bulag na matanda!,--ang sabat ni Maring.--¡Paslang na mayaman!
Ang kaluluwa mo’y kasing-dumi ng salaula mong kalooban. Hindi ka pa
nasiyahan sa pamumutawi sa iyong mga labi ng mga salitang mahalay,
laban sa marangal na ugali, at ngayon ay nag-anyó ka pang lumapit sa
akin, upang lapastanganin mo ang aking pagka-babayi... ¡Ulol! Akalain
mong ikaw, sa gitna ng iyong masagwang kayamanan, ay maliit ka pa
kay sa hanip nguni’t ako, sa laot ng aking marangal na kadalitaan,
ay kasinglaki akó ng kalinisan, ng karapatán at ng katwiran. At ang
katunayan ay narito.

Dinukot ni Maring sa kaniyang lukbutan ang isang lanseta, at dagling
binuksan. Ang talim nito ay kumislap.

--Lumapit ka ngayon,--ang dugtong ni Maring. Si Capitang Juan ay
nangatal ng takot. Ang katutubong tapang ng kaniyang puso at utak
ay dagling bumaba sa kaniyang talampakan, at sa katunayan ay siya’y
mabilis na lumayas.

Ng siya’y malayo na, at inakala niyang siya’y hindi na aabutan ni
Maring, sakali mang siya’y habulin, ay sumigaw ng malakas:

--Iwan ninyó ang dampa ngayon din,--aniya.

Si Maring ay umuwi. Dinatnan niyang nagkakaumpok ang tatlong mag-aama.

Si Gonsalo ay lumalakas lakas na nguni’t hindi pa makalakad.

--Gonsalo,--ani Maring,--tayo’y pinaaalis dito ni Capitang Juan
ngayon din.

--¿Bakit daw?,--ang malumbay na tanong ni Gonsalo.

--Ewan nga,--ang sagot ni Maring.

Ipinagkaila ni Maring ang dahilán, ala-ala niya’y baka lalong sumama
ang loob ng kaniyang kaawa-awang asawa.

Maluwat na di nakaimik ang dalawa.

Ngayong pinagmamasdan ni Maring ang kaniyang dalawang paslit na anak
at ang asawang may sakit, yaong puso niyang kasingtigas ng bakal
ay naging marupok, at anaki’y sasabog sa mariing hampas ng lisyang
palad.

--¿At papaano tayo ngayon?,--ang kahambal-hambal na tanong ni Gonsalo.

--Tayo ay umalis dito ngayon,--ang lalong kahabag-habag na sagot ni
Maring.

Ang dalawang bata ay nangakatanga sa pakikinig sa salitaan. Tila
wari ibig niláng mataosan ang káhulugan ng usapan ng kanilang amá’t
ina; nguni’t ang kanilang malalagong utak, ang kanilang maliliit
na puso, ay wala pang kayang lumasap ng lasong handog sa kanila ng
lahat ng bagay na nangyayari.

--¿At saan tayo titira ngayon?,--ang lubhang malungkot na tanóng ni
Gonsalo.

Si Maring ay ngumiti, ngiting pilit, ngiting malumbay pa kay sa
tangis, ngiting mapait pa kay sa apdó.

--Malapad ang lupang matitirahan,--aniya,--at maaliwalas ang langit
na masisilungan. Ang lahat ng parang, gubat at bundok ay pawang
nangaghahandog ng kamote, gabe, mga ubod, sari-saring bungang kahoy,
bukod pa ang maraming tikling at iba’t ibang ibon at hayop; gayón
din naman ang mga sapa, ilog at dagat, ay pawang nangaghahandog ng
walang katapusang biyaya, gaya ng mga suso, kabibi, palaka at laksa
laksang isdang hindi sukat maubos ng tao sa habang panahon.

--Tunay na nga,--ang pakli ni Gonsalo,--nguni’t akó ay may sakit
at... ¡Kaawa-awa ka namán, Maring!

Saka siya biglang napatangis.

--¿Bakit?,--ang masintahing tanong ni Maring.

--Kaawa-awa ka naman, sapagka’t ako’y hindi makatulong sa iyo kaunti
man,--ang himutok ni Gonsalo.

--Tatay,--anang matabil na bungso,--akó ay tutulong sa inang ko.

--Akó mán,--ang dagling dugtong ng panganay.

--¡¡¡Dios ko!!!--ang malakás na sigaw ni Gonsalo, saka niyakap na
mahigpit ang dalawang anak.

--Ako’y mag-aararo at magtatanim ng palay,--ang ulit ng panganay.

--Ako’y mamamalakaya at ipagbibili namin ng inang sa bayan,--ang
dugtong ng di mapakaling bungso.

--¡¡¡Dios ko po!!!,--ang matalim na sigaw ni Maring.--¡¡¡Anong
kaliliit ng aking mga anak!!!

Saka minsang niyakap ang tatlong mag-aamá.

¡Kakila-kilabot na larawan!

May mga larawang hindi mangyayaring dalubhasain ng lalong pantas na
panulat. Ang larawan nila Maring, Gonsalo at dalawang anak ay isá
sa mga binangit.

Ang mag-asawang Maring at Gonsalo ay sabay na tumangis. Ang malalagong
utak at maliliit na pusó ng dalawang paslit ay nangahawa mandin
sa hinagpis ng kanilang ama’t ina, at sila’y tinablan ng mapait
na luhang dumadagisdis at pumapatak sa kanilang ulo, kaya silá ay
nagsi-tangis din.

Ang mag-asawa at ang kanilang mga anak ay ayón at nagkakayakap at
nagsisitangis na walang lubay. Sila’y parang binigkis ng lalong
masaklap na kamatayan.

Ang silong ng bahay ay nabasa sa kadadagisdis ng kanilang luha.

¡Kaawa-awang Maring! Ang sinumpaan man ng mga katalunan ay hanggan
doon na lamang ang hirap. Karamihan sa babayi ay nangapapala dahil
sa kanilang kagandahan; nguni’t si Maring, sapol pa man sa una,
sapol pa noong siya’y agawin ni Gonsalo, ay siya’y tinugis na ng
mababangis na ligalig, dahil lamang sa kaniyang hiwagang dilag.

Iwan natin ang kabanatang itó, sapagka’t napakalumbay.



KABANATANG VII.

Ganting-pala ng Pagtitiis


Inakay na namán ni Maring ang kaniyang dalawang anak at asawang may
sakit.

Si Gonsalo ay nabinat.

Sila’y naparoon sa dampa noong matandang kaniang tinuluyan noong
unang sila’y dumating sa pook na iyon, at ipinamanhik ni Maring sa
kaniya na sila’y ihatid ng bangka sa Obando. Ipinagtapat ni Maring
ang naging dahilan ng kanilang pag-alis.

Ang matanda ay nahabag at pumayag sa pamanhik.

Hinakot ni Maring ang kanilang banig, unan at tampipi ng damit,
inilulan sa bangka, sila’y sumakay at napatungo sa Obando, sa dakong
Taliptip.

Ang bangka ay sumadsad at sila’y napasalamat sa matandang sa kanila’y
naghatid.

Hindi pa nalaonan ang kanilang paglakad, ay sila’y may isang kubong
dinatnan.

Nagpataupo si Maring, nguni’t walang sumagot.

Siya’y sumilip sa linib at ng makitang walang tao, ay ipinanhik ang
kaniyang asawa’t mga anak.

Ang kubong yaon ay parang inihanda kilá Maring. Nagkaroon sila ng
bahay na di pinagkagugulan ng salapi at pagod. Lamang ay napakaliit
at wasak pa. Yao’y kubong maluwat ng iniwan ng may-ari.

Gayon pa man, si Maring ay natuwa ng di mamagkano, at napasalamat
sa Maykapal.

Siya’y naglatag ng banig, at pinatulog ang mga bata.

Palibhasa’y hapo si Gonsalo, kaya di nalaonan at nakatulog din.

Hating gabi at maliwanag ang buan.

Pagkakita ni Maring na nakakatulog na ang kaniyang asawa at mga anak,
ay siya’y marahang nanaog at napatungo sa isang palaisdaang hindi
lubhang malayo doon. Tahak ni Maring ang pasikot sikot ng pook na
yaon, sapagka’t noong buhay pa ang kaniyang nasirang amá ay sila’y
madalás na mamili ng isda doon.

Siya’y napatungo sa bahay na tirahan ng bantay sa palaisdaan. Bagama’t
hating gabi ay nakita niyang maliwanag sa loob ng bahay. Siya’y
napataupo.

Dumungaw ang isang matanda at siya’y pinapagtuloy. Pagdaka’y nakilala
niya ang matandá sapagka’t itó ay kaibigan ng kaniyang nasirang amá
at ngayo’y siyang may ari ng palaisdaan.

Ipinamanhik ni Maring na siya’y pahintulutan mangdukot ng alimango sa
mga lunggang nangasa-pilapil ng palaisdaan. Ang may-ari ay pumayag.

¿Sabihin pa kayá ang tuá ni Maring?

May mga dalawang oras pa lamang siya sa palaisdaan, ay mahigit na
sa apat na puo ang alimangong kaniyang nahuli.

Sa katapusán ay nasipit ng isang sakag ang kaniyang hintuturo.
Nabutas ang kukó at nadurog ang dulo ng kaniyang daliri.

Siya’y umuwí. Ang dugo’y walang lubay na tumutulo sa kaniyang sugat;
nguni’t siya’y masayá, sapagka’t may dalang apat na puo’t walong
matataba at malalaking alimango.

Pagdating ng bahay ay tinalian ang kaniyang sugat, ginising si
Gonsalo at nagpaalam na umuwi ng bayan, upang ipagbili ang alimangong
kaniyang nahuli.

Siya’y nag-iwan ng apat upang sila’y may ulamin.

Nagbubukang-liwayway na ng si Maring ay umalis.

Ng siya’y umuwi ay may dalang bigás, petróleo, ilawan, palayok,
suklob, sandok, banga at asin.

Namaga ang kaniyang hintuturong may sugat at hindi na mangyaring
siya’y makapangdukot ng alimango.

Kinagabihan ay siya’y nananglaw ng kanduro.

¡Kay tuwa ni Maring! Sasandali pa siyang nananglaw ay dalawang puo’t
anim na ang kaniyang nahuling ibon. Nguni’t sa kabila ng kaniyang
tuwa, ay siya’y nasubyang ng isang bubog na bumaon sa kaniyang
talampakan ng kulang lamang sa isang dali ang lalim.

Tinalian ng panyo ang kaniyang sugat at umuwing titingkod-tingkod.

Kinaumagahan, at pagkatapos naipagbili ang kaniyang mga nahuling
ibon, bagá man at masakit na lubha ang kaniyang paa, ay siya’y
bumilí ng tubig na inumin, sinasalok niya ng banga sa mga bangka,
at ipinagbibili sa bayan. Ikaapat na balik, ay siya’y natisod sa
isang bato, naparapa at nabasag ang kaniyang banga.

Si Maring ay umuwi ng bahay na gumigilid ang luha sa kaniyang mga
pilikmatá.

Naala-ala niya ang kanilang bahay na iniwan sa nayon ng B. Siya’y
naparoon at ang bahay ay ipinagbili ng dalawang puo’t limang piso.

Si Maring ay magaling tumugtog ng alpa at lalo pang magaling
manalindaw (magkanta). Dahil dito ay siya’y bumili ng isang alpa,
umuwi ng bayan at siya’y nanapat sa mga bahay na malalaki. May mga
tatlong oras pa lamang na siya’y nananapat, ay mahigit na sa piso
ang kaniyang kinita.

Siya’y masaya na sanang umuuwi, nguni’t siya’y nasagasaan ng isang
mabilis na kalesa, nagulungan ang kaniyang alpa at nagkadurugdurog,
saka nagputok ang kaniyang mukha sa pagkapasubasob.

Siya’y tumangis na naman, hindi dahil sa siya’y nasaktan, kungdi
dahil sa pagkalansag ng kaniyang alpa.

Kinabukasan siya’y bumili ng isang tagá at pisi. Gumawa siya ng isang
baliwasan, at kinagabihan ay siya’y napatungo sa ilog at namitmit.

Maliwanag ang buwan.

Noong gabing yaon lamang sinama si Maring, at hating gabi na ay wala
pang nahuhuling isa mang isda.

Kaginsa-ginsa’y lumapit kay Maring ang isang lalaking may saluksok
na revolver at sundang sa baywang. Ang lalaking itó ay bulag ang
isang mata, nguni’t yaong isa niyang matang natitira ay katimbang ó
mahigit pa kay sa dalawá, sapagka’t lubhang malaki, matalas, madilat
at halos nag-aalab.

Pagkakita ni Maring sa lalaking itó ay biglang nagulat at
nanghilakbot. Gayon pa man ay tinatagan ang kaniyang loob, binawi ang
kaniyang dating lakas sa mga panganib at hindi nagpakita ng kaunti
mang takot.

--¿Nakikilala mo akó?--ang tanong ng lalaki.

--Oo,--ang sagot ni Maring.--Ikaw ang sargentong nagpaputok ng mukha
ko sa kuartel ng pulis sa Tundó.

--At ikaw namán,--ang pakli ng lalaki,--ang nagpaputok ng balintataw
ng kanan kong mata. Narito ang katunayan.

Itinuro ang bulag niyang matá.

--At yayamang ikaw ang siyang bumulag sa akin,--ang dugtong ng
lalaki,--yayamang ako’y natiwalag sa aking katungkulan dahil sa iyo,
at yayamang kitang dalawa ay pinagtagpo ngayon ng mabuting kapalaran
ay kailangang sumama ka sa akin, upang ako’y damayan mo sa buhay at
kamatayan.

--Hindi mangyayari,--ang matatag na sagot ni Maring.

--¿Bakit hindi mangyayari?,--ang bulas ng lalaki.--Ang balang ibigin
ko ay sapilitang mangyayari nga, sa mabuti at sa masama mang salitaan.

Inakala ni Maring na labanán na naman ang kaniyang haharapin. Iginayak
niya ang loob at hinawakang mahigpit ang puno ng kaniyang baliwasan.

Si Maring ay talagáng matatag sa panganib.

--Sumama ka sa akin,--anang lalaki, kasabay ang paghawak sa kaliwang
kamay ni Maring.

Nguni’t si Maring, kasing liksi ng kidlat, ay biglang sinaksak sa
mukha ang lalaki ng puno ng kaniyang baliwasan. Napalaran niyang
tinamaan ang matang hindi bulag, itó ay pumutók, lumabas sa dating
kinalalagyan, kasabay ng bumulwak na dugo.

Sa makatuwid si Maring ang siyang pinalad na bumulag sa kanang matá
ng dulingas na sargento, at ngayon ay siya pa ring pinalad na bumulag
sa kaniyang kaliwang matáng natitirá.

Ang lalaking may iisang bulag na matá, ngayon ay naging bulag ng
lubós.

Binunot nito ang kaniyang rebolber, nguni’t pinagubos ni Maring ang
kaniyang lakás, biglang binaltak ang kaniyang kamay na hawak ng
lalaki, saka lumayo.

Ito’y bumaril, nguni’t hindi niya tinamaan si Maring, sapagka’t ang
bumaril ay bulag. Siya’y muling binaril, nguni’t ang punglo ay lalo
pang napalayo sa binabaril.

Si Maring ay nakapulot ng isang pidpid na kahoy, dahan-dahang lumapit
sa dakong tagiliran ng lalaki, saka pinalo ng ubos lakas sa kamay
na may hawak ng rebolber: Ito ay tumapon at pinulot ni Maring.

Ang bulag ay pipihit-pihit at hindi matutuhan ang tunguhan. Siya’y
lalong nagalit, walang magawang paghihiganti. Binunot ang kaniyang
sundang at ngangapa-ngapa sa hangin. Muling pinalo ni Maring sa
kamay, at ang sundang ay umilandang sa malayo. Pinulot din ni Maring
ang nasabing sundang.

Ang taksil na sarhentong nawalan ng mata, ngayon ay nawalan pa ring
lubos ng sandata.

Ibig niyang magtaanan, nguni’t hindi niya nakikita ang kaniyang
tutunguhan.

Nagkataong nagdadaan doon ang mga kostabulario. Pagkarinig nila
sa dalawang putok ng rebolber, ay nangagtumulin at lumapit sa
naglalabanan.

Si Maring ay sumalubong sa pamunuan at talagang ibibigay sana sa
kaniya ang rebolber at ang sundang, nguni’t pagkakita sa mukha nito,
ay biglang nahintakutan at anyong tatakas. Ang pamunuang ito ay dili
iba kungdi yaong malaking amerikanong tinarakan ng lanseta sa bahay
ng kaniyang panginoong amerikana sa Ermita.

Pagkakita ng pamunuang amerikano na si Maring ay may anyong tumakas,
ay hinawakan agad sa kamay.

--¿Saan ka paparoon?,--aniya.

Saka hinarap ang kaniyang mga kasamang kawal.

--Dakpin ninyo ang lalaking iyan,--aniya, sabay turo sa bulag.

Ang mga kawal ay nagsitupad sa utos.

--Patawarin po ninyo ako,--ang samo ni Maring sa pamunuan.

--¿Ikaw nga bagá,--ang tanong ng pamunuan,--ang sumugat sa akin
noong isáng gabi, sa bahay ng isang americana sa Ermita?

--¡Ako nga po!,--ang kahambal-hambal na sagot ni Maring.

--Kung gayon ay huwag kang mag-alaala,--anang pamunuan.--Ikaw ay
waláng kasalanan. Ipinagtangol mo lamang ang iyong dalisay na puri.
Ako ang siyang may kasalanan. Noong gabing yaon ay ako’y nalangó
at ikaw ay pinagnasaan kong lapastanganin. Ibigay mo sa akin ang
iyong kapatawaran. Ang aking sugat ay maluwat ng gumaling. Ngayon
ay sabihin mong lahat sa akin ang nangyari dito.

Ang takot ni Maring ay biglang napalitan ng pagkakatiwala doon sa
americanong, sa akala niya’y maluwat ng patay, at ngayon ay kumikilala
ng kasalanang nagawa, bagama’t nasugatan.

Sinalaysay ni Maring ang pakikipaglaban niya sa bulág, magbuhat sa
punó hanggang dulo.

Dumukot ang pamunuan ng isáng kandila sa kaniyang lukbutan at
tinanglawan ang mukha ng bulag. Pinahiran niya ang dugong namamalisbis
sa kaniyang mukha, pinagmasdang mabuti, saka tumango-tango.

Dumukot pa rin sa kaniyang lukbutan ng isang larawan, saka iniyagapay
sa mukha ng bulag.

--Ito nga,--aniya,--at wala ng ibá.

Isinama ang bulág, at gayón din si Maring, sa Kuartel Heneral ng
mga Kostabulario.

Dahil dito, si Maring ay muling kinabahan. Ang kaniyang pagkakatiwala
sa americano ay muling napalitan ng takot, gulat at hapis.

Inasahan niyang siya’y mabibilanggo, lalu na’t ang kaniyang sinugatang
americano ay pamunuan pa naman.

¡Nguni’t...! ¡Katakataka! Kinabukasan ng umaga, si Maring ay umuwi
sa kaniyang kubo. Masaya pa kay sa Paskó. Siya’y may dalang salaping
papél na halagang dalawang libong piso.

Nangdidilat ang mga matá ni Gonsalo pagkakita sa gayong karaming
salapi. Nangatal ang buo niyang katawan.

--¿Saan nangaling ang salaping ito?,--ang kaniyang tanong.

--Kagabing ako’y namitmit,--ang tugon ni Maring,--ay hindi ako
nakahuli ng kahit isang munting isda. Ang nahuli ko ay isang bantog
na tulisan.

--¡Tulisan!--ang gilalas ni Gonsalo.

--Oo,--ang sagot ni Maring,--isang bantog na tulisan. ¿Nalalaman
mo kung sino? Dili iba kungdi yaong kakilakilabot na tulisang
nagpapamagat na Bulág.

--¿Ha?--ang biglang tanong ni Gonsalo.

--Ang bantog na Bulág na kilabot nitong buong lalawigan,--ang ulit
ni Maring.--Ang tulisang itó ay dili iba kungdi ang Sargentong
nagpaputok ng mukha ko sa kuartel ng pulis sa Tundó, ng ikaw ay na
sa Hawaii pa. Dahil sa ginawa niyang kapaslangan sa akin ay siya’y
natiwalag sa kaniyang katungkulan, at ng naghirap na ang kaniyang
buhay ay siya’y nanulisán, at sapol pa noon ay ipinagbayad na siya
ng Pamahalaan ng dalawáng libong piso sa sino mang makadakip o
makapagturo ng kaniyang kinaroroonan. Ang salaping itó ay ganting
palang bigay ng Pamahalaan sa akin, sapagka’t ako ang nakadakip sa
nasabing bantog na tulisán.

Sinalaysay ni Maring ang lahat ng bagay na nangyari sa kaniya,
tungkol sa Pamunuang Americanong kaniyang sinugatan.

Si Gonsalo ay nabinat sa malaking tuwa.

Iniuwi ni Maring sa Maynila ang kaniyang mga anak at si Gonsalong
kaniyang asawa, tuloy ipinagamot ito sa lalong magagaling na mga
Doctor. Marami ang kaniyang iginugol na salapi, nguni’t si Gonsalo
ay hindi gumaling, at di naluwatan ay namatay.

Pagkatapos ng pagluluksa ni Maring, ay kaniyang nabalitaan na si
D. Eduardo ay nakukulong sa San Lazaro, sapagka’t siya’y naulol
magbuhat niyaong gabing kanyang makausap.

Si Maring ay dumalaw sa San Lazaro, at pagkakita sa kaniya ni
D. Eduardo, ito’y lumuksó at si Maring ay niyakap.

--¡Salamat sa iyó, Maring!--anang ulol.--¡Salamat!

Ang dating nagkakasintahan ay sabay na tumangis.

Sapol pa noon ay gumaling si D. Eduardo sa pagkasira ng kaniyang
katalinuhan, at silang dalawa ni Maring ay napakasal.

Natipon ang kayamanan ni D. Eduardo. Mahigit sa limang pung libong
piso, pati ng kaniyang dalawang malalaking bahay.

Sila’y hindi nagkaroon ng anak, nguni’t kinilala ni D. Eduardo ang
dalawang anák ni Maring, na parang tunay din niyang anak.

Sila’y namuhay na mahabang panahón sa laot ng saganang kayamanan at
dangal.

Ang panganay na anak ni Maring ay nag-aral sa pag aabogado at ang
bungso ay sa pag-dodoctor sa pangagamot.

Ang lahat na kahirapan at pagtitiis ni Maring ay napalitan ng di
mamagkanong biyaya at kaligayahan, hanggang sa oras ng kaniyang
kamatayan.


=WAKAS=



  MAY
  MAHALAGANG BALITA SA
  KABALIGTARAN



¿BAKIT DI BASAHIN?


Kung ang mga nobelang tagalog na sinulat ni Aurelio Tolentino ay
siyang kinasasaligan ng lalong maririkit na kasaysayan at buhay ng
ating Lahi, ¿ay bakit di basahin at namnamin sa madaling panahon?

At wala ng napakamura, nguni’t napakamahalagang gaya ng mga nasabing
aklat. Sa pamamagitan ng mga ilang sentimo lamang, ay kakamtan
ninyo at lalasapin ang mga masasarap na bunga ng walang kapagurang
pagpupuyat ng gumawa, at ng kaniyang mga matiyagang pakikibaka sa
larangan ng mithing Kalayaan, at ng kaniyang mga matiising pagod
dili-dili sa makasiam niyang pagkabilanggong laban sa mga Pamahalaang
Kastila at Amerikano, dahil sa kaniyang pagtatanggol sa mga katwiran
at karapatan ng bayan.

Narito ang mga nasabing aklat:


Kasulatang Ginto

  HALAGA--40 SENTIMOS

  May sampung maririkit na kabanata:
  I--Sangdugo.
  II--Bagong Araw.
  III--Tatlong Bituin.
  IV--Ang Haring Maliwat.
  V--Malagablab na pag-ibig.
  VI--Si nunong Sinukuan, ang kaniyang mga tikbalang at mga tianak.
  VII--Labanan sa gubat.
  VIII--Ang bangis ng panibugho.
  IX--Kakilakilabot na lihim.
  X--Katapusan.


Kahapon Ngayon at Bukas

  HALAGA--30 SENTIMOS

  May pitong mahalagang kabanata:
  I--Talimhagang paalam.
  II--Ang libingan ni Lakhang-Bayan.
  III--Watawat ng Kalayaan.
  IV--Ang mag-inang bihag.
  V--Pangakong mahigpit.
  VI--Maligayang kababalaghan.
  VII--Natupad ang tipan.


BUHAY

  HALAGA--50 SENTIMOS

  May dalawang puo’t anim na kabanata.
  I--Kung sino si Buhay.
  II--Ang unang halik.
  III--Si Dining at si Daluyong.
  IV--Dalawang halimaw.
  V--Handa sa labanan.
  VI--Ang lihim.
  VII--Sápilitan.
  VIII--Lumala ang ligalig.
  IX--Ang kapaslangan sa harap ng kabaitan.
  X--Ang sulat ni Dining.
  XI--Luha.
  XII--Naglalamay na lahat.
  XIII--Patayan.
  XIV--Ang sundang na basa ng dugo.
  XV--Si Manuel.
  XVI--Ang sigaw ng kasalanan.
  XVII--Simula ng litis.
  XVIII--Tinubos ni Marcial si Buhay.
  XIX--Tinubos ni Buhay si Marcial.
  XX--Saksing pipi.
  XXI--Ang talas ng hukuman.
  XXII--Ang paglagpak ni Daluyong.
  XXIII--Dakip.
  XXIV--Ang kasinungalingan.
  XXV--Ang katotohanan.
  XXVI--Katapusan.


Ang Buhok ni Ester

  Unang Bahagi
  HALAGA--40 SENTIMOS

  May sampuong makasaysayang kabanata:
  I--Kidlat sa loob ng isang bahay.
  II--Bagyó sa loob ng isang puso.
  III--Simula ng kapaslangan.
  IV--Namitak ang pag-ibig.
  V--Ang tabil ni Gloria.
  VI--Dinaig ng munting pipit ang lawing hari ng bangis.
  VII--Kahapon, Ngayon at Bukas.
  VIII--Hapunan at talumpati.
  IX--Abogadong palaka, Kupidong manok, Haring alipin, Ulupong na
        makabayan.
  X--Dinagit ng lawin.

  Ikalawang Bahagi
  HALAGA--40 SENTIMOS

  I--Gumagalaw ang lupong.
  II--Ang babaying lalaki.
  III--Mabisang kamandag.
  IV--Ang halik ng bangkay.
  V--Lagaring ginto.
  VI--Si Juana at ang kaniyang kalapati.
  VII--Limang libong piso ang isang buhok.
  VIII--Ang pagsisi ni Dimas.
  IX--Ang himutok ni Ester.
  X--Bagong Judit.

  Ikatlong Bahagi
  HALAGA--40 SENTIMOS

  May sampung makasaysayang kabanata.
  I--Singsing na katumbas buháy.
  II--Ang sugo ng katarungan ay pumulas sa liwayway.
  III--Ang dalawang bangkay ng isang buháy.
  IV--Hatol bitay.
  V--Sa kuko ng kamatayan.
  VI--Muling nabuhay.
  VII--Sa harapan ng Hukuman.
  VIII--Ang paglagpag ni Gerardo.
  IX--Ang sigaw ng kasalanan.
  X--Katapusan.


Ang mga may nais magkaroon ng mga nasabing aklat ay maaaring sumulat
kay N. Hilario, 237 Mercado Yanco, Tabora Int., San Nicolas,
Manila, K. P.

Kalakip sa loob ng sobre ang halagang kailangan, maging pilak, ó
maging “giro-postal” man, at maaasahang tatanggapin nilá sa pagbabalik
ng Correo.

Hindi malalaunan ay ipalilimbag din namin ang mga nobelang na nga
banggit sa likuran at marami ang humihingi sa amin.



[Talâ ng Tagapagsalin:

Isinaayos ang pagbabantas (punctuation). Ginawang tatlo ang mga
tuldok ng lahat ng mga elipsis (...).

Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di
pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, at paggamit ng
mga tuldik, maliban lamang sa mga sumusunod:

  “Gonsalo” binago mula sa “Gonzalo” sa
    pahina 9 (nagngangalang Gonsalo; Si Gonsalo ay may;
      pag-ibig ni Gonsalo); at
    pahina 10 (ni Gonsalo ang gayon; si Gonsalo ay muli).
  Pahina 9, “nilá” binago mula sa “niliá” (nilá Maring, palibhasa’y).
  Pahina 10, “bagong” binago mula sa “bagon” (bagong-taong may mga).
  Pahina 12, “magiging” binago mula sa “maginging” (magiging poon ng).
  Pahina 14, “maging dapatin” binago mula sa “magingdapatin” (inyóng
    maging dapatin).
  Pahina 15, wala nang simula ng bagong talata bago ang “¿Anó ang
    balak mo”.
  Pahina 16, “kaawa-awang” binago mula sa “kaa-awang” (ng kaawa-awang
    Maring).
  Pahina 18, “kailangang” binago mula sa “kailngang” (kailangang
    ilugso ko).
  Pahina 25, isiningit ang “ng” bago ang “mga babaying sawing”.
  Pahina 34, “panahong” binago mula sa “pnahong” (ng panahong
    lumipas).
  Pahina 35, “Maring” binago mula sa “Marig” (Maring at sa mga
    batang).
  Pahina 39, isiningit ang “ang” bago ang “iyong ala-ala”.
  Pahina 41, “Kung” binago mula sa “kung” (Kung kailan ako’y).
  Pahina 46, “Pagkaringig” binago mula sa “Pakaringig” (Pagkaringig
    ni D. Eduardo).
  Pahina 47, naglagay ng simula ng bagong talata bago sa “--Iyan ay
    handog ko”.
  Pahina 49, “Inang Malingap” binago mula sa “INANG MALINGAP”.
  Pahina 52, “Bakit” binago mula sa “Babit” (Bakit at ako’y).
  Pahina 53, “Maring” binago mula sa “Maing” (ni Maring ang sargento).
  Pahina 54, “yantok” binago mula sa “yantak” (yantok, at nagputok).
  Pahina 56, “ka na” binago mula sa “kana” (Umuwi ka na at).
  Pahina 58, “ni Maring” binago mula sa “niMaring” (ni Maring
    na iyon).
  Pahina 61, tinanggal ang naulit na “at” (at muling ipinako).
  Pahina 63, “kaniyang” binago mula sa “kaniyan” (kaniyang nakitang
    nakatapon).
  Pahina 72, “naala-ala” binago mula sa “nala-ala” (naala-ala
    ni Maring).
  Pahina 77, “iisáng” binago mula sa “iiisáng” (may iisáng lalaking).
  Pahina 78, “y” binago mula sa “ay” (ay hindi na mangyaring).
  Pahina 79, “Sila’y” binago mula sa “sila’y” (Sila’y nanuluyan).
  Pahina 80, “KABANATANG” binago mula sa “KABANATA” (KABANATANG VI).
  Pahina 85, “káhulugan” binago mula sa “kaáhulugan” (káhulugan
    ng usapan).
  Pahina 88, “Pagtitiis” binago mula sa “pagtitiis” (Ganting-pala
    ng Pagtitiis).
  Pahina 88, “ng” binago mula sa “ang” (dahilan ng kanilang).
  Pahina 94, “ng” binago mula sa “na” (puno ng kaniyang).
  Pahina 95, “rebolber” binago mula sa “revolber” (kaniyang rebolber,
    nguni’t).
  Pahina 97, “Ibigay” binago mula sa “Ibibay” (Ibigay mo sa akin).
  Pahina 98, inilipat ang “Isinama ang bulág, at gayón din si” sa
    unahan ng “Maring, sa Kuartel Heneral ng mga”.
  Pahina 99, “kahit” binago mula sa “kahi’t” (ng kahit isang).
  Sa mga patalastas sa dulo ng teksto,
    “XIX”, binago mula sa “XVIIII” (XIX--Tinubos ni Buhay).
    “buháy”, binago mula sa “buhaáy” (na katumbas buháy).
    “bangkay”, binago mula sa “banggkay” (bangkay ng isang).]





*** End of this Doctrine Publishing Corporation Digital Book "Maring (Dangal at Lakas) - Ulirang Buhay Tagalog" ***

Doctrine Publishing Corporation provides digitized public domain materials.
Public domain books belong to the public and we are merely their custodians.
This effort is time consuming and expensive, so in order to keep providing
this resource, we have taken steps to prevent abuse by commercial parties,
including placing technical restrictions on automated querying.

We also ask that you:

+ Make non-commercial use of the files We designed Doctrine Publishing
Corporation's ISYS search for use by individuals, and we request that you
use these files for personal, non-commercial purposes.

+ Refrain from automated querying Do not send automated queries of any sort
to Doctrine Publishing's system: If you are conducting research on machine
translation, optical character recognition or other areas where access to a
large amount of text is helpful, please contact us. We encourage the use of
public domain materials for these purposes and may be able to help.

+ Keep it legal -  Whatever your use, remember that you are responsible for
ensuring that what you are doing is legal. Do not assume that just because
we believe a book is in the public domain for users in the United States,
that the work is also in the public domain for users in other countries.
Whether a book is still in copyright varies from country to country, and we
can't offer guidance on whether any specific use of any specific book is
allowed. Please do not assume that a book's appearance in Doctrine Publishing
ISYS search  means it can be used in any manner anywhere in the world.
Copyright infringement liability can be quite severe.

About ISYS® Search Software
Established in 1988, ISYS Search Software is a global supplier of enterprise
search solutions for business and government.  The company's award-winning
software suite offers a broad range of search, navigation and discovery
solutions for desktop search, intranet search, SharePoint search and embedded
search applications.  ISYS has been deployed by thousands of organizations
operating in a variety of industries, including government, legal, law
enforcement, financial services, healthcare and recruitment.



Home